Tagalog news: Pagtatayo ng apat na libong bahay, katuparan ng - TopicsExpress



          

Tagalog news: Pagtatayo ng apat na libong bahay, katuparan ng pangarap ng mga sundalo at pulis By Vinson F. Concepcion BULACAN, Hulyo 15 -- Kumpleto na at nasisimulan nang matirahan ang may apat na libong bahay na itinayo para sa mga sundalo at pulis sa bayan ng Bocaue sa Bulacan. Patunay dito ang may 113 na pamilyang namumuhay at naninirahan na rito mula nang matapos ang proyekto noong Nobyembre 2012 - mas maaga sa target na Enero 2013. Ang mga ito ay bahagi ng 20,000 unit na target ipatayo sa buong bansa ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. Sa bisa ng Administrative Order No. 9, inatasan niya ang Department of Budget and Management (DBM) na gawing prayoridad ang pabahay para sa mga sundalo at pulis gamit ang pondong P4.29 bilyon para sa Home Development Mutual Fund o PAG-IBIG upang mapadali nang husto ang pagpapautang sa mga kwalipikadong nais magkaroon ng sariling tirahan. Ginamitan ito ng “Special Loan Window” scheme upang maging mas madali ang pagpoproseso ng mga dokumento sa aplikasyon na makautang ng housing loan. Ang unang apat na libong mga bahay sa Bocaue na itinayo sa loob ng 27 ektaryang lupa sa barangay Batia. Tinatawag na ang lugar na ito ngayon bilang Bocaue Hills Housing Project. Bukod sa mga ipinatayong bahay, kinukumpleto na rin ang dalawang elementary school buildings na may tig-tatlong palapag at 15 silid aralan, isang high school building na may tatlong palapag at 15 silid aralan rin, at isang covered court. Nakalinya namang itayo ang livelihood center, livelihood productivity training center, health center, dalawang day care centers na may tig-dalawang silid aralan, wet and dry market, dalawang trycycle terminal, police outpost, at material recovery facility. Kaugnay nito, mas pinadali ang pagsasakatuparan ng sariling tahanan dahil sa P7.8 bilyong debendo ng PAG-IBIG noong 2010 dahil sa namomonitor nang husto ng gobyerno ang pagbabayad ng mga benepisyaryo sa pautang na pabahay. Kaya naman pinanatili ang ganitong sistema. Dahil dito, malaking tulong ang abot-kayang pabahay sa pagsasakatuparan ng pangarap ng isang sundalo o pulis. Halimbawa na riyan si 2nd Lt. Fidel Lacayangan , isang retiradong kawal mula sa Philippine Army, na mula unang taon hanggang ikalimang taon ng pagkakautang, ang buwanang hulog para sa lupa ay P150 at P50 para sa mismong housing unit kaya P200 lamang ang babayaran kada buwan. Ito ay papalaki na nang papalaki kada limang taon hanggang makatapos sa ika-30 taon ng pagbabayad na P604.20 ang buwanang hulog sa lupa at P205.33 sa housing unit na sa kabuuang ay P809.53 kada buwan. Ipinaliwanag ni Pangalawang Pangulo Jejomar Binay na kaya ganito ito kamura dahil may subsidiya ng pamahalaang nasyonal ang bawat isang housing unit sa halagang P25,000 at P10,000 para sa lupa. Ang halaga ng bawat isang lupa o lote ay P100,000 na ang sukat ay 36 sq.m at P75,000 ang halaga ng bawat isang housing unit na may laking 22 sq. m o P175 na libo sa kabuuan. Ibig sabihin, kung ibabawas sa P175,000 ang naunang nabanggit na subisidiya, halagang P140,000 na lamang ang babayaran ng isang benepisyaryo.
Posted on: Mon, 15 Jul 2013 09:24:29 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015