Lim, inakusahan ni Trillanes na nakikinabang sa smuggling - TopicsExpress



          

Lim, inakusahan ni Trillanes na nakikinabang sa smuggling Published : Thursday, August 01, 2013 00:00 Article Views : 602 Written by : Marlon Purificacion MULI na namang umusbong ang hidwaan nina Senador Antonio Trillanes at Customs Deputy Commissioner Danny Lim nang akusahan nito ang dating heneral na nakikinabang umano sa talamak na smuggling sa bansa. “Kung hindi n’ya masasabi ’yung mga powerful forces na ’yan, ibig sabihin tumatanggap s’ya. Nilamon na siya ng sistema,” ani Trillanes sa ilang Senate media kahapon ng tanghali. Ayon sa senador, hindi na siya nagtaka kung nanatiling tikom ang bibig ni Lim na tukuyin ang mga powerful forces na sinasabi nito sa Bureau of Customs dahil sa mahigit tatlong taon nilang pagsasama sa kulungan, alam na niya ang kalidad ng pagkatao nito. Hindi rin aniya katwiran na pinagbigyan niya ang mga ‘powerful forces’ dahil hindi ito trabaho ng isang matinong opisyal. Inamin ni Trillanes na unang ‘appointment’ pa lang ni Lim sa BoC ay nagpasabi na siya kay Pangulong Noy ng tunay na pag-uugali nito. “Hindi ko siya siniraan pero nagsabi lang ako ng totoong nalalaman ko kung ano ba talaga ang kanyang pagkatao,” sabi pa ng senador. Nilinaw ng mambabatas na kahit kailan, hindi naging miyembro ng Magdalo si Lim. Nagkataon lamang aniyang nakasama niya ito sa bigong kudeta sa Manila Peninsula Hotel. Wala namang linaw ang ugat na pinag-awayan ng dalawang opisyal, ngunit sinabi ni Trillanes na ang dapat isinumiteng resignation letter ni Lim ay irrevocable maliban na lang kung mismong ito ang magbubunyag ng sinasabing ‘powerful forces’ kaya talamak ang smuggling sa bansa. Samantala, sinabi naman ni Senator JV Ejercito Estrada na dapat bigyan ng anim na buwang taning si BOC Commissioner Ruffy Biazon para malinis ng tuluyan ang hanay ng nasabing ahensiya. Ani Ejercito, pagkakataon at ultimatum ang dapat ibigay kay Biazon para magampanan nang husto ang tungkulin sa BOC. Sakaling hindi pa rin mapatino ng opisyal ang naturang ahensiya, dapat ay magkaroon na aniya ng ‘graceful exit’ si Biazon.
Posted on: Thu, 01 Aug 2013 09:58:24 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015