Habang naglilinis ako ng kwarto ko, nakita ko sa kasuluksulukan ng - TopicsExpress



          

Habang naglilinis ako ng kwarto ko, nakita ko sa kasuluksulukan ng aking cabinet ang isang lumang box. Isang lumang box na naglalaman ng napakaraming alaala. Alaala ng unang babaeng nagturo sa akin kung paano tumawa at umiyak, kung paano humanga at magselos at kung paano magmahal at mabigo. Napangiti ako. Ayoko na sanang buksan pero may kung anong mahika ang nag-udyok sakin para tingnan yung loob. Una kong napansin yung panyo. Madumi na pero nandoon pa rin yung amoy ng pabango niya. Yung halimuyak na unti-unting sumasaboy sa mga ala-ala ng kahapon namin. Flashback... Maambon nang gabing yon, pauwi na ako galing sa bahay ng kaklase ko, wala akong dalang payong, hindi kasi ako nagdadala non, ewan ko ba kung bakit pakiramdam ko nababawasan ang pagkalalake ko kapag may dala akong payong. Big deal talaga sakin at sa 79.7% ng mga lalake ang pagdadala ng bagay na yan. Kuntento na ako na pantabon sa ulo ko yung “binder” na gamit ko nung 1st year college ako. Ang problema, biglang lumakas yung ulan, alam nyo naman siguro yung mga ganong eksena, yung tipong akala mo mahina lang tapos sa hindi maipaliwanag na dahilan eh biglang bubuhos yung napakalakas na ulan. Tumakbo ako papunta sa harap ng 7/11 para sumilong. Basa na ako pero wala akong panyo para pangpunas. Basa na ako pero nagpe-pretend akong hindi basa at palihim na nagdadasal na sana tumigil na yung ulan. Basa na ako pero biglang may isang maputing kamay na humarang sa paningin ko kapit ang isang puting tuyong panyo. “Gamitin mo oh, kawawa ka naman, para kang basang sisiw diyan.” galing sa boses ng isang babae. Napalingon ako sa babaeng may hawak ng panyo. Hindi ko alam kung totoo yung sinasabi nilang pana ni kupido pero nung time na yon, isa ako sa mga nabiktima. Nakangiti siya sakin habang inaabot yung panyo. Ang ganda niya. Yung mga bilugin at kulay brown niyang mga mata, yung matangos niyang ilong, yung mga nangungusap niyang mga labi at yung dalawang maliliit niyang nunal sa lower-left part ng kanyang labi. Sobrang ganda niya. Maiksi pa yung buhok niya noon pero angat na angat yung ganda niya. Alam kong schoolmate ko siya kasi ganon yung uniform ng mga babae sa eskuwelahan ko. Hindi ko na maalala kung ano yung naging reaksyon ko non. Nahihiya, nangangatog sa lamig, nakangiti....ewan. Pero kinuha ko yung panyo para punasan yung basang mukha ko. Naamoy ko yung bango ng panyo niya habang nagpupunas ako. Pakiramdam ko, yun yung pinakamabangong panyong naamoy ko sa tanan ng buhay ko. Nabasa ako noon pero ok lang, nakilala ko naman yung may-ari ng panyong magdudulot ng parehong saya at lungkot sa buhay ko.
Posted on: Sat, 09 Nov 2013 09:55:05 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015