Eulogy for Nanay. “Isang Pasasalamat” “Putang ina mo - TopicsExpress



          

Eulogy for Nanay. “Isang Pasasalamat” “Putang ina mo ninyo” (pasintabi sa mga bata, rated PG po ito..) yan ang murang tumatak sa amin pag nagagalit si Nanay.. mura na hindi na namin maririnig mula sa matandang gusto atang awayin ang lahat ng tao sa paligid nya pag nagagalit sya. Hindi maipagkakaila,.. asawa nga sya ng isang Sundalo. Hindi ko gustong pag usapan ang kawalan ni Nanay, nais kong ibahagi ang mga bagay na pinunan nya nung sya’y buhay pa. Tulad ng nakararami, hindi perpekto ang Lola namin, maraming naiinis sa kanya pag nagungulit sya, o kaya naman sa mga panahong nais nyang magpapansin sa pagroroll call ng mga pangalan ng kanyang mga apo.Hindi ka din makakaligtas pag sumahod na ang palad nyan para manghingi ng pera, o kaya kapag napag initan ka nyang utusan para mailipat sya ng posisyon, pakuha ng tubig kahit puno naman ang baso nya, o kaya kapag trip nyang maglayas kahit na hindi na sya makalakad! mga simpleng bagay na noon ay tiyak na magpapa init ng ulo mo, pero magbibigay naman ngayon ng ngiti sa iyong labi. Kung may isang bagay na hindi mo maipipintas kay Nanay, yun ay ang hindi nya paggiging madamot... buhay na patotoo ang mga apo nyan kapag bagong sweldo si Nanay... parang Pasko! Nagbibigay ng pera,pero dahil sa kalabuan ng mata ng matanda ang akala nyang bente eh singkwenta pala. syempre patay malisya ang mga bata. Kanya kanyang takbo na sa tindahan. Siguro sa lahat ng mga bagay, yan ang mamimiss ng lahat sa knya, ang paggiging malabo ang mata, biro lng.. ung paggiging mapagbigay at maaalahanin... Sa ngalan ng aming Pamilya, nais kong magpasalamat sa mga taong dumalo, nakibisita nakipuyat, nagtyaga sa ingay namin sa gabi gabing paglalamay. Sa mga nakatatandang nagturo sa amin ng mga palaisipang pamahiin. Sa mga taong nagbahagi ng tulong maging pampinansyal man o simpleng presensya. Ang lahat ng ito’y taos puso naming tatanawing utang na loob habambuhay. Sa mga pinsan kong mejo malakas pa ang pangangatawan kaya nakatoka sa “night shift” alam kong ipinagyayabang na tayo ni Nanay sa kalangitan. Wala ng suswerte pa sa kanya sa pagkakaron ng mga apong tulad natin. Sa mga anak ni Nanay na nagpagod hindi lang sa ngayong wala na sya kundi nung mga panahong hindi nya na kaya ang mag isa. Ilang buwan na sakripisyo kapalit ng taong serbisyo nya sa pagpapalaki sa inyo, sa palagay ko, hindi na kayo ang nalugi.. ngayon palang, nakangiting nagpapasalamat ang Nanay sa inyo mula sa Langit. Nagpapasalamat at nabigyan sya ng mga anak na marunong tumanaw ng utang na loob lalung lao na sa mga panahong kinailangan nya una ng paa, nung hindi na sya makalakad, ng kamay nung hindi nya na ito maigalaw at higit sa lahat sa panahong higit nyang kinailanganang pasensya at pag aaruga nungtuluyan ng naparalisa ang buo nyang katawan. Batid ko ang inyong pagod sa pag aasikaso sa lahat ng bagay, hindi matatawaran ng sino man ang pagmamahal na ibinigay nyo kay Nanay. Saludo ako sa inyo, isang napakagandang ehemplo ang naipamalas nyo sa aming mga sumunod na henerasyon! Nay,alam naming nasa maayos ka nang kalagayan kung nasan ka man ngayon, Napahinga na ang pagod mo ng katawan, wala ka ng rayumang maghahadalng sayong kumilos, malalamig na gabing magpapangatal sa buo mong katawan, o mainit na panahong magpupwersa sayong maligo kahit mahina na ang iyong katawan.Hindi mo na poproblemahin ang pensyon mo buwan buwan, o kung paano mo susuwayin ang makukulit mong apo. Higit sa lahat, kasama mo na si Tatay. Gabayan nyo kami palagi, Maaaring malimutan ko at ng iba pa ang mga maliliit na detalye nung nabubuhay kapa, pero hinding hindi namin makakalimutan na minsan sa buhay namin ay may isang Teresa P. Solidum na nag aruga, nagmalasakit, nang inis, nanghingi ng pera, nagsermon, nagpatawa at higit sa lahat nagmahal sa amin ng higit pa sa sarili nya..Patuloy mo kaming gabayan. Tulungan mong hilumin ang mga sugat hatid ng di pagkakainitindihan sa bawat isa upang maging isang Pamilyang may matibay na pundasyon.Maraming maraming Salamat Nay. Hanggang sa muli. Mahal ka naming!
Posted on: Sun, 29 Sep 2013 14:23:04 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015