Veritas Editorial "Migranteng Alipin" by: Rev. Fr. Anton CT - TopicsExpress



          

Veritas Editorial "Migranteng Alipin" by: Rev. Fr. Anton CT Pascual Mga kapanalig, hindi ba’t isang malaking problema ang pang-aabuso ng mga migranteng Filipino sa iba’t ibang bansa sa mundo? Bakit nga ba tuluyang nangyayari ito kahit pa ang mga migrante ang isa sa pinakamalaking contributor sa paglago ng ating ekonomiya? Noong 2011, umaabot na ng 4.51 million ang mga Pilipinong temporary migrants sa iba’t ibang parte ng mundo. Ang pinadala ng mga migranteng ito noong 2010 ay umabot sa $21.6 billion, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Ang mga pangunahing lugar na pinupuntahan ng ating mga migrante ay USA, Saudi Arabia, Canada, United Arab Emirates, Malaysia, Australia, Qatar, Japan, United Kingdom, and Kuwait. Karamihan sa naghahanap ng trabaho, sa Middle East ang tungo. Mga kapanalig, lingid sa kaalaman ng marami, bago pumasok sa trabaho ang mga aplikanteng domestic helpers mula sa ating bayan, kinukuhaan muna sila ng litrato na may identifying numbers sa didbib, at may suot na apron. Ang mga litratong ito ang pinapakita sa mga employers, at ang ating mga kababayang domestic helpers ay ina-advertise na “submissive” at syempre masipag. Mga kapanalig, masakit isipin na parang wholesale na karne ang pag-export ng mga kababayan natin sa iba’t ibang parte ng mundo. Pero ito ang ating realidad. Ang dapat nating itanong sa ating mga sarili ay bakit umabot ng ganito ka-desperado ang ating mga mamamayan na kailangang patulan ang mga patakarang nakaka-panliliit ng dangal. Ano ba ang ginagawa ng ating lipunan at bakit may mga kababayan tayong kailangang umalis ng bansa, na walang kasiguraduhan ang kapalaran, dahil lamang sa kahirapan? Maraming reklamo ukol sa dinaranas ng ating mga migranteng Pilipino, ngunit ang solusyon ay tila hindi pa rin natin maabot. Tila nga lumalala pa ito habang tumatagal, kung pagbabasehan lamang natin ang nakaraang diumanong pang-aabuso sa mga migranteng Pilipino sa Jeddah at iba pang parte ng Middle East. Mga kapanalig, ang sentro ng Panlipunang Turo ng Simbahan ay ang dignidad ng bawat tao. Ayon nga sa Pacem en Terris, ang kahit anumang lipunan, kung nais nitong maging maayos at produktibo, ay dapat maglatag ng matibay na pundasyon. At ang pundasyon na ito ay ang bawat tao – na may angking talino at kalayaan – na dumadaloy mula sa kanyang dignidad, na repleksyon ng liwanag ni Kristo. Mga kapanalig, dahil sa kahirapan at kabuktutan, tayo mismo ang nagpapadilim ng liwanag ng Kristo. Ilang migrante pa kaya ang kailangan nating i-export bago natin maiwasto ang ating mga kamalian bilang lipunan? veritas846.ph/migranteng-alipin/
Posted on: Fri, 13 Sep 2013 02:39:57 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015