PARA PO SA INYONG LAHAT ITO, SANA AY MAGAWA PO NINYONG BASAHIN - TopicsExpress



          

PARA PO SA INYONG LAHAT ITO, SANA AY MAGAWA PO NINYONG BASAHIN KAHIT SANDALI LANG PO. SALAMAT PO. Ang mundo natin ngayon ay puno na ng makamundong gawain. Kaya panahon na para matulungan natin ang lahat kahit manlang sa kwentong ito. Ang short story na ito ay aking iniaalay sa lahat ng kabataan at mga magulang na makakabasa nito. Sana ay maibigan ninyo ito. Pwede po ninyo itong i-like at magcomment. Maraming salamat po sa pagbabasa. Manong Sekyu by: Alma Joy E. Guinto (AJEG) Nakaugalian na ni mang Canor(security guard ng isang unibersidad)na libutin ang buong eskwelahan bago ito umidlip sa kanyang quarter. Pang gabi siya kaya kailangan niyang masigurado na walang maiiwan sa loob ng eskwelahan. Nasa tapat siya ng isang computer room nang may narinig siyang ingay na nanggaling sa loob. Agad niyang tinungo ang pintuan at lubos ang pagtataka niya nang makitang bukas ang pinto. Agad siyang pumasok sa silid na yun at mabilis na binuksan ang ilaw. Laking gulat niya nang makita niya ang isang lalake at isang babae na parehong nakahubad. Agad namang tumakbo ang lalake palabas ng silid at naiwan ang babaeng nakayuko sa sobrang kahihiyang naramdaman. Agad namang tumalikod si mang Canor at hinubad niya ang soot niyang jacket at ibinigay sa babae. "Dalian mong magbihis, mag uusap tayo." sabi pa ng matandang security guard sa dalagang hindi parin makatingin sa kanya. Lumabas ng silid si mang Canor para makapagbihis ang babae. Nang matapos magbihis ang babae, agad siyang kinausap ni mang Canor sa quarter niya. "Nobyo mo ba yung kasama mo?" unang tanong ng sekyu sa dalaga. Tumango lang ang babae at hindi parin makatingin kay mang Canor. "Kung matinong lalake yun, hindi ka niya sana iniwan kanina. At ang babata ninyo pa para gawin ang bagay na yun. Bukas kailangang papuntahin mo dito sa eskwelahan ang magulang mo." sabi pa ni mang Canor na pailing-iling pa. Agad namang umiyak ang dalaga na nakikiusap sa kanya. "Parang awa ninyo na po. Papatayin po ako ng daddy ko kapag nalaman po niya ang kahihiyang ito. Handa po akong gawin lahat wag lang po malalaman ng kahit sino lalo na po ng magulang ko ang pangyayaring ito." pagmamakaawa ng dalaga kay mang Canor. Natigilan si mang Canor na wari ay nag iisip. Maya-maya ay umupo siya sa harap ng dalaga at seryosong nakatingin dito. "Kaya mong gawin ang kahit ano para lang huwag kang mapahamak kahit kanino?" muling tanong ng sekyu sa babae. "Opo, kahit ano po, wag ninyo lang po ako isumbong sa mga magulang ko." muling pakiusap ng dalaga. "Oh sige, sumama ka sa akin sa Linggo at may pupuntahan tayo." seryosong sabi ni mang Canor sa babae. Nang puntong yun ay tututol sana ang dalaga sa sinabi ni mang Canor pero mas pinili nalang niyang manahimik. Papayag nalang siya sa gusto ni mang Canor kapalit ng kahihiyang pwedeng mangyari sa kanya kapag siya ay nagmatigas pa sa may edad naring sekyu. Tulad ng napagkasunduan, nagkita sa eskwelahan sila mang Canor at ang dalagang estudyanteng nahuli niya sa Computer room. Agad na pinaandar ni mang Canor ang motor nang umangkas na sa likuran niya ang dalaga. Ilang minuto din ang naging byahe nila nang marating nila ang squatter area sa tondo. Naisip ng babae na siguro kapag gagalawin siya ng sekyu ay mas minabuti nitong magtipid at sa bahay nalang nito siya dadalhin. Narating nila ang bahay ni mang Canor na sa labas palang ay halatang salat sa yaman ang sekyu dahil bukod sa tagpi-tagpi ang bahay ay marami pa itong sira. Agad na sumunod ang dalaga nang makita niyang umakyat sa hagdanan si mang Canor. "Dito ka muna, magbibihis lang ako." sabi ni mang Canor na pinaupo muna ang dalaga sa sofa bago siya pumasok sa isang silid. Unti-unti nang kinakabahan ang dalaga sa tuwing iisipin niyang malaki ang posibilidad na galawin siya ni mang Canor. Ngunit pinapaklma niya ang sarili at iniisip niyang kaya niya yun. Maliligo lang siya ay wala na. Nasa ganun siyang pag iisip nang may marinig siyang ingay. Ingay ng isang maliit na sanggol na pakiwari ay parang kasisilang lang. Agad na tumayo ang dalaga ang sinilip ang nakabukas na pintuan. Nakita niya ang isang dalagang babae na halos kaedad lang niya. Pinipilit nitong patahanin ang sanggol. Nang bigyan ng gatas ang sanggol ay saka lamang ito tumigil sa pag iyak. Nagulat pa ang dalaga nang mula sa likuran niya ay nagsalita si mang Canor. "Siya ang dahilan kung bakit kita dinala dito. Gusto kong makita mo ang kahihinatnan mo sa buhay mo kung hindi mo titigilan ang ginagawa mong mali. Anak ko siya, mataas ang pangarap ko sa kanya bilang ama niya kaya iginapang ko ang pag aaral niya sa kolehiyo. Pero nagmahal at nagpaloko siya sa kanyang nobyo na iniwan siya nang nabuntis na siya. Kaya neng, mag isip-isip ka na habang maaga pa. Habang hindi pa huli ang lahat." naluluhang pagkukwento at pakiusap sa dalaga na nag uumpisa na ring maluha. Napayakap pa ang dalaga sa sekyu. "Maraming salamat po sa ginawa po ninyo sa akin ngayon. Salamat po dahil pinaintindi ninyo sa akin ang mga dapat kong tigilang gawain at muling bumangon at magbago." umiiyak pang wika nito sa sekyu.
Posted on: Fri, 04 Oct 2013 17:01:34 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015