MAHAL KONG MAKASALANAN (15-20) By Gilda Olvidado BASE sa candid - TopicsExpress



          

MAHAL KONG MAKASALANAN (15-20) By Gilda Olvidado BASE sa candid shot ng imbestigador, alam ni Jerome na hindi alam ni Glenna Alonzo na ito’y nakunan ng larawan. “Siya nga po si Glenna Alonzo na subject ng ating ‘research’, Sir Jerome,” may pagyayabang na dugtong ni Ambrosio Sirit, private investigator. “Glenn po kung tawagin ng mga kapatid at kakilala. Glennatot sa close friend.” Pinag-aralang mabuti ni Jerome ang litrato. Hinahanap niya sa magandang mukha ng babae ang palatandaan ng kasakiman o kasamaan. “Hmmm, maamo sana ang mukha pero ang expression ay matigas. Ang ibig sabihin, matapang gumawa ng krimen,” sabi ni Jerome sa sarili, sa isip lamang. Naging ganap na ang masamang impresyon niya kay Glenna Alonzo. Tinunghayan niya ang information sheet nito. Sa Bambang nakatira. “Kaya naman pala.” Nakaismid ang binata, dala ng maling pagkakilala sa Bambang. Nagtatrabaho bilang salesgirl ng SM, aywan kung regular na. “Suwerte ng SM na hindi pa nila nagawang kahera ang babaing ito. Kung nagkataon, malaki rin siguro ang nawala kay Henry Sy.” Napapailing si Jerome, tuloy sa pagsasalita sa isip. Ang edad ay bata pa, 21 years old lamang. College level, nakatapos hanggang third year sa kursong Education. Kinilabutan si Jerome. “Muntik na palang naging guro ang babaing ito, salamat na lamang at hindi natuloy. Kundi’y nadungisan ang marangal na propesyong iyon.” Dalaga pa. At wala namang criminal record. “Pero ngayon ay meron na. Isang napakalaking krimen kung tutuusin!” Si Ambrosio Sirit ay nakatayo sa harap ni Jerome, naghihintay ng komento. Pinipigil nito ang antok. Panay naman ang hikab. Nagsalita si Jerome sa maliit na lalake. “Ambrosio, okay na muna ‘tong nakalap mong impormasyon. Tatawagan na lang kita kung may ipagagawa kami sa iyo regarding this case.” “Yes, Mr. Fuego.” Nawala ang antok nito nang tanggapin na ang tseke mula kay Jerome, kabayaran sa serbisyo nito. Nakaalis na ang imbestigador. Nakatitig pa rin si Jerome sa litrato ni Glenna Alonzo. “Talagang maganda. Kaya nakapanghihinayang din naman. So young and yet so corrupt. Ito ang klase ng babae na kung hindi ko alam ang tunay na kulay ay hihintuan ko ng kotse sa hintayan ng sasakyan, aanyayahang sumakay… “Ito rin ang klase ng dalaga na kapag nasa gipit na sitwasyon ay pilit kong ililigtas. I’ll be his hero.” . HANGA naman si Jerome sa ganda ni Glenna, kung hindi nga raw lang alam ang ‘kabulukan’ nito, ito ang dalagang handa niyang ipagtanggol sa oras ng kagipitan. Pero ganitong alam niya kung ano ang nasa likod ng maganda nitong mukha, hindi niya mailagay ang sarili na makikipagmabutihan dito. So, paanong atake o approach ang gagawin niya ngayon kay Glenna Alonzo? Ang misyon niya ay nagangailangan ng tamang timplada. Maaari siyang maging kaibigan. Maaari rin namang mag-adapt ng nananakot na image sa babaing ito. Depende nga iyon. Trick ba ang paiiralin niya? Cleverness? O pagbabanta? Panunuyo kaya? Susuyuin niya si Glenna? Ah, imposible iyon. Hindi niya masisikmura. Dahil sa kaloob-looban niya ay galit siya sa babaing ito. Minumura niya si Glenna araw-araw ngayon. Nandidiri siya sa isang kawatan, kababaing tao pa naman! Pero makakapamili ba siya nang ayon sa gusto niya? Hindi. Dahil ang istilong kanyang gagamitin ay naaayon sa ipakikita sa kanya ni Glenna. Kung ito ay magpapatay-malisya, kailangan niyang makipaglapit, makipag-usap; alamin kung paano ito mapapaamin kaagad na may kasalanan nga ito. Kung ito ay iiwas, kaiulangan niya itong masukol. Kung ito ay magagalit, kailangan niya itong yanigin. Kung ito ay magpapa-cute, kailangan niya itong daanin sa…pagpapa-cute din? NANG gabing iyon ay nasa bahay ni Glenna ang kanyang malalapit na kamag-anak at kapamilya. Ang kanyang mga kapatid, bayaw at hipag; ang ilang pamangkin na naglalaro sa maliit na bakuran. Mag-aalas-siyete pa lamang naman ng gabi, maliwanag ang harapan ng bahay dahil sa ilaw sa poste. Pang-ilang beses nang pakikipagmiting ito ng mga kapatid ni Glenna sa dalagang maganda. Ang isyu: malaki. Kung saan kumuha si Glenna ng mga pangkabuhayang ibinigay sa kanyang mga kapamilya at kamag-anak at mga kapitbahay. “Paano kang nagkapera, Glenn? Naibili mo ng dyip-pampasahero na secondhand pero napakaayos pa si Noel. Naibili mo rin ng tatlong automatic sewing machine ang Ate Mila mo, kaya may patahian na siya ngayon. “Sinagot mo ang pag-a-abroad ng Kuya Ernesto mo at ako naman na ate mo natulungan mo sa pagpapa-opera sa kidney ng mister ko… Natutuwa sana kaming lahat, pero nag-aalala kami baka kung ano na ang ginagawa mo na hindi namin alam.” Ang panganay sa lahat, si Lulu ang nagsasalita. “Ipaalam mo sa amin, Glenn. Huwag mong solohin. Alam naming magkakaproblema ka niyan…” LABIS ang pag-aalala ng mga kapamilya at kaanak ni Glenna sa kapakanan niya; alam na siya ay mamumrublema sa malaking perang ewan ng mga ito kung saan galing. Wala naman kasing plano si Glenna na isiwalat ang pinagmulan ng yaman; laluna ang buong amount na sampung milyong piso. “Ayoko kayong isali sa problema, kung sakaling magkaroon. Ang perang naipangkawanggawa na ay hindi na maaring mabawi, saan man nanggaling. “Ang mananagot lamang ay ang kumuha, hindi ang mga pinagbigyan. Iyan ang simpleng kaalaman ko sa batas.” Pormal ang mahabang sagot, walang palatandaan ng takot ang mukha ni Glenna. Napa-sign of the cross ang Ate Mila ni Glenna. “Maryasantisima! Para mo na ring sinabi na may ginawa ka ngang mali!” “Kung meron man, ang konsuwelo ko lang, Ate Mila…tuluyan na kayong lahat magkakaroon ng stability sa buhay. Hindi n’yo na kailangang manghingi o mangutang kung kanikanino, na alam kong ayaw n’yo naman sanang gawin.” Napailing-napabuntunghininga ang mga kaanak at kapamilya. “Glenna, kami lamang ba ang mahalaga? Paano ka?” Napapaiyak si Lulu, hindi tiyak kung dahil sa awa kay Glenna o dahil masyado siyang nasaling ng pagmamahal at walang katulad na pagbibigay nito. “Glenna, ano kaya kung sabihin mo sa amin ang mga detalye?” Maging ang Kuya Noel niya ay nababahala na rin sa pinasok na gusot ng kapatid na dalaga. “Oo nga, Glenn, iyon naman ang noon pa naming hinihintay na sabihin mo. Nagnakaw ka ba? Nangutang ka ba at tinakbuhan mo?” dagdag na mga tanong ng Ate Mila niya. “Natitiyak na naming hindi ka tumama sa lotto. Legal ang lotto, walang problema sa tumama,” sabi ni Ate Lulu. Umiling si Glenna. “May mga bagay na nais ko munang solohin. Huwag na muna ninyong alamin ang detalye, kung saan galing ang pera.” “Gaano ba kalaki ang involved?” tanong ni Kuya Ernesto. “Daang-libo? Baka naman isang milyon?” Napalunok si Glenna. Wala sa hinagap ng mga kapamilya na siya ay nagkaroon ng sampung milyong piso. Sa mahihirap kasing tulad nila ay malaki na ang daang-libo hanggang isang milyong piso. Iba ang kanyang isinagot. “Kung may asawa ako at mga anak. O kahit nobyo man lang, magdadalawang-isip siguro ako sa kung anumang ginawa ko. Pero, Ate Lulu…solong katawan lang ako. Saan man ako dadalhin o pupulutin… walang iiyak, walang mauulila.” Ngumiti pa si Glenna, tanda ng katatagan. HINDI alam ni Glenna, ilang hakbang na lang ang layo ng lalaking uusig sa kanya, na-trace na ang kanyang bahay PATULOY pa sana ang diskusyon nina Glenna at mga kapamilya nang marinig nila ang mga batang tila may kausap na estranghero sa ibaba ng bahay. “Tita Glenn, may naghahanap po sa inyo,” sabi ng pamangkin niyang batang babae. Dumngaw sa bintana si Glenna. Isang lalaking matayog ang tindig, guwapo, makisig ang dating, ang nakatingala sa kanya. Ang ilaw na nagmumula sa poste sa di-kalayuan ay nagbigay ng maliwanag na anggulo sa kabuuan nito. “Glenna Alonzo o Glenn?” Buo ang boses ng lalaki, makapangyarihan ang tono. Kaswal na sumagot si Glenna. Class nga ang lalaking nasa ibaba pero hindi ito sapat para siya mataranta. “Ako nga.” Pamilyar ang mukha ng lalaking ito. Parang nakita na ni Glenna. “We need to talk. Maaari ba akong tumuloy?” Suwabe talaga ang boses. Pero alerto si Glenna, may kutob na siya kung sino ang lalake. Natatandaan na niya kung bakit ito pamilyar, kung saan niya nakita. Pagbabasa ang hobby niya. Lahat ng klaseng magazines at sari-saring libro. Kadalasang nagba-browse siya sa malalaking bookstores. Sa mga pahina ng magasin niya natunghayan ang litrato nito. Aba, mula nang pinag-intresan niya ang sampung milyong piso ay nag-research yata siya. Alam na niya kung sino ang major stockholder ng GOM Savings Bank. Alam na rin niya kung sino ang solong anak ni Anton Fuego. Si Jerome Fuego. At ito nga ngayon ang panauhin niya mismo, ang nakatingala mula sa kanyang maliit na bakuran. Kalmado lang si Glenna. Tuwid siyang nakipagtitigan sa lalaki. “Tuloy ka.” Isang sulyap lang niya sa mga kapatid at mga hipag ay naunawaan na siya na hindi ordinaryo ang kanyang panauhin. Kinabahan ang mga kaanak. Bulungan. “Nalintek…iyan na yata ang naghahanap kay Glenna.” “Baka mag-iimbestiga.” Nakalarawan sa mukha ng mga kadugo at kakampi ni Glenna ang pag-aalala. Lalo na nang makapanhik na si Jerome Fuego. Sa isang sulyap lamang sa personalidad nito ay nakita nila kaagad na bigatin. Ilang saglit pa ay parang pinagpag sa kabahayan ang mga kaanak ni Glenna. Mabilis nawala ang mga ito. Hindi naman saktong umalis. Tumabi o nagkubli lamang para mabigyan ng pagkakataon si Glenna at ang panauhin na makapag-usap. Nagpakilala muna ang binata. “Ako si Jerome Fuego, anak ni Anton Fuego ng GOM Savings Bank. Mabigat ang sadya ko.” Nagpakilala kay Glenna si Jerome Fuego. Tumango lang ang dalaga. Pormal niyang hinihintay ang iba pang sasabihin nito. Hindi siya nag-aapurang makipag-usap. “Can I call you Glenna?” Ayon sa naging plano ni Jerome, nagpaka-friendly muna ang binata sa subject ng kanyang pag-iimbistiga. “Kung gusto mo.” Tipid na nga sa salita, wala pang kangiti-ngiti si Glenna. “Tawagin mo na rin ako sa first name ko. Call me Jerome. I hope we can be friends, Glenna.” Doon umasim ang mukha ng dalaga. “Ano ba ang palagay sa akin ng mayamang unggoy na ‘to boba at utu-uto? Na hindi ko alam na kaya siya naparito ay dahil sa sampung milyong piso? “Parang nakakaloko hope we can be friends daw. E, sigurado namang idedemanda nila ako!” Mahaba ang isinaisip ni Glenna. Iba ang lumabas sa kanyang bibig. Hindi mga salitang diretso ang sapol, pero ganoon na rin ang suma. “Maaari ka namang huwag nang magpaliguy-ligoy, Mr. Fuego. Sabihin mo na kaagad kung ano talaga ang sadya mo.” Nawala ang put-on na ngiti ni Jerome. Kaagad nakilala ang palaban na karakter ng kaharap. “Minamadali mo na rin lang ako, sige, hindi ko na pahahabain pa. I’m here to convince you to return to GOM Savings Bank the 10 million pesos you took,” walang gatol na sabi ni Jerome. Wala ring gatol ang sagot ni Glenna. “Correction, Mr. Fuego. I did not take the money. Ang halagang iyon ay basta na lang nandoon sa aking bank account. At dahil nandoon siya, natural iisipin kong akin siya. Kaya winidro ko siya, hanggang sa huling sentimo ng sampung milyong pisong iyon.” “Bad faith! Iyon ang ipinakita ng iyong kilos, Miss Alonzo! Kung hindi ka nagkainteres sa perang iyon, hindi mo agad iyon ilalabas ng bangko.” Nagtitimpi na naman ng galit si Jerome. Naalala kasi ang payo ng ama daanin sa lamig ng ulo ang anumang sitwasyon. Wala raw mapapala ang pikon. “Bakit hindi ko siya ilalabas ng bangko, Mr. Fuego? Gusto ko na siyang gastahin. Marami akong kailangang bigyan. At saka, paano kung mawala pa ang pera?” Sarkastiko ang ngiti ni Jerome, “Ang tao raw na nakagawa ng kasalanan, ang laging problema-- paano kung siya naman ang maisahan? “Dahil kaydaling napunta sa iyong bank book ang sampung milyong hindi pinaghirapan, natakot ka naman na madali itong mabawi?” “Mr. Fuego, nag-aakusa na kayo. Kailangan yata ay may katabi akong abugado.” Nakairap si Glenna. “Abugado itong kaharap mo,” walang kayabangang sabi ni Jerome Fuego bukas po uli :) admin candy :D
Posted on: Thu, 19 Sep 2013 12:12:23 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015