Day 8: Aerial assault isinagawa vs MNLF positions Monday, 16 - TopicsExpress



          

Day 8: Aerial assault isinagawa vs MNLF positions Monday, 16 September 2013 13:13 (Update) ZAMBOANGA CITY - Sa unang pagkakataon gumamit na rin ngayon ng air asset ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang operasyon laban sa Moro National Liberation Front (MNLF) fighters na nagkakanlong pa rin sa ilang barangay sa Zamboanga City. Sa ulat ni Bombo Tonyo Bagito ng Star FM Zamboanga, kitang kitang umano ang dalawang MG-520 attack helicopters ng Philippine Air Force (PAF) sa pag-atake sa posisyon ng MNLF Misuari faction. Ang hakbang ng PAF ay kasunod ng deklarasyon ng AFP na pagpapatupad ng calibrated military operations kung saan nasa ika-walong araw na ngayon ang standoff. Partikular umanong target ng air strike ay ang ilang bahagi ng Barangay Sta. Catalina at Sta. Barbara kung saan pinaniniwalaang nagtatago ang ilang MNLF members. Lumutang naman ang impormasyon na kabilang sa tinamaan ng air assault ay isang sundalo, pero hindi raw malubha ang tinamong sugat. Ayaw pang kumpirmahin ng mga otoridad ang naturang insidente. Pero kinumpirma ni Lt. Col. Ramon Zagala, AFP PIO chief, ang air attack gamit ang PAF choppers. Aniya, binibigyan ng free hand ang mga ground commanders na paggamit ng anumang available asset ng militar. Ito rin aniya ay upang magbigay ng sapat na bentahe sa mga ground troops na nakikipagbakbakan sa puwersa ng MNLF. Una rito, maaga pa kanina muli na namang binulabog ng matinding putukan ang mga residente ng Zamboanga sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at MNLF fighters. Sa report ni Bombo Marilyn delos Santos mula sa area, napansin umano na umalingawngaw ang putukan kaninang alas-5:30 ng madaling araw at pasado alas-7:00 ng umaga ay narinig na naman ang heavy gunfire sa magkabilang panig. Sinasabing kabilang sa putukan ay mula sa sniper fire ng mga nakaposisyong MNLF forces at mula sa mortar. Iniulat naman ni Bombo Jeff Cabonga, na isang babae ang tinamaan ng ligaw na bala sa labas lamang ng evacuation center sa Zamboanga Sports Complex. Nangyari ang insidente kaninang alas-6:15 ng umaga. Pinaniniwalaan na ang bala ay nagmula sa direksyon ng Sta. Barbara. Sa pagtaya ni PO2 Manuel Faelon, isa sa team leader na mga pulis, humigit-kumulang sa apat na kilometro ang layo nila sa lugar. Aniya, hindi naman fatal ang tama ng babae sa kaliwang hita. Kuwento pa ng pulis, may limang metro ang layo sa kanila ng biktima na bigla na lamang sumigaw dahil may tama na pala ng stray bullet. Kaagad naman itong sinaklolohan ng medic at stable na ngayon ang kalagayan sa ospital. Una rito, sugatan din ang tatlong taong gulang na bata matapos na tamaan ng ligaw na bala kahapon. Sa record naman ng militar, nasa 51 mga MNLF fighters na ang nasawi, siyam ang sugatan, habang nasa 48 na ang mga naaresto. Simula kagabi hanggang ngayong umaga, apat na sunud-sunod na sunog muli ang naitala sa mga lugar kung saan nagkakanlong ang mga rebelde. Tulad ng dati, hindi nakalapit sa tinutupok na mga kabahayan at warehouse ang mga bombero dahil nasa area pa rin ang mga MNLF forces. Ang sunog ay naganap sa Sta. Catalina, Sta. Barbara at Rio Hondo. Sinasabing sa lugar ng Sta. Catalina ang may pinakamaraming insidente ng sunog. Sa pagtaya ng ilang tagamasid nasa 19 na ang mga insidente ng sunog sa syudad mula nang magsimula ang standoff noong September 9. Pero sa bilang ng Bureau of Fire Protection (BFP) nasa 11 pa lang ang naitatalang sunog. Nilinaw pa ng BFP, ang kanilang pagbilang ay batay lamang sa naging origin ng insidente. - See more at: bomboradyo/news/top-stories/item/22614-day-8-afp-naglunsad-ng-aerial-assault-vs-mnlf-positions#sthash.5g9snwQW.dpuf
Posted on: Mon, 16 Sep 2013 17:30:37 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015