KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 01 JULY 2013 Mas - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 01 JULY 2013 Mas maraming boto kaysa botante INSPIRASYON SA BUHAY: “… Hindi na makita ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ang siya pang nagiging tampulan ng katatawanan. Sa Kanyang kinalalagyan, dismayado ang Panginoon sapagkat wala ng katarungan…” (Isaias 59:15, Bibliya). -ooo- SOBRANG BOTO, SAAN NANGGALING? Naririto po ang isang tanong para sa Commission on Elections: posible ba na ang kabuuang bilang ng mga boto para sa mga kandidato sa isang partikular na posisyon noong halalan ng Mayo 13, 2013, gaya halimbawa ng posisyon ng mayor ng bayan o lungsod, ay sosobra o hihigit kaysa sa kabuuang bilang ng mga balotang binilang naman ng precinct count optical scan (PCOS) machines? Upang lalong maintindihan ang tanong na ito ng nakararami, gagamit po ako ng isang halimbawa: sabihin nating sa isang partikular na lungsod, mayroong apat na kandidato sa pagka-alkalde o mayor, at sabihin din nating ang kabuuang bilang ng pinagsasamang boto nilang lahat, ayon sa tala ng Comelec, ay 2,000. Kaya lang, sa statement of votes mula sa mga PCOS machines na ginamit sa nasabing lungsod, lumilitaw na mayroon lamang 1,000 balota ang ipinasok sa mga makina at siyang aktuwal na nabilang. Sigurado, kahit na isang grade one pupil lamang ay magsasabi sa Comelec at sa ating lahat na hindi ito posible, sapagkat papaano namang magkakaroon ng mas maraming botong nabilang para sa mga kandidato kaysa sa bilang ng mga balotang ipinasok at binilang ng PCOS machines? Pupuwede pa, ang kabuuang bilang ng mga boto ng mga kandidato sa nasabing posisyon ay parehas lamang sa bilang ng mga balotang nabilang ng PCOS machines, o di kaya ay mas mababa, di ba? Hindi puwedeng sumobra, di ba? -ooo- MAS MARAMING BOTO KAYSA SA BOTANTE SA 2013 POLLS: Yan po ang dahilan kung bakit sa petisyong isinampa sa Comelec noong Junio 25, 2013 ng isang grupo ng mga residente at botante ng Pasay City na humihiling na maideklara ang failure of elections sa lungsod, hiniling nila ang manual counting ng mga boto noong Mayo 13, 2013 kahit na sa 300 presinto lamang sa Distrito Uno, sapagkat dito nakita na sobra ang kabuuang bilang ng mga boto ng mga kandidatong mayor, kumparado sa bilang mga balotang binilang ng PCOS machines. Sa kanilang petisyon, sinabi ng mga residente: “Bakit sinasabi ng mga Petitioners na may failure of elections sa Pasay City noong halalan noong Mayo 13, 2013? Ang unang dahilan ay ito: ang resultang ginamit sa proklamasyon ng Respondent bilang mayor elect ay statistically at mathematically improbable at di kapani-paniwala sapagkat lumilitaw na produkto ito ng malawakang dayaan gamit ang computer. Labag ito sa Republic Act 8792, o ang Electronic Commerce Act of 2000… “Ang isa pang dahilan ay ito: sa pagsasaliksik ng mga Petitioners sa official statement of votes na nakuha nila mula sa 300 presinto sa lungsod, ipinapakita na ang resultang nakapaloob sa nasabing mga statement of votes at inilabas mismo ng PCOS machines ay hindi nagkakatugma-tugma, kaya naman hindi ma-authenticate o hindi maberipika ang resultang pinagbatayan sa proklamasyon ng Respondent, ayon sa sinasabi ng Sections 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act 8792… -ooo- BISA NG RESULTA SA PASAY CITY, KINUWESTIYON: Ipinaliwanag pa ng mga Petitioners sa kanilang petisyon: “Naririto ang mas kongkretong paliwanag: Sa Clustered Precincts 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 20, 21, 22, 23, 24, 25, 27, 28, 46, 47, 48 at 49 ng District 1 ng Pasay City, ang kabuuang bilang ng mga balotang diumano ay binilang ng PCOS machines (gaya ng ipinakikita ng statement of votes) ay umabot lamang sa 7,547, pero ang kabuuang bilang ng lahat ng pinagsama-samang boto ng apat na kandidato sa pagka-alkalde ay umabot sa 9,045 na boto… “Sa kabatiran ng lahat, ang mga kopya ng mga statement of votes para sa nasabing mga clustered precincts--- Clustered Precincts 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 20, 21, 22, 23, 24, 25, 27, 28, 46, 47, 48 at 49---ay isinasama at ginagawang bahagi ng petisyon bilang Annexes A, A-1, A-2, at mga kasunod. Maliwanag, mayroong di maipaliwanag na panlilinlang at di-pagkakatugma ng resulta mula mismo sa mga statement of votes na nagpapakita ng sobrang 1,858 na boto na binilang diumano ng PCOS machines para sa mga kandidato… “Ang tanong po dito ay ito: papaanong ang electronic data o resultang nagmula sa mga nasabing presinto ay maituturing na batayang legal para maiproklama ang Respondent bilang mayor-elect samantalang ni hindi sila nagtutugma-tugma sa isa’t isa, at, dahil diyan, ay hindi maberipika ayon sa Republic Act 8792?” Mayroon pa po ito sa mga susunod na isyu, sa kapahintulutan ng Diyos!!! -ooo- REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: batasmauricio@yahoo, mmauriciojr111@gmail.
Posted on: Mon, 01 Jul 2013 00:52:09 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015