SA MGA BOTANTE SA BARANGAY ELECTION, ITO PO ANG IBIG SABIHIN NG - TopicsExpress



          

SA MGA BOTANTE SA BARANGAY ELECTION, ITO PO ANG IBIG SABIHIN NG IRA O INTERNAL REVENUE ALLOTMENT Ang Barangay 176 (Bagong Silang) ng Caloocan City ang pinakamaperang barangay sa buong Pilipinas. Ito ay kung ang pag-uusapan ay ang kanilang natatanggap mula sa pambansang pamahalaan na IRA o Internal Revenue Allotment. Ang IRA ay galing sa mga buwis na ibinabayad ng mga mamamayan na pinaghahati-hatian ng mga ahensya ng lokal na gobyerno na dapat mangasiwa sa ating kapakanan. Napupunta ito sa mga kapitolyo sa mga probinsya, mga munisipyo sa mga ba­yan at sa mga lungsod at mga barangay. Kung ang IRA lang ang pag-uusapan, dapat bawat taon, pabuti nang pabuti ang buhay ng mga taga-Barangay 176, Caloocan dahil taun-taon humigit kumulang ganitong pera ang hinahawakan o bina-budget ng kanilang kapitan at pitong barangay kagawad. Base sa tanggapan ng National Barangay Operations Office ng DILG ang listahang ito ng mga barangay na pinakamalaki sa buong Pilipinas ang natatanggap na IRA. 1. Barangay 176, Caloocan P89 Million 2. Barangay Commonwealth, QC P68 Million 3. Barangay Batasan Hills, QC, P55 Million 4. Barangay Pinagbuhatan, Pasig P46 Million 5. Barangay Payatas, QC, P44 Million Bakit ganito kalaki ang napupuntang pera ng gobyerno sa kanila? Depende kasi ito sa lawak ng lupain o land area ng barangay at sa laki ng kanilang populasyon. Ang formula ng Department of Budget and Management ay ganito: - ang 20% ng kabuuang IRA ay mapupunta sa mga barangay - una muna, ang lahat ng barangay sa Pilipinas ay makakatanggap ng P80,000 - ang balanse ay paghahatian ... 60% depende sa populasyon 40% depende sa land area ng barangay Ibig sabihin, kung mas malawak ang sakop at kung saan mas maraming tao, mas malaki ang budget na natatanggap. Malinaw na napakalaking pera ang ipinagkakatiwala sa mga pinuno ng barangay. Kahit sabihin mang sa mga malayo o liblib na barangay ng Pilipinas ay P3 Million o kahit P1 Million lang ang IRA nila, malaking pera pa rin iyon na dapat pag-ingatang ilaan sa ikabubuti ng buong barangay at hindi mapunta lamang para sa pagpapaganda ng bahay ng kapitan o kagawad, pambili ng kanilang sariling sasakyan, pansugal, panlakwatsa o dili kaya’y pambili ng boto. Bawat mamamayan ng barangay ay may karapatang makinabang sa mga pangkalahatang serbisyo na dapat paggamitan ng pera. Ibig sabihin, malaking responsibilidad ang pagiging opisyal ng barangay. Dapat marunong magkwenta ng pera, marunong magreport kung saan nanggagaling ang pondo, marunong maglista ng mga pinagkakagastusan, marunong magtukoy kung alin sa mga panga­ngailangan ng barangay ang uunahin at tutugunan. Hindi lang sila dapat marunong. Sila rin ay dapat mapagkakatiwalaan. Kung hindi, makikita na lamang nating lumalaki ang bahay nila, umaasenso ang buhay nila at kung minsan dumarami ang asawa o bisyo nila at sila na lang ang nakikinabang sa perang dapat sana ay para sa ikabubuti ng lahat. Hindi basta-basta ang kumandidato sa barangay. May malaking kapangyarihan at katumbas na malaking responsibilidad ito. Kaya hindi rin dapat basta-basta ang pagboto sa kanila. Ngayon, kung masisilaw na naman ang mga tao sa mga syentu-syento o “barya-barya” na pinambibili ng kanilang boto, tiba-tiba naman sa kita ang mga opisyal ng barangay na pahahawakin nila ng IRA. Tandaan, kung ang barangay ninyo, halimbawa, ay may P5 Million na pera sa bawat taon, P15 Million iyan na ipapasakamay niyo sa mga iboboto niyo sa barangay dahil sila ay ilalagay ninyo sa puwesto mula 2013 hanggang 2016. MAGING MATALINO SA PAGBOTO...IBOTO ANG TAMANG KANDIDATO.
Posted on: Fri, 25 Oct 2013 09:55:15 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015