via Bob Ong May karapatan ka. Pero kung patuloy kang magbabasa, - TopicsExpress



          

via Bob Ong May karapatan ka. Pero kung patuloy kang magbabasa, ang susunod ay opinyon ko. Tatlo, apat, lima, ilang araw bago ang bagyo, marami na ang nagpaalala sa social media ng tungkol kay Yolanda. Marami rin ang hindi. Kung nag-trending topic man lang sana ito ng kahit isang araw--na nasa kamay ng mga mamamayan--siguro kahit paano, nakatulong. Kahit paano. Nagpadala na ang administrasyon ng relief goods at mga taong mangangasiwa nito sa Tacloban bago pa man dumating ang bagyo. Pero dahil iba ang bagsik ni Yolanda, lahat ito winalis lang ng sakuna. Sa halos tatlong daang pulis ng siyudad, dalawampu lang ang nakapag-report ulit sa duty. Nawalan ng gobyerno ang Tacloban. Lahat ng sangay ng pamahalaan, lahat ng sistema, burado. Kung meron mang Plan B at C ang administrasyon, siguradong hindi nito naisama sa plano ang preparasyon para sa isang delubyo at hindi lang basta malakas na bagyo. Nagulantang ang Pilipinas. Pero ganoon din naman ang lahat sa buong mundo. Haiyan, believed to be one of the strongest storms on record, sustained winds of 235 kph (147 mph) with gusts of 275 kph (170 mph) when it made landfall Friday. Katrina and Sandy, in contrast, carried winds of about 129 mph and 95 mph, respectively... Tinawag ng Los Angeles Times na weak cousins ni Yolanda ang Hurricane Katrina at Hurricane Sandy. Hindi akmang ikumpara ang epekto ng bagyong halos kalahati lang ang lakas sa bansang tatlumpung ulit sa atin ang laki, sa pinsala ng dambuhalang delubyo sa kapiraso nating arkipelago. Karaniwan na sa maraming lugar sa USA at Japan ang mga bahay na may chainsaw at power tools na magagamit para putul-putulin agad ang mga nagtutumbahang puno sa daan. Walang masyadong ganoon na mapupulot sa Tacloban. Third world country tayo. Matagal-tagal na panahon na ring dehado tayo sa ekonomiya at teknolohiya. Hindi pwedeng asahang bigla tayong mangunguna at magiging pinakamabilis o pinakamagaling sa oras ng sakuna. At huwag kalimutang hindi rin naging perpekto ang dalawang bansa sa panahon ng tsunami at Katrina. Kung winalanghiya kita noong kabataan mo at nasira ang buhay at mga pangarap mo nang dahil sa akin, tama bang paglipas ng panahon ay ipagmalaki ko ang sarili ko sa iyo at magtanong kung bakit mahina ka, wala kang narating, at napariwara lang ang buhay mo? O mas masama, tama bang ikaw pa mismo ang magkumpara kung bakit hindi mo nagagawa ang mga kaya kong gawin? Hindi ko kinukutya ang Japan at America. Kinukutya ko ang panghuhusga natin sa Pilipinas. Limang araw na pero wala pa ring tulong kahit sa mismong airport ng Tacloban? Tsk, tsk.... Sa kabagalan ng rescue efforts ay naaawa ako lalo sa mga biktima; pero hindi ako nahihiya sa America. Malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Kung meron tayong hiya sa sarili, hindi tayo aabot sa nahihiya sa America. Maraming kapalpakan ang gobyerno at bagsak para sa akin ang pagganap ni Pnoy sa napakahalagang trabaho. Dati pa may hindi ko na siya napagkatiwalaan ng boto. Pero hindi ko sinisisi ang gobyerno. Dahil dati rin silang tayo. Pilipino rin ang nagluluklok sa kanila. At wala ring ibang maluluklok kapalit nila kundi Pilipino. Hindi sila produktong binili lang natin sa China. Ginawa natin sila. Walang silbi ang gobyerno namin! Puro pagnanakaw lang ang alam nila! Tulungan nyo kami! Hindi namin maaasahan ang mga corrupt naming politiko! Baka nakawin pa nila ang donasyon nyo! Saklolo! Hindi man ito makasama sa oras ng trahedya at epektibo pang makakuha ng awa--tulad ng paghuhubad ng tsinelas at pagkarga ng bata habang namamalimos--hindi rin ito makakatulong sa bayan na nangangailangan ng mga magtitiwalang negosyantet mamumuhunan paglipas ng unos. Kailangan natin ang awa ng ibang bansa para mabuhay ngayon, pero kailangan din natin ang kompiyansa at tiwala nila sa gobyerno at lipunan natin para sa rehabilitasyon ng bansa. Ngayon...hanggang sa magunaw ang mundo. Walang dapat pagtakpan sa kakulangan ng gobyerno. Pero pwede silang papanagutin nang hindi natin ipinupukpok ang bato sa sariling ulo. Masarap manisi dahil pinagtitibay nito ang paniniwalang wala sa atin ang pagkakamali. Ang problema lang, pinagtitibay din nitong wala sa kamay natin ang pag-asa. Nakasalalay ang lahat sa pagbabago ng iba. At kung hindi sila magbabago, lagot na. Nalulungkot ako sa siraan at husgahan ng mga taong hindi naman nakatikim kahit ambon ng bagyo. Nalulungkot ako dahil alam kong pagkatapos ng mga hiya at dismaya, ilang linggo paglipas ng sakuna, babalik din naman ang karamihan sa buhay na walang pakialamanan. Tutulong na lang ulit pag may sakuna. Mahihiya pag may Anderson Cooper. Maiinis pag marami na ang patay. Pero walang pakialam sa mga sakit ng gobyerno kung hindi naman ito trending topic at walang taong dudurugin sa hashtag. Huwag nating bitiwan ang pansin sa Visayas. Hindi sapat na nailigtas natin ang survivors sa kamatayan, kailangan pa rin nila ng kabuhayan. Hindi maaaring mapako na lang tayo sa isyu ng politika, dahil napakalaking hamon sa atin ngayon ang global warming. Ikatlo ang Pilipinas sa mga pinakamalubhang maaapektuhan ng climate change sa buong mundo. Marami sa mga nabasa mong doomsday scenario ang malapit nang magkatotoo...sa atin! Ngayon pa lang, sinabi na ng mga lumikas sa Victory Island na hindi na maaaring balikan ang isla nila dahil sa tumataas nang sea level. Una tayong lulubog. Hindi maaaring makuntento na lang tayo sa pambabatikos kung kailan lang may viral na balita sa social networks. Hindi siguro akma ang ginawa ni Yeb Sano sa Warsaw. Pero kung alam mo ang alam nya, malamang maiyak ka rin. Malaking tulong at ipinagpapasalamat natin ang abuloy ng mga mayayamang bansa. Pero higit nating kailangan ang positibong tugon nila sa kasalukuyang Climate Change Conference kung saan nakasalalay ang itatagal pa ng Pilipinas sa mapa. Sa huling balita, nag-walk out na ang Pilipinas at ang 132 pang bansa dahil sa usapin ng loss and damage, o yung konsepto ng pananagutan ng mga mayayamang bansa sa mga maaapektuhang developing countries tulad natin. Handang magbigay ng mga donasyon ang developed countries, pero hindi sila tatanggap ng pananagutan sa kabila ng pagkasira ng planeta na pinakinabangan nila. Hindi mababago ng pagmumura sa Facebook ang mga epal nating politiko. Pero pwedeng magamit ang Facebook para mas maging matalino ang mga Pilipino. Sa halip na gawing labasan lang ng sama ng loob ang social media at sumbungan ng mga nasaksihang inutil na tao ng gobyerno o DSWD, bakit hindi lapitan ang mga taong sangkot at tanungin kung bakit ganoon ang mga pangyayari? Kung inaasa pa natin sa Amerikanong reporter ang ganitong paninita, wala tayong karapatang manghusga sa mga politikong naghihintay rin muna ng Amerikanong reporter bago kumilos. Hindi ko sinisisi ang gobyerno. Pinapanagot ko ang gobyerno. At kung ang pamamaraan ko ay mga pang-asar at photoshopped na litrato lang ng sinumang politiko, wala rin akong pinagkaiba sa mga batang hinakot lang sa rally pamparami ng tao. Hindi ko kaagad pinaniniwalaan ang mga impormasyong kumakalat sa social media dahil ako mismo biktima ng mga maling impormasyon, siyam sa sampung pagkakataon. Bago manghusga ng kapwa, husgahan muna ang balita. Hindi na trending topic si Yolanda. Masaya na ulit sila sa Twitter. Pasko na naman. Kaya yung mga ganitong opinyon, pwede na ring umepal. Pero huwag sana nating kalimutan... 1. Ang urgent issue ng climate change. Sentro nito ang Pilipinas, at hindi lang ito si Yolanda. Mas mahalaga sa mga pina-follow mong artista, makibahagi ka sa mga usapin at kampanyang tungkol dito sa loob at labas ng internet. 2. Kilalanin ang mundo at pagtuunan ng pansin ang world affairs at global issues, para hindi lang laging sarili mo ang iniisip mo. (Shocks, nakakahiya!) Eto ang sikreto: Liban kay Yolanda, may sariling problema ang ibat-ibang bansa...at wala silang pakialam sayo. Ssshhh! ;) 3. Salain ang mga tinatanggap at ipinapasa mong balita sa social media. Sa internet kung saan ang lahat ay news reporter, siguruhin mong hindi ka tulad nung mga reporter na isinusumpa mo. 4. Walang gaanong silbi ang maikling galit na bungsod lang ng kahihiyan sa ibang bansa at nakadidismayang bagal ng gobyerno sa unang linggo ng sakuna. Mas kapaki-pakinabang ang galit na tuluy-tuloy na magbabantay sa serbisyo ng pamahalaan sa Tacloban at mga nasalantang lugar hanggang sa maibalik sa kanya-kanyang bahay ang bawat biktima ng sakuna at makabangon muli. 5. Marami mang mga naging pagkukulang, marami rin ang mga gumawa ng higit at nag-alay ng oras, lakas at talino nila nang buong puso. Natisod lang tayo, hindi tayo tanga. Itaas mo ang ulo mo, Pilipino!
Posted on: Sun, 24 Nov 2013 07:39:18 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015