Bismillahir-Rahmaanir- Raheem. - TopicsExpress



          

Bismillahir-Rahmaanir- Raheem. Alhamdulillaahi Rabbil-‘Aala-meen, Ar- Rahmaanir-Raheem, Maliki Yaumid-deen, Iyyaka na’abudu wa Iyyaka Nasta’een, Ihdinas-siraatal Mustaqeem, Siraatal-Ladheena An’amta Alayhim. Ghairil Maghdoobi Alayhim wa lad- daalleen. (Suratul Fatihah) Ito ang kauna-unahang kabanata ng Banal na Qur’an na aking naisapuso. Ako nga pala si Noor C. Batoon, tubong Pateros, Metro Manila at lumaki sa pananampalatayang Kristiyanismo. Wala sa isip ko ang pagpapalit ng relihiyon sapagka’t ang katuwiran ko noon, dito ako lumaki sa pananampalatayang ito, dito rin ako mamamatay. Subali’t maraming tanong sa aking isipan na hindi ko mahanapan ng kasagutan, katulad ng ‘bakit kailangang idaan pa sa pari ang aking mga pagsisisi samantalang maaari ko namang ihingi ito ng tawad nang tuwiran sa Panginoon’. Lumaki akong sinusunod ang mga gawain ng Kristiyano---ang pagsimba, ang pagpanata sa mga kapistahan ng mga santo, ang pag-aayuno tuwing mahal na araw at marami pang gawaing Kristiyano. Nguni’t hindi maalis sa akin ang mga katanungang gumugulo sa aking isipan. Marami sa aking mga kaibigan ang nag-anyaya sa aking dumalo sa kanilang pagsamba. Sumasama naman ako subali’t nakikinig lamang. Gayunpaman, hindi ko pa rin mahanap ang kasagutan sa mga katanungan ko. Sa tuwing nagdarasal ako, diretso ang aking pasasalamat, at paghingi ng tawad sa Panginoon sa lahat ng mga nagawa ko sa araw na iyon. Lahat ng bagay ay ikinukonsulta ko sa Kanya sa tuwing gagawa ako ng anumang hakbang sa aking buhay. Masasabing direkta sa Kanya ang aking mga panalangin kahit na ang aking kinalakihang pamilya ay naniniwala, nananalangin at nagbibigay papuri sa mga santo’t santa at kay Hesus. Nagkaroon ako ng kaklaseng Muslim noong nasa ikalawa at ikatlong antas ako ng High School. Lagi ko silang tinatanong kung ano ang mga ginagawa nila bilang Muslim. Nguni’t hindi ganoon kalawak ang kanilang kaalaman. Tuloy-tuloy pa rin ako sa pagsisimba tuwing linggo at pagsama-sama sa mga kapistahan. Sumapit ang panahong dumating sa buhay ko ang aking napangasawa. Hindi pa siya Muslim noong magkatagpo kami. Katulad ko, marami rin siyang katanungan sa Kristiyanismo at sa lahat ng mga relihiyon. Hindi siya naniniwala sa mga santo dahil rebolto lang daw ito. Lagi kaming nagtatalo kapag niyayaya ko siyang magsimba dahil ayaw niyang sumama. Nagkahiwalay kami ng aking kasintahan noong umalis siya patungong Riyadh noong 1997. Patuloy ang pagsusulatan namin sa isa’t isa hanggang sa isang araw, ipinagtapat niya sa akin na Muslim na siya. Nagulat ako sa aking nabasa at bigla akong nainis sa kanya na hindi ko man lang inalam ang dahilan kung bakit siya nag-Muslim. Unang pumasok sa aking isipan ang takot na maaari siyang mag-asawa ng marami. Galit kong sinagot ang mga sulat niya at sinabi ko sa kanyang hindi niya ako maaakay sa Islam kahit kailan. Nguni’t habang ginagawa ko ang sulat na iyon, humihingi ako ng tulong sa Panginoon na nawa’y bigyan niya ako ng dahilan kung bakit kailangan kong tanggapin ang paliwanag ng aking kasintahan. Isang linggo ang lumipas at nagkaroon ako ng lakas ng loob na harapin ang mga bagay na nais niyang sabihin. Hinintay ko ang sagot niya sa mga sulat ko. Naisip kong bakit kailangan akong magalit sa kanya samantalang may sinasamba na siya ngayon, may takot, at ilang beses kung magdasal sa loob ng isang araw. Hindi katulad noon, wala siyang interes sa relihiyon. Ipinaliwanag niya sa akin ang takot ko tungkol sa pag-aasawa nang marami ng Muslim. Sinabi niyang maaaring makapag- asawa ang Muslim ng hanggang apat, “And if you fear that you shall not be able to deal justly with the orphan-girls, then marry (other) women of your choice, two or three, or four but if you fear that you shall not be able to deal justly (with them), then only one or (the captives and the slaves) that your right hands possess. That is nearer to prevent you from doing injustice.” (Qur’an 4:3). Ipinaliwanag din niya sa akin ang mga dahilan kung bakit niya niyakap ang Islam. Tinanggap ko ang kanyang mga paliwanag nguni’t sinabi ko sa kanya na huwag niya akong yayain na mag-Muslim din. Sinabi niya sa akin na nasa Allah lamang ang patnubay kung magiging Muslim ako o hindi, nguni’t obligasyon niyang ibahagi sa akin ang katuruan ng Islam sapagka’t accountable siya tungkol dito sa pagdating ng Judgement Day. Sa dalawang taon niyang pamamalagi sa Riyadh, dalawang taon din niya akong pinadadalhan ng mga aklat at babasahing Islamiko at walang sawang ipinaliliwanag sa akin ang mga katuruan ng Islam. Hindi ko man lang binabasa noong una ang mga aklat na pinadadala niya, hanggang sa dumating na lamang sa akin ang interes na basahin ang mga ito. Nakuha kong basahing lahat ang mga naipadala niya at hindi ko namamalayan na halos abangan ko na ang mga susunod niyang ipadadala. Lagi kong hinihiling sa Panginoon na ibigay sa akin ang tamang daan patungo sa Kanya. Hinihiling ko, kung ako ay para sa Islam, bigyan niya ako ng sign at aking tatanggapin ito. Isang araw namalayan ko na lamang ang aking sarili na isinasaulo ang Al-Fatihah (opening chapter ng Banal na Qur’an) na nakasulat sa isang post card na ipinadala sa akin noong nag-Umrah siya sa Makkah. Noong taong 1998, naoperahan ako dahil sa appen-dicitis. Hindi ko inaasahang ang pangyayaring iyon ang magbubukas sa aking puso upang tanggapin ang Islam. Nang malaman kong ooperahan ako, dumating ang malaking takot sa akin. Dinasal kong lahat ang alam kong dasal ng Kristiyano nguni’t balisa pa rin ako at takot na takot hanggang sa dalhin nila ako na sa operating room. Nag-iiyak at naghi-hysterical ako. Bago ako binigyan ng anaesthesia para makatulog, dinasal ko ang Al-Fatihah. Doon ko naramdaman ang kapanatagan ng loob at kapayapaan ng isip. Palagay ang loob kong walang anumang mangyayari sa akin sapagka’t nasa pangangalaga ako ng Allah. Alhamdulillah, naging maayos ang aking operasyon. Mula noon hindi ko na isinasantabi ang pag- aaral tungkol sa Islam. Patago akong nagbabasa ng mga aklat na ibinigay ng aking kasintahan dahil alam kong magagalit ang aking magulang. Iba ang kanilang pananaw sa mga Muslim. Hindi ko rin binabanggit sa aking kasintahan na patuloy akong nag-aaral tungkol sa Islam. Enero ng taong 1999 noong nagbabayad ako ng bill ng telepono sa Makati nang masumpungan ko na lamang ang aking sariling tumatawag sa ISCAG (Islamic Call and Guidance) sa Cavite at tinatanong ko kung papaano ako makakarating doon. Dumating ako sa Cavite na eksaktong oras na ng Salaah ng Asr (afternoon prayer) at doon ko unang narinig ang Adhan (call for prayer). Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman sa mga oras na iyon. Gayunpaman, hindi pa rin ako nakapag- Shahada (pagsaksi ng pagyakap sa pananampalatayang Islam) sa mga sandaling iyon. Lumipas ang tatlong buwan at ako’y nasorpresa sa biglang pag-uwi ng aking kasintahan. Niyaya niya akong pakasal dahil raw hindi sinasang-ayunan sa Islam ang pakikipagkasintahan. Hiningi niya ang pahintulot ng aking mga magulang. Bagama’t alam nilang Muslim na siya, hindi sila tumutol sapagka’t wala naman silang makitang masama sa kanyang relihiyong Islam. Pumunta kami sa Quiapo at hinanap ang mga Islamic Offices doon na maaaring tumulong sa amin sa pagpapakasal. Marami kaming napagtanungan nguni’t taliwas ang mga ito sa mga itinuturo ng Islam. Nagpatuloy kami sa paghahanap hanggang sa matagpuan namin ang Islamic Wisdom Worldwide (IWW) na pinamamahalaan ng isang Palestino at doon isinangguni namin ang aming balak na magpakasal. Nag-Shahada ako noong araw ding iyon at biglang nagulat at umiyak sa tuwa ang aking kasintahan dahil lagi raw niyang hinihiling sa Allah (swt) na mapatnubayan ako sa tamang landas. Nakasal din kami noong araw na iyon. Hindi ko lubusang maunawaan noon kung bakit siya umiyak nang mag- Shahada ako. Ilang buwan lang at bumalik na uli rito sa Riyadh ang aking asawa. Patago pa rin akong nagbabasa-basa ng mga aklat at nagsa-Salaah sapagka’t sarado sa Islam ang aking pamilya lalung- lalo na ang aking Ate. Hindi siya tumatanggap ng anumang paliwanag tungkol dito. Kaya kahit patago, patuloy ko pa ring ginagampanan ang mga tungkulin ko bilang isang Muslim. Gayunpaman, marami pa ring mga bagay na hindi ko magawa sapagka’t naroroon ako sa lugar ng mga di-Muslim. Kaya, hiniling ko sa Allah na makarating sana ako sa aking asawa sa Riyadh upang magampanan ang mga responsibilidad ko bilang isang Muslim, at tuluyang makapag-aral tungkol sa Islam. Alhamdulillah, anim na buwan na ako ngayon dito sa Riyadh kasama ang aking asawa. Biniyayaan din kami ng Allah (swt) na magkaroon ng anak dahil maglilimang buwan na akong nagdadalang-tao. Kasalukuyan akong nag- aaral sa Dar Al Eemaan tuwing Biyernes kung saan nabigyan ako ng pangalan na ang kahulugan ay “Ilaw”. Nakakasalamuha ko rin ang ibang mga sisters sa pananampalataya at masayangmasaya ako sa mga biyayang natatanggap ko ngayon mula sa Allah (swt), Alhamdu Lillah! Nagpapasalamat ako sa Allah sa Kanyang patnubay. Ang tanging hiling ko’y buksan nawa Niya ang puso’t isipan ng aking pamilya na tanggapin ang katotohanan na ang Islam ang tunay na relihiyon na ibinigay Niya sa sanlibutan. Sa aking natamong kapayapaan at kaligayahan, tiyak na mapapaluha rin ako kung sakaling tanggapin din nila ang Islam. Ngayon ko lubusang nauunawaan kung bakit napaluha ang aking kabiyak nang tanggappin ko ang Islam. Nawa’y magsilbing gabay sa mga bagong Muslim ang karanasan kong ito at gayundin sa mga taong may alinlangan pa sa kanilang mga puso. Assalamu Alaikum wa Rahmatullahi wa Barakatuh - mula sa librong Islam, bakit ko ito niyakap ni Sister Zainab P. Lucero....*pyrex68*
Posted on: Tue, 29 Oct 2013 01:12:03 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015