Biyernes sa Ika-16 Linggo ng Taon, Mt 13:16-17 Posted by - TopicsExpress



          

Biyernes sa Ika-16 Linggo ng Taon, Mt 13:16-17 Posted by veritasadmin on Friday, July 26, 2013 · Leave a Comment Reflections BAGONG UMAGA Magandang-magandang araw ng Biyernes sa inyo mga kapatid. Luwalhatiin natin ang ating Dakilang Diyos. Ikadalawampu’t anim ngayon ng Hulyo, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana. Kilala sila sa kanilang kapanahunan bilang mga banal. Dahil dito, ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoon na maging magulang ng ating Mahal na Birhen na hinirang Niya na maging ina ni Jesus. Atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata labing-anim hanggang labimpito. GOSPEL Reflection Mga kapatid, sinabi ng Panginoon sa Ebanghelyo “Ngunit mapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.” Ang konteksto ng mga salitang ito, ang tanong kung bakit nagsasalita si Jesus sa pamamagitan ng talinhaga. Marami ang tumitingin pero hindi naman makakita. Marami ang nakikinig, pero hindi naman nakakaunawa. Pero, mapapalad ang mga alagad. Dahil nauunawaan nila na si Jesus ang pinakahihintay na Mesiyas. Siya ang magpapahayag ng Paghahari ng Diyos. Sadyang mapalad ang mga alagad, pero sinabi rin ni Jesus, “Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” Hindi natin nasaksihan ang mga himala ni Jesus, hindi natin narinig ang Kanyang mga talinhaga, pero nanalig tayo sa pagpapahayag ng mga apostol at ng mga alagad. Patuloy pa ring nangyayari ang ganitong pagpapanibago sa mga tagasunod ni Jesus. Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay, nakikita ba natin ang mahiwagang pagkilos ng Panginoong Jesus? Sa loob ng ating tahanan, lalo na sa samahan ng ating pamilya – ang pagmamahalan, pagbibigayan at pagpapatawaran tanda ng buhay na presensya ng Panginoon. Sa ating pinagtatrabahuhan at komunidad – ang ating pagmamalasakit, pagtulong sa nangangailangan at paglilingkod ng tapat, tanda rin ng pananatili ng Panginoon. Ang biyayang magising muli para harapin ang panibagong araw, ang sikat ng bagong umaga, ang hangin, tubig, at pagkain sa ating hapag – lahat ito biyaya na nagmumula sa Panginoon. Maging ang ating pagkakasakit o mga problemang nararanasan – may mensaheng nais ipahawatig ang Panginoon – na hindi natin hawak ang ating buhay, na Siya pa rin ang may ganap na kontrol sa lahat ng pangyayari sa ating buhay, kaya dapat tayong manalig sa Kanya. Mapapalad tayo kung nakikita natin ang mahiwagang pagkilos ng Panginoon sa lahat ng mabubuti at tila di kanais-nais na pangyayari na ating nararanasan. Ang problema sa atin, minsan sa sobra nating pag-kaabala sa maraming bagay, nagiging makitid ang ating paningin at di rin natin naririnig ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa ating puso. Kaya hilingin natin ang tulong-panalangin nina San Joaquin at Santa Ana na lumago tayo sa ating buhay-panalangin at pananampalataya.
Posted on: Fri, 26 Jul 2013 07:21:40 +0000

Recently Viewed Topics




© 2015