42 na patay, higit 100 sugatan sa 7.2 Bohol quake (Update) - TopicsExpress



          

42 na patay, higit 100 sugatan sa 7.2 Bohol quake (Update) Umakyat na ngayon sa 42 ang patay, habang mahigit sa 100 ang sugatan matapos na tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa lalawigan ng Bohol. Iniulat ngayon ni NDRRMC spokesman. Maj. Reynaldo Balido Jr., na kabilang sa mga nasawi ay 15 mula sa lalawigan ng Cebu at isa sa Siquijor. Umakyat naman sa 26 na katao ang patay sa Bohol na kinumpirma mismo ni Bohol Provincial Board Member Cesar Lopez. Habang umaabot umano sa mahigit 100 ang sugatan sa Bohol pa lamang at umabot sa 22 simbahan ang nasira kabilang na ang kilalang Loboc Church. Habang sa report naman ng Department of Health (DoH) ay umaabot na sa 69 ang sugatan sa Tagbilaran, Bohol lamang. Sa naturang bilang, marami ang isinugod sa Celestino Gallares Memorial Hospital. Una rito, nagpaliwanag si Phivolcs Director Renato Solidum na niyanig ng magnitude 7.2 na lindol ang probinsya ng Bohol dakong alas-8:15 ng umaga kanina. Ayon kay Solidum, ang lokasyon ng lindol ay nasa dalawang kilometro sa timog na bahagi ng Nueva Vida Sur, Carmen, Bohol. Ang gumalaw umano ay ang east Bohol fault. Sa inisyal na ulat, naramdaman ang Intensity 6 sa Hinigaran, Negros Occidental; Intensity 5 sa Iloilo City; Intensity 4 sa Masbate City at Intensity 3 sa Davao City. Inihayag ni Solidum na tectonic in origin ang lindol na may lalim na 33 kilometro. Naitala rin na maraming lugar ang nawalan ng suplay ng koryente. Nagmistula ring ghost town ang lungsod ng Cebu makaraang magsara ang mga business centers dahil sa panaka-nakang mga aftershocks. Last modified on Tuesday, 15 October 2013 14:38 via BR Phil.
Posted on: Tue, 15 Oct 2013 06:55:40 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015