“Kung Walang Ilustrasyon ay Hindi Siya Nagsasalita sa - TopicsExpress



          

“Kung Walang Ilustrasyon ay Hindi Siya Nagsasalita sa Kanila” PAMBIHIRA ang pribilehiyo ng mga alagad na naglalakbay kasama ni Jesus. Ang Dakilang Guro mismo ang nagtuturo sa kanila. Naririnig nila ang kaniyang tinig habang ipinaliliwanag niya ang Salita ng Diyos at tinuturuan sila ng kapana-panabik na mga katotohanan. Pero pansamantala, kailangan nilang tandaan at isapuso ang mahahalagang bagay na sinabi niya; hindi pa panahon noon para isulat ang kaniyang mga salita.* Gayunman, naging madali para sa kanila na matandaan ang mga itinuro ni Jesus. Paano? Sa pamamagitan ng kaniyang paraan ng pagtuturo, lalo na sa kaniyang napakahusay na paggamit ng mga ilustrasyon. 2 Oo, hindi basta-basta malilimutan ang mabisang mga ilustrasyon. Sinabi ng isang awtor na sa pamamagitan ng mga ilustrasyon, nailalarawan ng mga tagapakinig sa kanilang isipan ang mga bagay na kanilang naririnig. Dahil mas madali nating nauunawaan ang mga bagay-bagay kapag nailalarawan natin ito sa ating isipan, nakatutulong ang mga ilustrasyon upang maunawaan natin kahit ang mahihirap na ideya. Binibigyang-buhay ng mga ilustrasyon ang mga salita, at nagtuturo sa atin ng mga aral na tumitimo sa ating isipan. 3 Wala nang iba pang guro sa lupa ang mas bihasa sa paggamit ng mga ilustrasyon kaysa kay Jesu-Kristo. Hanggang sa ngayon, madali nating naaalaala ang kaniyang mga ilustrasyon. Bakit ginamit nang husto ni Jesus ang paraang ito ng pagtuturo? Bakit napakabisa ng kaniyang mga ilustrasyon? Paano tayo matututong gumamit ng paraang ito ng pagtuturo? Kung Bakit Nagturo si Jesus sa Pamamagitan ng mga Ilustrasyon 4 Dalawang mahalagang dahilan ang ibinigay ng Bibliya kung bakit gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon. Una, katuparan ito ng hula tungkol sa kaniya. Sa Mateo 13:34, 35, mababasa natin: ‘Nagsalita si Jesus sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila; upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta na nagsabi: “Ibubuka ko ang aking bibig na may mga ilustrasyon.”’ Ang propetang binanggit ni Mateo ay ang manunulat ng Awit 78:2. Sumulat ang salmistang iyon sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos maraming siglo bago pa isilang si Jesus. Isaalang-alang kung ano ang kahulugan nito. Daan-daang taon patiuna, tiniyak ni Jehova na ang Mesiyas ay magtuturo sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Kung gayon, tiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang paraang ito ng pagtuturo. 5 Ikalawa, ipinaliwanag ni Jesus na gumamit siya ng mga ilustrasyon upang ihiwalay ang mga indibiduwal na ang puso’y “naging manhid.” (Mateo 13:10-15; Isaias 6:9, 10) Paano nailantad ng kaniyang mga ilustrasyon ang motibo ng mga tao? Sa ilang pagkakataon, gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon upang udyukan ang kaniyang mga tagapakinig na magtanong para lubusan nilang maunawaan ang kaniyang mga pananalita. Handang magtanong ang mapagpakumbabang mga indibiduwal, samantalang ayaw namang magtanong ng mga palalo at mapagwalang-bahala. (Mateo 13:36; Marcos 4:34) Kaya isinisiwalat ng mga ilustrasyon ni Jesus ang katotohanan sa mga nauuhaw rito; kasabay nito, ikinukubli naman ng kaniyang mga ilustrasyon ang katotohanan sa mga mapagmataas. 6 May ilan pang kapaki-pakinabang na layunin ang mga ilustrasyon ni Jesus. Nakapupukaw ang mga ito ng interes, sa gayo’y nauudyukan ang mga tao na makinig. Lumilikha ang mga ito ng mga larawan sa isipan na madaling maunawaan. Gaya ng nabanggit sa pasimula, ang mga ilustrasyon ni Jesus ay tumutulong sa kaniyang mga tagapakinig na matandaan ang kaniyang pananalita. Isang namumukod-tanging halimbawa ng saganang paggamit ni Jesus ng mga ilustrasyon ang Sermon sa Bundok na nakaulat sa Mateo 5:3–7:27. Ayon sa isang pagbilang, ang sermong ito ay naglalaman ng mahigit sa 50 tayutay (figure of speech). Upang maunawaan kung ano ang ibig sabihin niyan, tandaan na ang sermong ito ay mababasa nang malakas sa loob lamang ng mga 20 minuto. Nangangahulugan ito na sa katamtaman, isang tayutay ang binibigkas sa bawat 20 segundo! Maliwanag, alam ni Jesus kung gaano kahalaga ang paggamit ng mga ilustrasyon! 7 Bilang mga tagasunod ni Kristo, gusto nating tularan ang kaniyang paraan ng pagtuturo, pati na ang paggamit niya ng mga ilustrasyon. Tulad ng mga pampalasa na lalong nagpapasarap sa pagkain, magiging mas kaakit-akit sa iba ang ating pagtuturo sa pamamagitan ng mabisang mga ilustrasyon. Mas madali ring maunawaan ang mahahalagang katotohanan sa pamamagitan ng mga ilustrasyong pinag-isipang mabuti. Suriin natin ngayon ang ilang salik kung bakit napakabisa ng mga ilustrasyon ni Jesus. Sa gayo’y makikita natin kung paano mabisang magagamit ang mahalagang paraang ito ng pagtuturo. Paggamit ng Simpleng mga Paghahambing 8 Sa kaniyang pagtuturo, madalas gumamit si Jesus ng simpleng mga paghahambing, na karaniwang binubuo lamang ng ilang salita. Subalit ang simpleng mga pananalitang ito ay lumilikha ng malinaw na mga larawan sa isipan at maliwanag na nagtuturo ng mahahalagang espirituwal na katotohanan, samakatuwid nga, mga katotohanan tungkol sa Diyos, sa kaniyang mga pamantayan, at sa kaniyang layunin. Halimbawa, nang pinapayuhan niya ang kaniyang mga alagad na huwag mabalisa hinggil sa pang-araw-araw na mga pangangailangan, inihambing niya ang kanilang kalagayan sa “mga ibon sa langit” at sa “mga liryo sa parang.” Ang mga ibon ay hindi naghahasik at gumagapas, ni nag-iikid at naghahabi man ang mga liryo. Gayunman, pinangangalagaan sila ng Diyos. Madaling maunawaan ang punto—samakatuwid, kung ang mga ibon at mga bulaklak nga ay pinangangalagaan ng Diyos, tiyak na pangangalagaan din niya ang mga taong ‘patuloy na humahanap muna sa kaharian.’—Mateo 6:26, 28-33. 9 Madalas ding gumamit si Jesus ng mga metapora, na mas mapuwersang uri ng paghahambing. Ngunit kapag gumagamit si Jesus ng metapora, pinananatili pa rin niya itong simple. Sa isang pagkakataon, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan.” Madaling naunawaan ng mga alagad ang kahulugan ng metapora, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa, maaari nilang pasikatin ang liwanag ng espirituwal na katotohanan at tulungan ang iba na luwalhatiin ang Diyos. (Mateo 5:14-16) Pansinin ang iba pang metapora na ginamit ni Jesus: “Kayo ang asin ng lupa” at “ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga.” (Mateo 5:13; Juan 15:5) Mapuwersa ang mga tayutay na iyon sa kabila ng kanilang pagiging simple. 10 Paano mo magagamit ang mga ilustrasyon sa iyong pagtuturo? Hindi mo kailangang gumawa ng mahaba at komplikadong mga kuwento. Mag-isip lamang ng simpleng mga paghahambing. Ipagpalagay na tinatalakay mo ang paksa tungkol sa pagkabuhay-muli at nais mong ilarawan na hindi mahirap para kay Jehova na buhaying muli ang mga patay. Anong paghahambing ang naiisip mo? Ginagamit ng Bibliya ang pagtulog bilang isang metapora para sa kamatayan. Maaari mong sabihin, “Para sa Diyos, ang pagbuhay-muli sa mga patay ay kasindali lamang ng paggising natin sa isa na natutulog.” (Juan 11:11-14) Ipagpalagay nang gusto mong ilarawan na kailangan ng mga anak ang pag-ibig at pagmamahal upang lumaki silang mahusay. Anong halimbawa ang magagamit mo? Ginagamit ng Bibliya ang paghahambing na ito: Ang mga anak ay “tulad ng mga sibol ng mga punong olibo.” (Awit 128:3) Maaari mong sabihin, “Kailangan ng anak ang pag-ibig at pagmamahal kung paanong kailangan ng punungkahoy ang sikat ng araw at tubig.” Miyentras mas simple ang paghahambing, mas madali itong mauunawaan ng iyong mga tagapakinig. Mga Ilustrasyong Halaw sa Pang-araw-araw na Buhay 11 Dalubhasa si Jesus sa paggamit ng mga ilustrasyong nauugnay sa buhay ng mga tao. Marami sa kaniyang mga ilustrasyon ay tungkol sa pang-araw-araw na mga kalagayan na malamang na naobserbahan niya habang lumalaki siya sa Galilea. Pag-isipan sandali ang panahon ng kaniyang kabataan. Tiyak na madalas niyang nakikita ang kaniyang ina na naggigiling ng butil upang gawing harina, naglalagay ng pampaalsa sa isang masa, nagsisindi ng lampara, o nagwawalis sa bahay. (Mateo 13:33; 24:41; Lucas 15:8) Malamang na ilang beses niyang napagmasdan ang mga mangingisda habang inihuhulog nila ang kanilang mga lambat sa Dagat ng Galilea. (Mateo 13:47) At tiyak na madalas niyang nakikita ang mga batang naglalaro sa pamilihan. (Mateo 11:16) Walang-alinlangang nakita rin ni Jesus ang iba pang karaniwang bagay na binanggit niya sa kaniyang mga ilustrasyon—paghahasik ng mga binhi, maligayang mga piging ng kasalan, at mga butil sa bukid na nahihinog sa sikat ng araw.—Mateo 13:3-8; 25:1-12; Marcos 4:26-29. 12 Sa kaniyang mga ilustrasyon, bumanggit si Jesus ng mga detalyeng alam na alam ng kaniyang mga tagapakinig. Halimbawa, sinimulan niya ang talinghaga hinggil sa madamaying Samaritano sa pagsasabing: “Isang tao ang bumababa mula sa Jerusalem patungong Jerico at nahulog sa kamay ng mga magnanakaw, na siya ay kapuwa hinubaran at pinaghahampas, . . . na iniwan siyang halos patay na.” (Lucas 10:30) Kapansin-pansin, binanggit ni Jesus ang daan “mula sa Jerusalem patungong Jerico” upang mapalitaw ang kaniyang punto. Nang ilahad niya ang talinghagang ito, nasa Judea siya, na di-kalayuan sa Jerusalem; kaya tiyak na pamilyar sa kaniyang mga tagapakinig ang nabanggit na daan. Kilalang mapanganib ang daang iyon, lalo na sa naglalakbay nang mag-isa. Bumabagtas ang paliku-likong daan na ito sa liblib na lugar, at kakaunti ang dumaraan doon kaya naman naging pugad ito ng mga magnanakaw. 13 Binanggit din ni Jesus ang iba pang pamilyar na mga detalye tungkol sa daan na “mula sa Jerusalem patungong Jerico.” Ayon sa talinghaga, naglalakbay rin sa daang iyon, una ang isang saserdote at pagkatapos ang isang Levita—pero walang sinuman sa kanila ang huminto upang tulungan ang biktima. (Lucas 10:31, 32) Naglilingkod sa templo sa Jerusalem ang mga saserdote, at tumutulong naman sa kanila ang mga Levita. Maraming saserdote at Levita ang tumitira sa Jerico kapag hindi sila nagtatrabaho sa templo; mga 23 kilometro lamang ang layo ng Jerico sa Jerusalem. Kaya madalas silang makikitang naglalakbay sa daang iyon. Pansinin din na binanggit ni Jesus na ang lalaking naglalakbay ay “bumababa”—hindi umaakyat—sa daan “mula sa Jerusalem.” Nauunawaan ito ng kaniyang mga tagapakinig. Mas mataas kasi ang Jerusalem kaysa sa Jerico. Kaya nga talagang “bumababa” ang isa na naglalakbay “mula sa Jerusalem.”* Maliwanag na isinaalang-alang ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig. 14 Kapag gumagamit tayo ng mga ilustrasyon, kailangan din nating isaalang-alang ang ating mga tagapakinig. Anu-anong bagay hinggil sa ating mga tagapakinig ang maaaring makaapekto sa pagpili natin ng mga ilustrasyon? Marahil ay dapat nating isaalang-alang ang mga salik na gaya ng edad, kultura o pinagmulang pamilya, at hanapbuhay ng isa. Halimbawa, ang isang ilustrasyon na bumabanggit ng mga detalye hinggil sa pagsasaka ay maaaring mas madaling maunawaan ng mga nasa kabukiran kaysa sa mga nakatira sa malaking lunsod. Ang karaniwang mga bagay sa buhay at gawain ng ating mga tagapakinig—ang kanilang mga anak, bahay, libangan, pagkain—ay magagamit ding saligan para sa angkop na mga ilustrasyon. Mga Ilustrasyong Halaw sa Sangnilalang 15 Isinisiwalat ng marami sa mga ilustrasyon ni Jesus ang kaniyang kaalaman hinggil sa kalikasan, kabilang na ang mga halaman, hayop, at ang lagay ng panahon. (Mateo 16:2, 3; Lucas 12:24, 27) Saan niya nakuha ang gayong kaalaman? Habang lumalaki siya sa Galilea, malamang na palagi niyang naoobserbahan ang sangnilalang. Higit pa riyan, si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang,” at ginamit siya ni Jehova bilang “dalubhasang manggagawa” sa paglalang sa lahat ng bagay. (Colosas 1:15, 16; Kawikaan 8:30, 31) Kataka-taka bang kabisadung-kabisado ni Jesus ang sangnilalang? Tingnan natin kung paano niya mabisang ginamit ang kaalamang ito. 16 Alalahanin na ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang mabuting pastol” at ang kaniyang mga tagasunod bilang “mga tupa.” Ipinahihiwatig ng mga pananalita ni Jesus na pamilyar na pamilyar siya sa katangian ng mga alagang tupa. Alam niya na may natatanging buklod ang mga pastol at ang kanilang mga tupa. Napansin niya na handang paakay ang mapagtiwalang mga nilalang na ito at may-katapatan silang sumusunod sa kanilang pastol. Bakit sumusunod ang mga tupa sa kanilang pastol? “Sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig,” ang sabi ni Jesus. (Juan 10:2-4, 11) Talaga bang kilala ng mga tupa ang tinig ng kanilang pastol? 17 Mula sa personal na obserbasyon, ganito ang isinulat ni George A. Smith sa kaniyang aklat na The Historical Geography of the Holy Land: “Kung minsan ay nagpapahinga kami sa tanghali sa tabi ng isa sa mga balon sa Judea, kung saan dinadala ng tatlo hanggang apat na pastol ang kani-kanilang mga kawan. Nagkakahalu-halo ang mga kawan, at iniisip namin kung paano malalaman ng bawat pastol kung alin sa mga iyon ang kaniyang kawan. Subalit matapos uminom at maglaro ang kawan, isa-isa nang pupuwesto ang mga pastol sa iba’t ibang panig ng libis, at saka tatawagin ng bawat isa ang kaniyang kawan sa kani-kaniyang natatanging paraan; at hihiwalay ang mga tupa ng bawat pastol mula sa pulutong patungo sa kanilang sariling pastol, at maayos na aalis ang mga kawan na gaya ng kanilang pagdating.” Napakahusay ng piniling ilustrasyon ni Jesus upang mapalitaw ang kaniyang punto, samakatuwid nga, kung tatanggapin at susundin natin ang kaniyang mga turo at kung handa tayong magpaakay sa pangunguna niya, pangangalagaan tayo ng “mabuting pastol.” 18 Paano tayo matututong gumamit ng mga ilustrasyong halaw sa sangnilalang? Ang pambihirang mga katangian ng mga hayop ay maaaring gawing saligan para sa simple subalit mabisang mga paghahambing. Saan tayo makasusumpong ng impormasyon tungkol sa mga nilalang ni Jehova? Maraming impormasyon sa Bibliya tungkol sa iba’t ibang hayop, at kung minsan, ginagamit nito ang mga katangian ng hayop sa makasagisag na paraan. Binabanggit ng Bibliya ang pagiging matulin na gaya ng gasela o ng leopardo, pagiging maingat na gaya ng serpiyente, at pagiging walang muwang na gaya ng isang kalapati.* (1 Cronica 12:8; Habakuk 1:8; Mateo 10:16) Ang iba pang mahalagang pinagmumulan ng impormasyon ay Ang Bantayan, Gumising!, at iba pang literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Marami kang matututuhan sa mga publikasyong ito tungkol sa simpleng mga paghahambing na halaw sa maraming kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova. Mga Ilustrasyong Halaw sa Pamilyar na mga Halimbawa 19 Maaaring gamitin bilang mabisang mga ilustrasyon ang totoong-buhay na mga halimbawa. Minsan, ginamit ni Jesus ang isang kamakailang pangyayari noon upang ilantad ang huwad na paniniwalang sumasapit ang mga trahedya sa mga nararapat dumanas nito. Sinabi niya: “Yaong labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam, na siyang ikinamatay nila, inaakala ba ninyo na naging mas malaki ang kanilang utang [kasalanan] kaysa sa lahat ng iba pang mga tao na nananahanan sa Jerusalem?” (Lucas 13:4) Tunay nga, hindi namatay ang 18 kaluluwang iyon dahil sa isang kasalanan na ikinagalit ng Diyos. Sa halip, ang kanilang kalunus-lunos na kamatayan ay resulta ng “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Sa gayon, pinasinungalingan ni Jesus ang isang huwad na turo sa pamamagitan ng pagbanggit ng isang pangyayari na pamilyar sa kaniyang mga tagapakinig. 20 Paano natin magagamit ang totoong-buhay na mga halimbawa at karanasan sa ating pagtuturo? Ipagpalagay na tinatalakay mo ang katuparan ng hula ni Jesus may kaugnayan sa tanda ng kaniyang pagkanaririto. (Mateo 24:3-14) Maaari mong banggitin ang balita kamakailan tungkol sa mga digmaan, taggutom, o mga lindol upang ipakita na natutupad na ang espesipikong mga bahagi ng tanda. O ipagpalagay na gusto mong gamitin ang isang karanasan upang ilarawan ang mga pagbabagong nasasangkot sa pagsusuot ng bagong personalidad. (Efeso 4:20-24) Saan ka makasusumpong ng gayong karanasan? Puwede mong gamiting halimbawa ang karanasan ng ating mga kapananampalataya na may iba’t ibang pinagmulan, o ang isang karanasang inilathala sa isa sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. 21 Tunay nga, si Jesus ang Dalubhasang Guro! Gaya ng nakita natin sa seksiyong ito, pangunahin niyang gawain sa buhay ang ‘pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita.’ (Mateo 4:23) Ito rin ang pangunahing gawain natin sa buhay. Malaki ang mga gantimpala ng pagiging mabisang guro. Kapag nagtuturo tayo, nagbibigay tayo sa iba, at nagdudulot ng kaligayahan ang gayong pagbibigay. (Gawa 20:35) Nagiging maligaya tayo yamang alam natin na may ibinabahagi tayong isang bagay na tunay at namamalagi—ang katotohanan tungkol kay Jehova. Makadarama rin tayo ng kasiyahan sa pagkaalam na tinutularan natin ang halimbawa ni Jesus, ang pinakadakilang Guro na nabuhay kailanman sa lupa. [Mga Talababa] Maliwanag na ang unang ulat hinggil sa buhay ni Jesus dito sa lupa na isinulat sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ay ang Ebanghelyo ni Mateo, na isinulat mga walong taon pagkamatay ni Jesus. Sinabi rin ni Jesus na ang saserdote at ang Levita ay “mula sa Jerusalem,” samakatuwid nga, galing sila sa templo. Kaya hindi nila maidadahilan na iniwasan nila ang lalaking waring patay na dahil ayaw nilang pansamantalang maging hindi karapat-dapat na maglingkod sa templo.—Levitico 21:1; Bilang 19:16. Para sa mas detalyadong talaan ng makasagisag na paggamit sa Bibliya ng mga katangian ng hayop, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 268, 270-1, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Paano Mo Matutularan si Jesus? ● Anu-anong aspekto ng sangnilalang ang ginamit ni Jesus sa kaniyang mga ilustrasyon, at paano mo magagamit ang katulad na mga halimbawa?—Mateo 13:24-32. ● Paano ginamit ni Jesus ang isang simpleng ilustrasyon upang mapalitaw ang isang mahalagang punto, at ano ang natutuhan mo mula sa kaniyang halimbawa?—Mateo 18:12-14. ● Anu-anong karanasan sa pang-araw-araw na buhay ang ginamit ni Jesus, at paano ito makatutulong sa iyo sa pagpili ng mga ilustrasyon?—Lucas 11:5-8; 12:6.
Posted on: Fri, 05 Jul 2013 13:28:08 +0000

Trending Topics



class="sttext" style="margin-left:0px; min-height:30px;"> APGA DISCLAIMER: MAXI OKWU--NOT A MEMBER OF OUR PARTY. ALL

Recently Viewed Topics




© 2015