Napoles makakatakas pa! (Juliet de Loza-Cudia/AriesCano/Bernard - TopicsExpress



          

Napoles makakatakas pa! (Juliet de Loza-Cudia/AriesCano/Bernard Taguinod) Maaari pang makatakas at hindi mapanagot si Janet Lim- Napoles kung babagal-bagal si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa pagsasampa ng kaso laban sa kanya at mga kasabwat nito sa P10 billion pork barrel scam. Ito ang ibinabala ni 1-BAP partylist Rep. Silvestre Bello III sa lingguhang press conference ng minority bloc sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso kahapon. Kaugnay nito, inamin kahapon ni Justice Sec. Leila de Lima na wala siyang kapangyarihan para pigilan na lumabas ng bansa ang tatlong senador na kinasuhan ng plunder sa Office of the Ombudsman kaugnay sa P10 billion pork barrel scam. Kinumpirma ni De Lima na hangga’t hindi pa tapos ang preliminary investigation ng Ombudsman, maituturing na wala pa ring kaso sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. Sinabi pa ng kalihim na maging si Ombudsman Morales ay walang kapangyarihan na magpalabas ng Hold Departure Order laban sa tatlo. Tanging korte lamang ang may kapangyarihan na makapagpalabas nito. Bilang kalihim ng DOJ, tanging lookout bulletin lamang umano ang maaari niyang gawin. Ayon naman kay Bello, walang kasiguraduhan kung hindi pagbibigyan ng korte ang kahilingan ng kampo ni Napoles na makapagpiyansa sa kasong serious illegal detention dahil naniniwala ang akusado na mahina ang ebidensya laban sa kanya sa nasabing kaso. Naniniwala itong gagawin ng kampo ni Napoles ang lahat ng paraan para makalabas lamang ito sa kasong serious illegal detention na isinampa ng kanyang da­ting tauhan at whistleblower na si Benhur Luy. Nauna nang sinampahan ng kasong plunder sa Ombudsman noong Lunes sa pangunguna ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Napoles at mga senador na sina Enrile, Estrada at Revilla. Kasama rin sa plunder charges sina dating Masbate congresswoman at ngayo’y Gov. Rizalina Seachon-Lanete at dating APEC Rep. Edgar Valdez. Umamin kayo! Pinaaamin naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan na sangkot sa pork barrel scam. Ayon kay CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace executive secretary Fr. Edu Gariguez, dapat pairalin ng mga Filipino kabilang ang inaakusahang mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno ang pagiging mapagkumbaba sa pagtanggap ng kasalanan at pagsisihan ito. Dagdag pa ni Fr. Gariguez, na ilabas na lahat ng sangkot at nang magawang magbalik-loob gaya na rin ng ilang alagad ng Simbahan na naging kasangkapan ni Napoles para aminin ang pagkakasala at hu­mingi ng pagpapatawad. abante.ph/issue/sep1913/news04.htm
Posted on: Wed, 18 Sep 2013 18:00:00 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015