PACMAN... ‘DI NAKAW ANG PERA KO! -- PACQUIAO Naglabas ng - TopicsExpress



          

PACMAN... ‘DI NAKAW ANG PERA KO! -- PACQUIAO Naglabas ng kanyang sama ng loob si eight- division world champion at Sarangani Rep. Manny ‘Pacman’ Pacquiao sa ginawang garnishment ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kanyang bank deposits na galing sa kanyang pawis at dugo at hindi galing sa nakaw. Sa isang press conference sa General Santos City, inamin ni Pacquiao na dahil sa garnishment ay hindi siya makapag-withdraw ng pera sa bangko na gagamitin sana niya sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City, kung kaya’t napilitan siyang mangutang ng pera. “Hinahabla po ako ng BIR ng P2.2 billion tax case na wala pong basehan. Ang aking pera sa bangko ay ginarnish ng BIR. P2.2B is more than my assets and liabilities. So ang aking pera sa bangko, ginarnish ng BIR, hindi ako makapag-withdraw, ni isang sentimo ko pong pera, hindi ko po magamit para man lang makatulong lalung-lalo na para sa mga biktima ng kalamidad. Kaya ako ay nangutang ng pera para po makatulong,” paglalahad ng kinatawan ng Sarangani. “Ang pera ko pong ginarnish ng BIR ay hindi po nakaw at hindi po ito PDAF (Priority Development Assistance Fund) o DAP (Disbursement Acceleration Program), ito po ay galing sa lahat ng suntok ko, bugbog, pawis at dugo na tiniis ko po sa itaas ng ring,” diin ng Pambansang Kamao. Sinabi pa ng fighting congressman na inutusan na niya ang kanyang mga abogado na gawin ang lahat ng kanilang makakaya ayon sa batas upang matanggal ang garnishment ng BIR para naman makatulong sa kanyang kababayan at upang may pangtustos naman siya sa kanyang pamilya at pasahod sa mga nagtatrabaho sa kanya. Dinedma ni Pacquiao ‘yung final BIR notice Paliwanag naman ng BIR, hindi umano pinansin ng Pambansang Kamao ang ipinadalang final assessment notice (FAN) ng tanggapan ng BIR hanggang sa tuluyan umano itong napaso sa loob ng 30 araw upang ipaliwanag nito kung bakit hindi nito dapat bayaran ang hinahabol na buwis ng gobyerno na aabot sa P2.2 bilyon. Ayon sa isang source ng Abante na tumangging magpabanggit ng kanyang pangalan, dahil sa ginawa umano nitong pag-isnab sa ipinadalang FAN ng BIR alinsunod sa isinasaad ng Tax Code, nangangahulugan umano ang buwis na hindi nito nabayaran ay maituturing na “demandable, executor, at collectible”. Ayon pa sa source na isang abogado, bilang Filipino citizen at mambabatas ay obligado si Pacquiao na ideklara sa kanyang Income Tax Return (ITR) ang lahat ng pera nito kabilang ang mga kinita sa kanyang mga laban sa ibang bansa. Lumalabas umano sa record ng BIR, kumita si Pacquiao ng $28 milyon bilang premyo sa kanyang laban kina Juan Manuel Marquez, David Rios, Oscar De La Hoya, Ricky Hatton at Miguel Cotto para sa taong 2008 hanggang 2009. ‘Wag naman akong pulitikahin! Nagpahiwatig naman ang mambabatas na posibleng napupulitika siya dahil hindi siya kaanib ng administration party kundi ng United Nationalist Alliance (UNA). “Sana po ay kalimutan muna natin ang pulitika at magtulungan tayong lahat. ‘Yan ang problema sa ating bansa, kahit walang eleksyon ay puro pulitika ang nasa isipan. ‘Pag ganu’n ang isang lider, puro pulitika ang iniisip, alam mo na masama ang kanilang intensyon. Kailangan maging honest tayo para sa mga taong bayan. Kalimutan muna natin ang pulitika para magtulungan tayo para maibsan ang paghihirap ng ating mga kabababayan,” anang People’s Champ.
Posted on: Tue, 26 Nov 2013 19:58:44 +0000

Trending Topics




© 2015