KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 07 JULY - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 07 JULY 2013 “Sintomas ng dinayang halalan” INSPIRASYON SA BUHAY: “…agawin ninyo ang mga naipagkasundo na sa apoy…” (Judas 23, Bibliya). -ooo- BAKIT DI PAG-ARALAN ANG IDEYA NG MGA KALABAN SA POLITIKA? Maaaring may mga tatawag sa akin bilang “loyalist” o ng mga kahalintulad na salita sa aking sasabihin ngayon, pero, di na bale, sasabihin ko pa din ito, upang maipakita na kung ang kasalukuyang mga pinuno sa ating gobyerno ay matututo lamang kumilos ng hindi nila isinasaalang-alang ang kulay ng kanilang politika, maaari silang makinabang sa mga ideya ng mga nakaraang liderato upang masolusyunan ang maraming problema, kasama na ang trapiko sa Metro Manila. Bakit di natin seryosong pag-aralan ang naging panukala noon ng dating First Lady, at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos, na ilipat ang mga tanggapan ng pamahalaan at mga eskuwelahan sa Metro Manila sa mga kalapit-lalawigan? Sa ganyang paraan, di na lamang mababawasan ng malaki ang mga sasakyang tumatakbo sa mga lansangan sa kalunsuran. Maisusulong pa ang pag-unlad ng mga bayan at lunsod sa paligid ng Metro Manila, na makakabuti sa mga mamamayan sa kalaunan. -ooo- EDSA BILANG ONE WAY STREET: At, bakit hindi din natin subukan ang mga ideya ng ibang mga opisyales sa ngayon ukol sa pagsasa-ayos ng trapiko sa Metro Manila, pag-aralan kung maipapatupad ba ang mga ito, at, kung magiging maganda naman ang resulta, bakit hindi agarang pursigihin? Ang isa sa mga opisyales na tinutukoy ko dito ay itong si Metro Manila Development Authority Vice Chairman Alex Cabanilla, na noon pa ay nagpapanukala ng gawing one-way lamang ang EDSA at ang iba pang mga malalaking kalsada sa Metro Manila sa mga itatakdang oras. Maraming mga eksperto sa trapiko ang nagsasabing maganda ang panukalang ito ni Cabanilla, pero tila yata hindi siya nabibigyan ng pagkakataong matalakay man lamang ito. Bakit? May natatakot bang mas sisikat si Cabanilla? -ooo- BAKIT DI GAMITIN ANG NUCLEAR POWER? At sa walang katapusang problema sa kuryente at mahal na bayarin sa konsumo, bakit ba patuloy na tinututulan ng pamahalaang Aquino ang paggamit ng nuclear power plants at sa halip ay ipinagpipilitan nito ang mga kontrata sa mga independent power producers (IPPs) kahit na sobra na sa taas ang kanilang mga singilin? Dahil ba ang dating Pangulong Marcos ang nagpanukala ng nuclear power? O dahil ang mga IPPs ay pag-aari ng mga paboritong negosyante? Oo naman, ang kasaysayan ang hahatol sa ating mga lider, pero sa puntong ito, sino ba ang may pakialam sa kasaysayan? Sa ngayon, ang sambayanan ay nananatili sa matinding kahirapan, ni hindi nakakatikim ng mga batayang gamit para mabuhay, at wala ng pag-asa pang maka-angat bilang maliit sa lipunan habang sila ay nabubuhay sapagkat walang tunay na pagsulong ng ekonomiya sa bansa. Kailangan na nating kumilos para sa kanila ngayon. Kung hindi, baka sila na ang kumilos mismo. -ooo- MABUHAY, RACHAEL DONAIRE: Sa mabuting balita naman, nakikiisa ako sa pagbati kay Rachael Donaire, ang buntis na asawa ni Filipino boxer Nonito Donaire Jr. Itinuturing siyang bayani ng mundo ngayon dahil bagamat siya ay siyam na buwang buntis na, iniligtas pa din niya ang isang batang nalulunod. Ayon sa mga balita, di nagdalawang-isip si Rachael na lumundag sa tubig, at sagipin ang sisinghap-singhap na bata. Samahan natin si Nonito sa panalanging nawa ay maging maayos ang panganganak ni Rachael. -ooo- DI SOLUSYON ANG DEATH PENALTY, SEN. SOTTO: Masusupil ba ng death penalty ang problema sa ilegal na droga sa bansa, gaya ng ipinapanukala ni Sen. Vicente Sotto III? Makikita po natin ang sagot sa karanasan ng mga Pilipinong nabitay na sa ibang bansa dahil napatunayang nagtutulak sila ng ipinagbabawal na gamot sa mga lugar na may death penalty. Sa totoo lang, nangangahas magtulak ang maraming Pilipino sapagkat ito lamang ang paraan upang mapakain nila ang kanilang mga pamilya, G. Sotto. May iba ba kayong mas mainam na panukala, Sir? -ooo- “DINAYANG HALALAN”: May reaksiyon si G. Benjamin A. Samonte ng Facebook group na “Flipinos for better Philippines-International Movement”, sa ating kolum ukol sa mas maraming boto kaysa botante noong nakaraang halalan: “Sintomas ito ng dinayang halalan! Ang karamihan sa mga nanalo ay hindi tunay na inihalal ng sambayanang Pilipino…” -ooo- REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: batasmauricio@yahoo, mmauriciojr111@gmail. -30-
Posted on: Sun, 07 Jul 2013 01:31:53 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015