Mga residenteng nakatira sa malapit sa pampang ng Marbel River, - TopicsExpress



          

Mga residenteng nakatira sa malapit sa pampang ng Marbel River, pinalikas na ng Koronadal City Government. Nagpatupad ng force evacuation sa labinpitong pamilya na nakatira malapit sa pampang ng Marbel River sa Purok Nagkakaisa, Barangay Namnama, Koronadal City ang city government Sabado ng gabi. Ito ay dahil na rin sa pangamba na tuluyan nang anurin ng tubig ang kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na pagguho ng pampang ng nabanggit na ilog. Nabatid na ang malakas na buhos ng ulan ay nagresulta sa paglakas ng agos ng Marbel River na na naging dahilan din ng biglaang pagguho ng lupa sa pampang nito. Matapos abisuhan na lisanin na ang kanilang mga tirahan, tila wala namang pagtutol ang mga apektadong mga mamamayan at kanya kanya naman silang impake at dinala ang kanilang mga kagamitan sa mas ligtas na lugar. Ito ayon pa sa isa sa mga residente na si Romina Penuela ay para naman aniya sa kanilang kaligtasan Maliban sa mga tirahan, unti unti na ring nilalamon ng malakas na agos ng tubig ang mga palayan sa gilid ng nabanggit na ilog. Ayon naman kay Koronadal City Social Welfare Officer, Mary Jane Gabucan, habang nagsasagawa pa sila ng assessment sa halaga ng mga nasirang ari-arian at panananim, ang mga lumikas na residente ay pansamantala munang makikituloy sa kanilang mga kaanak. Isa naman sa agarang solosyon na planong ipatupad ng City Government para mapigilan ang pagguho ng lupa sa pampang ng Marbel River ay ang re-channeling ng nabanggit na ilog. Maliban sa Namnama, nakaranas din ng mga pagbaha at landslide ang pito pang mga barangay sa Koronadal City, na naging dahilan kung bakit ayon pa kay City Mayor Peter Miguel ay posibeng tuluyan nang isailalim sa State of Calamity ang lungsod. NDBC Network
Posted on: Mon, 29 Jul 2013 00:51:20 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015