Biyernes sa Ika-17 Linggo ng Taon Mt 13:54-58 Posted by jayr - TopicsExpress



          

Biyernes sa Ika-17 Linggo ng Taon Mt 13:54-58 Posted by jayr bibal on Friday, August 2, 2013 · Leave a Comment Reflections BAGONG UMAGA Magandang-magandang araw ng Biyernes mga giliw naming tagasubaybay. Ikalawa ngayon ng Agosto, kapistahan ni Sa Eusebio de Vercelli na isang Obispo, at San Pedro Julian Eymard na isang pari. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin hilingin nating lumago tayo sa ating pananampalataya sa Panginoong Jesus. Hindi man natin Siya nakita at nakasama katulad ng Kanyang mga kababayan, pero nananalig tayo na Siya ang ating Mesiyas at Tagapagligtas. Ang sinugo ng Ama na magliligtas sa atin sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan. Bagay na di nakita ng mga kababayan ni Jesus sa Mabuting Balitang maririnig natin ngayon, ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata limampu’t apat hanggang limampu’t walo. GOSPEL Reflection Mga kapatid, naniniwala ba kayo sa kasabihang “familiarity breeds contempt?” Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tinanggap si Jesus sa Kanyang sariling bayan. Kilala kasi nila ang pamilyang kanyang pinanggalingan – ang kanyang inang, si Maria, at ama-amahan na si Jose. Kilala nila ang kanyang mga kapatid at marahil na-obserbahan din nila kung paanong namuhay ang mag-anak. Kaya bulag sila, sa Kanyang tunay na pagkakakilanlan. Ang kawalan ng pananampalataya ng mga kababayan ni Jesus ang bumulag sa kanilang mga puso kaya’t hindi nila nakita ang pagkilos ng kapangyarihan ng Diyos kay Jesus. Namangha sila sa Kanyang karunungan at himalang Kanyang ginawa, dahil inakala nilang tulad nila’y isang karaniwang tao lamang si Jesus. Saan nga ba nanggaling ang karunungan ni Jesus gayong hindi naman Siya maihahanay sa mga eskriba at mga Pariseo na dalubhasa sa Batas ng mga Judio? Saan nga ba nagmumula ang kapangyarihan Niya, at nakagagawa Siya ng himala gayong Siya’y anak lamang ng isang karpintero? Nakita sana ng mga kababayan ni Jesus ang maliwanag na sagot sa mga katanungang ito kung sila’y may pananampalataya sa Kanya. Hindi magtataglay ng ganung kapangyarihan ang isang “tao lamang.” Ang Kanyang kapangyarihan at gawa, nagpapahayag kung sino Siya. Mga kapatid, tanungin naman natin ang ating sarili, gaano na ba kalalim ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesus bilang ating Mesiyas at Tagapagligtas? Nakikita ba ang ating pananampalataya sa Panginoon sa ating pang-araw-araw na buhay?
Posted on: Fri, 02 Aug 2013 08:51:12 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015