KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 07 AUGUST 2013 Mga - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 07 AUGUST 2013 Mga whistleblowers, pinahihirapan sa RP INSPIRASYON SA BUHAY: “… Gaya ng ikinasiya ng Panginoon na kayo ay papagtagumpayin at paramihin, ganundin, ikasisiya Niya na kayo ay lipulin at wasakin…” (Deuteronomio 28:63, Bibliya). -ooo- OIL SMUGGLING SA RP, DI DAPAT IBINUBUNYAG? Sang-ayon ako kay Atty. Dante Vargas, isang dating Ombudsman prosecutor, na mas nakabuti na nga sana kung ang kanyang kliyenteng si Felicito Mejorado ay sa mga smugglers na nakipag-kooperasyon sa halip na iniulat niya sa gobyerno ang kanilang ginagawa, kung isasaalang-alang ang pagtutol nina Budget Secretary Florencio Abad at Finance Secretary Cesar Purisima na bayaran ang reward money ni Mejorado. Kasi naman, dapat tumanggap si Mejorado ng P272 milyon bilang pabuya mula sa gobyerno dahil nagamit ang kanyang impormasyon upang buwagin ang isang oil smuggling syndicate. Kaya lang, P68 milyon lang ang binayaran sa kanya. Tumatanggi diumano si Abad na ibigay ang kabuuang bayad ni Mejorado, bagamat ang pera ay inilabas na ng National Treasury at naibigay na nga kay Abad. Dahil diyan, tama ang punto ni Vargas: kung hindi nagsumbong si Mejorado sa gobyerno, at sa halip ay nakipag-kooperasyon na lamang siya sa mga smugglers, mas malaki pa sana sa P272 milyon ang kanyang kinita. Ang tanong: bakit ba tumatanggi si Abad at ang Finance Department sa pagbabayad? Gusto ba nilang ipahayag na hindi mabuti ang nagbubunyag ng oil smuggling sa ilalim ng gobyernong Aquino? -ooo- MGA WHISTLEBLOWERS, PINAHIHIRAPAN SA RP: Dahil sa nangyayari kay Mejorado, sino pa ba ang mangangahas na magbunyag ng smuggling sa Pilipinas, lalo na at ang mga opisyales mismo ng gobyerno na dapat lumalaban sa smuggling ang siya pang nagpapahirap sa mga whistleblowers o sa mga nagbubunyag, ng walang sapat na dahilan, at kahit na available naman na ang perang pabuya para sa kanila? Okay lang sana kung may matibay na batayan ang pagtanggi nila na bayaran na ang itinakdang pabuya sa mga whistleblowers. Pero sa kaso ni Mejorado, ang kanyang karapatan upang mabayaran ay kinilala na mismo ng gobyernong ito noong una pa, dahil nga nagbigay na ito ng paunang bayad na P68 milyon sa kanya. Ang biglaang pagtanggi ni Abad at ng Finance Department na buuin ang bayad ay nagbibigay-daan sa suspetsang talagang nais lamang nilang pahirapan si Mejorado at ang lahat ng mga whistleblowers. Ang lumilitaw tuloy sa ginagawa ni Abad at ng Department of Finance kay Mejorado ay ito: patigilin ang mga nagbubunyag at lumalaban sa mga smugglers. Sa madaling salita, gusto ng gobyernong ito na magpatuloy ang smuggling. -ooo- MGA PROBLEMANG ITINATAAS SA DIYOS: Dahil diyan, katig ako sa ginawa ni Vargas bilang abogado ni Mejorado: dalhin ang isyung ito sa Ombudsman. Gaya ng madalas sabihin ng Pangulong Aquino kung nahaharap siya sa mga akusasyon ng katiwalian ng kanyang mga kapanalig, bayaang maparusahan ang may kasalananan. Tingnan natin kung batay dito, kikilos ang Ombudsman para itampok ang interest ng sambayanan. Pero, pakikiusapan ko si Vargas at Mejorado na dalhin nila ang isyung ito di lamang sa hukuman ng tao, kundi sa harap ng Diyos mismo---lalo na sa mga panalangin at masusing pag-aaral ng Salita, ang Bibliya, kaakibat ng katiyakan sa kanilang mga puso na sa Kanyang dakilang pag-ibig at talino, kikilos ang Diyos ng buong katapatan at katarungan bilang pinaka-mataas na “Hukom” o “Justice” sa kanilang reklamo kay Abad at sa Department of Finance. Sapagkat sinasabi sa Hebreo 4:12: “Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, at mas matalas pa kaysa sa tabak na magkabila ay talim. Sumusuot ito sa pinaghihiwalayan ng espiritu at kaluluwa, at nakaka-alam ng iniisip at nilalayon ng puso…” Sa Roma 1:16, sinasabi doon: “Hindi ko ikinahihiya ang Mabuting Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan ng bawat mananampalataya…” -ooo- REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: batasmauricio@yahoo, mmauriciojr111@gmail. -30-
Posted on: Wed, 07 Aug 2013 00:01:52 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015