BABANGON KAMI SA SARILING PARAAN -- SURVIVORS (AP) Kung marami - TopicsExpress



          

BABANGON KAMI SA SARILING PARAAN -- SURVIVORS (AP) Kung marami ang mga lumilikas dahil sa kawalan ng pag-asa, mayroon namang mga survivor ng nagdaang bagyong Yolanda ang naging matatag sa kabila ng kaawa-awa nilang kalaga­yan at nanindigan na hindi aalis sa kanilang bayan sa halip ay babangon sa sari­ling paraan. Ito ang nagaganap ngayon sa bayan ng Guiuan sa Eastern Samar, ang lugar kung saan unang nag-landfall ang super typhoon Yolanda, na sa kabila ng desperado nilang kala­gayan ay mayroong mga nagpasyang manatili dito at magsimulang muli na ibangon ang kanilang pamumuhay. Isa si Dionisio de la Cruz sa mga taong ito na alas-sais pa lamang ng umaga kahapon ay inaayos na ang nasira nilang papag gamit ang mga kinakalawang na pako. Nakagawa na rin siya ng pansamantala nilang tirahan mula sa mga natira sa kanilang tahanan na winasak ng bagyo. “Kami na lamang ngayon, kaya kailangan namin kumilos. Hindi na kami umaasa na may darating at tutulungan kami,” sabi ng 40-anyos na si Dionisio habang ang kanyang asawa at ina ay natutulog pa sa katabing lamesa. Tila bumabalik na rin nga ang buhay sa bayan ng Guiuan pagkatapos na hagupitin ito ng bagyo. Isang lalake ang makikitang nagtitinda ng inihaw habang isang mag-asawa naman ang nagbukas ng tindahan para magtinda ng inumin at sopas. Makikita rin ang mga bagong labang damit na nakalatag sa ilalim ng araw para patuyuin ang mga ito. Marami na ang nag-alisan sa Guiuan at maging sa iba pang mga bayan na sinalanta ng bagyo subalit may ibang pinili na manatili at tumulong sa pagbabangon ng kanilang lugar mula sa desperado nilang kalagayan. Kabilang dito si Susan Tan na isang shop owne­r. Nakahanda na sana siyang umalis para magpunta sa ibang lugar dahil pinasok ng mga kababaya­n ang kanyang tindahan at kinuha lahat ng mga mapapakinabangan ilang araw pagkatapos ng bagyo. Subalit isang kaibiga­n umano niya ang nagkum­binsi sa kanya na manatili sa kanilang lugar. Ngayon ay pinangangasiwaan na niya ang isang relief center sa kanyang shop. “Hindi ako puwedeng pumunta na lamang ng Cebu at umupo sa isang mall habang ang lugar na ito ay wasak na wasak. Kahit na pinagnakawan ako at nabangkarote ay hindi ko matatalikuran ang mga kaibigan ko at ang bayan na ito. Kailangan namin ang magtulungan sa isa’t isa,” a­yon kay Tan. Nakatawag din si Tan sa pamamagitan ng satel­lite phone sa isa niyang kaibiga­n na nagtatrabaho sa isang local cellphone provider. Ngayon ay daan-daang katao ang nakapila sa kanya upang matawagan ang kanilang mga kamag-anak at ipaalam na ligtas na sila. Isang minuto lang kada tawag ang patakaran nila. Ang Guiuan ang u­nang hinagupit ng bagyong Yo­landa na nagresulta ng malawakang pinsala sa nasabing bayan. Subalit konti lamang ang mga nasawi dito kumpara sa Tacloban at iba pang bayan na sinalanta ng storm surges. May mga volunteer na rin na dumating sa Guiuan at naglilinis ng mga kalsada na patungo sa airport para mabilis na makarating sa mga survivor ang mga relief goods. “It’s devastating to see this. But people are slowly recovering,” ayon kay Peter Degrido, na lider ng mga volunteer. From: abante , Maya@
Posted on: Sat, 16 Nov 2013 00:22:12 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015