Disiplina at urbanidad Maganda itong kwento ni MMDA Chairman - TopicsExpress



          

Disiplina at urbanidad Maganda itong kwento ni MMDA Chairman Francis Tolentino. Sumakay daw siya sa isang ordinaryong pampasaherong bus (ibig sabihin ay hindi air-conditioned) na bumibiyahe d’yan sa EDSA. Gusto raw kasi niyang maranasan nang personal ang araw-araw na pasaning dinadala ng isang karaniwang mananakay. Syempre, kasama rin sa eksperimento ni Tolentino na makita niya at personal na maranasan ang matinding sikip ng trapiko sa EDSA at kung ano ang mga nagiging sanhi o pinag-uugatan nito. E, ‘di bumulaga sa kanya ang napakalaking problema ng kawalang disiplina, hindi lang ng mga pasaway na bus drivers na bumababad, bumabalagbag at nakikipagkarera para lamang makarami ng pasahero. Nariyan din daw ang kawalang disiplina na rin ng mismong mga pasahero. Para lang nang para kahit saan nila gusto. Bababa at sasakay kahit sa bawal dahil ang gusto nila ay sa mismong tapat ng kanilang pinag-aabangan o bababaan sila ihihinto ng tsuper. Tama ito! Personal na maranasan ng mga opisyal ng gobyerno ang tunay na sitwasyon sa kalye bago sila gumawa at magpatupad ng mga panuntunan at solusyon sa trapiko. Pero sa totoo lang, mahabang panahon ang bubunuin at pagtitiyagaan ng pamahalaan bago madisiplina ang riding public. Malalim na kultura ang pinanggagalingan nito. Hindi sa minamaliit natin ang ating mga kababayan sa probinsya pero ang ganitong ugali na pagpara ng sasakyang pampubliko kahit saan ay ugaling probinsya. Intindido naman dahil sa probinsya ay walang katrapik-trapik. Ni hindi makakaabala ang kung saan-sa­ang baba’t sakay ng pasahero dahil nga hindi naman sunud-sunod ang mga sasakyan. Ni wala halos kabuntot ang mga behikulo rito. Ngayong ang karamihan sa mga dumayo sa mga syudad, lalo na dito sa Metro Manila, ay galing sa mga probinsya (mapa-motorista o mananakay), dala-dala nila ang ugaling probinsya partikular sa istilo ng pamamasada at paggamit ng pampublikong transportasyon. Pati na ang pagtawid sa tamang tawiran ay isang disiplinang bumabangga sa kultura ng probinsya na kahit saan at kahit anong oras ay pwedeng tumawid. Nasa gobyerno ngayon ang pagtatanim ng disiplina at kung paano maipauunawa sa mga taga-probinsyang dayo na maraming nakagisnang gawi at pag-uugali ay hindi nararapat na patuloy na gawin sa syudad. Sa nakaraang mga henerasyon, tinuturuan ng urbanidad ang mga tao nang sa gayon ay tumugma ang kanilang asal sa tamang lifestyle sa lungsod. Kailangang-kailangan ang pag-a-adjust dahil sa malaking kaibahan ng lungsod sa probinsya. Mas maraming tao rito, mas masikip ang daloy ng trapiko, at mas maraming mga ordinansa at polisiya na kailangang sundin nang buong istrikto at di­siplina para sa pangkalahatang interes.
Posted on: Mon, 19 Aug 2013 05:31:40 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015