---BALITANG SPORTS---- ----So sinalba ang Pilipinas by Elech Dawa - TopicsExpress



          

---BALITANG SPORTS---- ----So sinalba ang Pilipinas by Elech Dawa Jul 16, 2013 1:32pm HKT MUNTIK na namang mabokya ang Pilipinas sa medal standings, mabuti na lang may super GM Wesley So upang isalba ang Pilipinas sa nagaganap na 27th Summer Universiade 2013 sa Kazan, Russia. Sinungkit ng tubong Bacoor, Cavite, So ang nag-iisang medalya ng Pilipinas matapos tanghaling kampeon sa larangan ng ahedres Nauwi sa tabla ang huling laban ni No. 3 seed So (elo 2708) kay GM Zaven Andriasian (elo 2620) ng Armenia sa 28 sulungan ng Sicilian closed subalit sumapat ito upang angkinin ang gintong medalya sa men’s chess individual. Kumulekta si World Cup bound So ng 6.5 points mula sa apat na panalo at limang draw sa event na ipinatupad ang nine rounds swiss system. Sumiksik si So sa walong GMs sa unahan at pagkatapos ipatupad ang tie-break points ay ikinuwintas ng pinakamagaling na woodpusher sa Pilipinas ang medalyang ginto. Pilak ang nakopo ni Andriasian habang si Chinese chesser Li Chao (elo 2686) na tumabla ang laban kay GM Maxim Matlakov (elo 2665) ng Russia ang nag-uwi ng bronze medal Pumang-apat si Ma Qun (elo 2584) ng China, pang-lima si Matlakov (elo 2665) habang sina Jianchao Zhou (elo 2572) ng China, No. 2 seed Evgeny Alekseev (elo 2714) ng Russia, Jacek Tomczak (elo 2564) ng Poland at Russian chesser Sanan Sjugirov (elo 2647) ay lumanding sa pang anim hanggang pang-siyam na puwesto ayon sa pagkakahilera. Ang top seeded na si Hydra GM Dmitry Andreikin (elo 2727) ng Russia ay nasa pang 14th place bitbit ang anim na puntos. Sa round eight, nasa pang-apat na puwesto si 19-year old So matapos niyang pisakin si GM Giorgi Margvelashvili (elo 2548) ng Georgia. Kinasahan ng Pilipinas ang Basketball, Fencing, Tennis, Table Tennis, Beach Volleyball, Judo, Badminton, Weightlifting at Chess at pagkatapos ng 11 araw na labanan ay nasama ang Pilipinas sa medal standings. Sa distaff side, kahit tumapos si unrated Mary Israel Palero ng 3.5 points ay asahang mataas ang magiging elo rating nito dahil mga seeded players ang tinalo at tinablahan niya sa siyam na laro. Samantala, si So na 8th youngest chess grandmaster sa buong mundo ay nakatakdang namang tumulak ng piyesa sa World Chess Cup sa Agosto 10 hanggang Setyembre 5 sa Tromso, Norway. Makakasama ni So na makikipagsapalaran sa nasabing pinaka prestihiyosong event sa chess sina GMs Oliver Barbosa at Mark Paragua. SOURCE : remate.ph
Posted on: Tue, 16 Jul 2013 07:50:00 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015