ANG DAAN NI PNOY: Patungo sa Krisis at Ibayong Kahirapan Sa - TopicsExpress



          

ANG DAAN NI PNOY: Patungo sa Krisis at Ibayong Kahirapan Sa muling pagharap ni Pnoy sa mamamayan, sa pang-apat na pagkakataon, asahan natin ilalahad nito ang kanyang mga susunod na plano para sa huling tatlong taon ng kanyang anim na taong panunungkulan sa Malakanyang. Tiyak tayong ibabandera nito ang positibong tantos ng paglago ng ekonomiya, na senyales ng istabilidad sa mata ng mga dayuhang namumuhunan at malalalaking negosyo. Ngunit sa kabila ng magagandang istatistikang ito, di pa ring lubos na naipapatupad ang kanyang tinatawag na kasunduan sa mamamamayan o Social Contract ( ayon na mismo sa kanyang Philippine Development Plan) kabilang na dito ang pagpapababa ng kahirapan, magkaroon ng pamahalaang ‘transparent, accountable at participatory ‘ , pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan at rule of law. Sa madaling sabi, nais ni Pnoy ang isang gubyernong may magandang klima para sa mga namumuhunan – bawas ang red tape at korapsyon, may imprastruktura para sa pagnenegosyo, umaayon at di magkakasalungat ang mga polisiya ng gubyerno at desisyon ng korte para sa pamumuhunan, lalo pang pagbubukas ng pananalapi at sistema ng pagbabangko sa Pilipinas, pagsasapribado ng mga batayang panlipunang serbisyo sa pamamagitan ng Private-Public Partnership. maamo, pleksible (kontraktwal) at murang lakas-paggawa. At kasabay nito, kailangang walang destabilisasyon, walang gulo – dito nakabalangkas ang marami sa kanyang repormang panlipunan tulad ng pinalawak na Conditional Cash Transfer at Philhealth Coverage, job generation, market-based land reform , pagkakaroon ng sapat na bigas, peace and order initiatives (kasama na dito ang Peace Talks at MILF agreement) Ngunit maggigiit at manggugumiit ang katangian ng sistemang neo-kolonyal, malapyudal at lohika ng neo-liberalismo (ang balangkas na tinatalunton ng daan ni PNoy.) Kontraktwal, Mahirap at Gutom Nagdudumilat pa rin ang lumalalang kahirapan. Wala na ngang kaginhawaan, kulang pa rin ang hanapbuhay. Apat sa sampung may trabahong Pilipino ang tinuturing na self-employed, kumikita ng mas mababa as minimum sa kabila ng halos 16 oras na trabaho. sa mga tinuring na wage earners, malaking porsyento ang naka empleyo sa mga pribadong empresa na karamihan ay kontraktwal, sumunod na pinakamalaki ay ang nagtratrabaho sa gubyerno ( kasama din dito ang mga kontraktwal) at pinaka huli ay ang mga household workers na tumatanggap ng mas mababa kaysa minimum at nagtratrabaho lampas sa otso (8) oras kada araw. Mahigit 20.9% (7.9M) manggagawa ang maituturing na under-employed. Ito at ang kontraktwalisasyon ang syang nagbibigay ng di-istableng kalagayan sa kabuhayan ng kalakhan ng mamamayan. Ang kontraktwalisasyon ay isa nang polisiya at malaganap nang pinatutupad, ang mga regular na manggagawa ay mas maliit na ang bilang kaysa sa mga kontraktwal, sapilitang binabawasan pa sa pamamagitan ng iba’t-ibang iskema. Tulad nang nangyari sa mga manggagawa ng Digitel, pagkatapos maganap ang PLDT-DIGITEL share swap at integration, sila’y tinanggal ay pinatatanggap ng offer na maging kontraktwal sa ilalim ng mga subsidyaryo ng Digitel. Nilabanan ito ng kanilang unyon, lalo’t tangan nila ang paborableng Supreme Court decision.Tatlong buwan na silang naka-picket. Kung magwagi ang kapitalista sa kasong ito, lalong pagsasamantala at pagbalewala sa mga pamantayan sa paggawa ang maaring asahan ng manggagawang Pilipino Ayon sa National Statistics Coordination Board, walang ipinakitang signipikanteng pagbabago sa kabuhayan nitong nakalipas na anim na taon ang pinakahuling datos ng kahirapan sa bansa na inilabas nitong Abril. Sampung porsiyento (10%) pa rin ng mga Pilipino namumuhay sa pinakamatinding kahirapan o walang kakayahang matugunan kahit ang batayang pangangailangan nila sa pagkain. Ito rin ang datos noong 2006 at 2009 ng kalapin ang datos ng kahirapan. Tinaya rin ng NSCB na may 22.3% ng mga pamilya ay lugmok sa kahirapan sa unang apat na buwan nitong 2012 kumpara sa 22.9% noong 2009 at 23.4% noong 2006. Batay sa pagtataya ng gobyerno, may mahigit sa 9 na milyong pinakamahirap na pamilyang Pilipino ay kumikata lang ng mas mababa sa Php5,460 o $ 135 halaga ng buwanang pangangailangan sa pagkain. Samantala,dumadausdos pa ang pilipinas sa ranggo nitong pang-114th sa may 187 bansang sinarbey ng United Nation Human Development sa larangan ng kalusugan, Edukasyon, at infant mortality mula sa dating pang-105 ranggo nito noong 2007. Nariyan ngayon ang patuloy na demolisyon sa hanay ng mga maralitang tagalungsod, lalo na sa tinuring na danger zones. Muli na naming ipapatapon sa mga malalayong resettlement ang mga maralita, na walang kaseguruhan sa ikabubuhay nila. Ito ay sa kabila nang mayroon nang inilaan na %0 bilyong pisong Shelter Fund para sa tinuring na Informal Settler Families o ISF, na ang mga samahan ng mga maralita ay nagsikap, sa kabila ng masalimuot na proseso, na makapagbuo ng kanilang people’s proposal. Magsisilbong alternatibo ang mga ito dahil sa bukod sa participative ay in-city o near city ang relokasyon at maging ang usapin ng kabuhayan at pagsustini ng kanilang mga itatayong komunidad ay nakaplano na. Ito ngayon ang binabalewala at balak walisin ng mga demolisyon sa lokalidad (na may pampalubag-loob na 18,000 piso). Nagpapakita sa pagkakataong ito na ang sapilitang pagpapalikas sa mga tao, at pagtapon sa kanila sa mga offsite relocation, ay hindi seryoso ang gubyerno na talagang ugatin ang problema sa pabahay kundi ang pagbibigay lamang ng tapal tapal na lunas, na lalo lang magpapalala sa problema. Papayaman ang mga Mayayaman Ayon kay Cielito Habito, ang paglago ng pinagsamang yaman ng 40 pinakamayamang mga pamilya sa bansa na naiulat sa Forbes Asia na tumaas ng $13 Bilyon mula 2010-2011,ay katumbas ng halaga ng 76.5% n gating kabuuang GNP ng taong ding iyon. Datos na magpapakitang nominal na tumaas ng Php732 bilyon o $17 bilyon. Ayon pa rin sa Forbes, tumaas sa 11 ang bilang ng mga bilyonaryong Pilipino sa taong ito. Lumago pa ng di bababa sa $200 milyon hanggang $4.1 bilyon ang kabuuang yaman ng pinakamayayamang pamilya ng wala pang isang taon. Idinagdag din ng Forbes na halos 76% ng nominal na GDP ng bansa ay kita ng 40 pinakamalaking korporasyon sa bansa. 4P’s, Philhealth at ang Papataas na Gastos sa Araw-Araw Malamang kaysa hindi,ipinagmamalaki rin ni Pnoy ang mahigit tatlong milyong pinakamahirap na mga Pilipino,diumanoy napabuti ang pamumuhay dahil saPantawid Pamilyang Pilipino program na pinondohan ng gubyerno ng Php40 bilyon ngayong taong ito. Bagamat nakadagdag sa kita ng mga mahihirap na pamilya ang 4P’s pero mabilis din itong binawi sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Sadyang naging inutil ang neoliberal na gubyernong magampanan ang mandato nitong ireguleyt ang presyo ng mga bilihin para proteksyunan ang mga mamamayan nito. Ni hindi nito magawang protektahan ang mga mamamayan laban sa epekto ng rumaragasang implasyon. Dahil nga matapat na neoliberal,iisanabin nitong suspendihin ang VAT na ipinanukala ng mga lehislador. Mas lalong hindi nito ibabasura ang Oil Deregulation Law at Epira, at pagkaganid sa tubo ng mga monopolyo’t kartel sa langis at enerhiya. Mas malamang na hindi aaminin ni Pnoy sa kanyang talumpati na posibleng pagmulan ng kurapsyon ang 4Ps tulad ng pagkasangkapan na dito ng ilang pulitiko para sa pagpapatampok ng kanilang mga imahen at pagpapanatili ng isang ugnayang nakabatay sa sistemang patronahe. Gayundin, ang mga kundisyon na ipinatutupad kaugnay ng 4Ps ay may tendensyang magtulak sa mga benepisyaryo nito na maging palaasa sa limos at di produktibo. Nakakabahala na rin ang mga balitang may mga di karapat dapat na benepisyaryong di naman tunay na maralita. Noong Hunyo 21, pinirmahan ni Pnoy ang RA 10606 o ang National Insurance Act of 2013 na pinaprayoridad ang pangangalagang pangkalusugan ng mga kapuspalad, may sakit, may kapansanan, matatanda, kababaihan at kabataan, lalo na sa mga walang-wala. Sa ilalim ng batas, babalikatin na rin ng gubyerno ang premium ng Health Insurance ng mga mahihirap at informal sector. Dahil sinimulan ng isapribado ng gubyerno ang mga pampublikong ospital nito, wala ng pagpipilian pa ang mga pasyenteng maralita kundi ang magbayad ng tumaas na presyo ng mga pangkalusugang serbisyo nito. Nakakabahala maging sa mga may Philhealth ang ulat ng World Bank na nagsabing “umaabot na sa 83.5% ng kabuuang bayarin ang sinasagot ng mahihirap na pasyenteng may Health insurance. Kakapusan sa Bigas Ang bigas ay hindi karaniwang kalakal. Nagdadala ito ng sanga-sangang usaping pulitikal dahil pangunahing pagkain ito ng mga Pilipino. Ang kakapusan at tumataas na presyo nito ay tiyak na lilikha ng mga panlipunang tension. Sa kanyang pangangampanya, nangako si Pnoy na gagawin niyang Self-sufficient at taga-luwas pa ng bigas ang Pilipinas sa 2013,mula sa pagiging nangungunang taga-angkat nito sa buong mundo. Bagamat totoong may iniluluwas tayong special rice tulad ng bigas sa Ifugao, nagmahal pa rin ang bigas ng tatlong(3) piso bawat kilo. Sinabi ng department of Agriculture na talagang tumataas ang presyo ng giniling na bigas tuwing lean season(tag-salat) mula sa Hulyo hanggang Agosto. Sa kabilang banda,pinayapa naman ng National Food Authority ang publiko na walang kakapusan sa bigas dahil sapat ang suplay nito sa susunod na pitong(7) araw. Nakakabahala ang ganitong pahayag. Sintido-kumon ang nagtuturo sa atin na nililimita, kundi man pinipigil ng kasapatan sa bigas ang manipulasyon sa presyuhan nito ng mga mangangalakal o kartel dito. Mga mahihirap at maliliit na mamamayan lamang ang pumapasan ng epekto ng anumang pagtaas sa presyo ng bigas. Bago sila makapagluto,madalas na bumibili muna sila nito di tulad ng ibang may kakayahang makapag-imbak nito ng pang matagalan. Kampanya Laban sa Kurapsyon Sa wakas, matapos ang kapansin-pansing pagkaantala iniutos ni Pnoy ang isang lahatang panig, patas at walng kinikilingang imbestigasyon sa Php10 bilyong anomalyang kinasangkutan ng Pork Barrel ng limang senador at 23 miyembro ng kamara de representante. Matagal ng pinagsisigawan ng mamamayan ang pagtanggal sa Pork Barrel dahil batbat ito ng mga anomalya. Kina-kailangan ni Pnoy na pahupain ang tumitinding galit ng taumbayan. Tunay nakaduda-duda ang katapatan niyang sugpuin ang kurapsyon. Ipinagpatuloy nya ang Pork Barrel sa bagong ipinalit na pangalan nitong “Priority Development Assistance Fund’ (PDAF). Dagdag pa, hindi pa nga niya natatapos ang maraming kaso ng kurapsyon laban kay GMA at mga kasabwat nito. Ang ganitong tindig ni Pnoy ay lalo lamang makakapagpalala ng kurapsyon sa bansa. Wala siya talagang intension sugpuin, kundi bawasan lang ang labis na kurapsyon. Layunin lang niyang makalikom ng kita sa kanyang mga programang kontra-kurapsyon para di pumalya sa binabayarang utang ng bansa. Pribatisasyon Ipinakita ng mga pangyayari sa 2 konsesyunaryo sa tubig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System(MWSS), Maynilad, at Manila Water ang walang dudang pang matagalang epekto ng pribatisasyon bilang isa sa mga haliging program ng Neo-Liberalismo. Ipinapasa lamang di-umano ng Maynilad at Manila Water sa mga consumer ang dapat na binabayaran nitong mga Income Tax na umaabot ng Php15.5 bilyon mula 2008-2012 o Php3.1 bilyon bawat taon. Pinayagan kasi ng MWSS Regulatory Office ang dalawang konsesyunaryo na isama sa kanilang gastos sa operasyon ang halaga ng babayaran nilang Income Taxes na maaari nilang kubrahin muyla sa buwang bayarin ng kanilang consumer. Hindi pa dito kasama ang halaga ng nawawala sa dalawang kumpanya dahil sa Leak o pagnanakaw na ipinapasa din ng mga ito sa mga consumer. Nalagay sa kahihiyan ang programang pribatisasyon dahil sa mga paglalantad na ito sa MWSS. Dahil dito napatampok din ang kontra-mamamayang katangian ng Private-Public Partnership Project ni Pnoy. Karapatang Pantao Tunay na nakakadismaya rin ang tatlong taong record ni Pnoy sa karapatang pantao. Bagamat di naman kasing itim ng nakaraang rehimen ni GMA, nananatili itong di umaayon sa mga pahayag ni Pnoy at ng AFP at PNP na “Paggalang sa karapatang pantao” Ayon kay Peter Koeppinger,kinatawan ng Konrad Adenauer Stiftung; “ang Impunity Index”(listahan ng mga bansang talamak ang insedente ng pagpaslang sa mga mamamahayag na di naparusahan) na isinagawa ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ay naglagay sa Pilipinas sa pangatlo sa mga notoryus na bansa sa bilang ng mga di nalulutas na pagpaslang sa mga Jousnalit” sunod sa Iraq at Somalia.Sa Press Freedom Index na inilabas ng Reporters without Tears nitong 2013,pang-147 sa 179 mga bansa ang pilipinas. Pero higit pa nito, nagpapatuloy aang pagpaslang, sapilitang pagkawala, paag-aresto at pagdetini sa mga aktibista at mamamahayag mula sa ibat-ibang larangan ng adbokasiya mula sa pulitikal hanggang Environmental na mga usapin. Ito’y patuloy na pang-iinsulto aat inhustisya sapagkat wala pa ni isa man sa mga akusado sa EJK at ED mula sa 2001-2010 ang naaaresto. Ang pinaka-notoryus na sa kanila na si Maj.Gen Jovito Palparan ay nakalalaya pa rin kahimat siya’y naakusahan na sa kasong pagkawala ng dalawang estudyante ng UP. At ang di malilimutang si GMA na siya pang nagparangal kay Palparan bilang “Tagapagtanggol ng Demokrasya” ay nakakalaya parin at nahalal pa bilang Congresswoman. Malayong maipatupad ang mga ipinangako ni Pnoy na tatapusin nito ang mga kasong kinasasangkutan nina GMA, Nang kanyang Pamilya, at mga kasabwat sa Gubyerno. Ang proseso ng hustisya ay binarahan at patuloy na sinasagkaan magpahanggang ngayon. Hindi makakailang isa sa malaking humahadalang dito ay ang kabagalan at paurong-sulong ni Pnoy. Dahil dito, nakakalungkot na ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, pandaraya sa eleksyon, at mga kaso ng pagtataksil sa pagtitiwala sa publiko ay mauwi lang na dagdag datos sa malaon ng talamak na inhustisya laban sa ating mamamayan. ‘Peace and Order’ Ang institusyon ng kapulisan na ipinagbabanderang tagapagtanggol ng taumbayan ay patuloy na di na makaahon sa kumunoy ng sunod-sunod na mga krimen at iskandalo. Ang “rub-outs ay halos regular ng bahagi ng kanilang bust generation laban sa mga grupong criminal at mga sindikato, lalo na’t sangkot ang matataas nilang mga opisyal sa pagkandili at pagbibigay proteksyon sa mga ito. Lalong tumitindi ang parasitikong karakter ng institusyon sa paglipas ng panahon. Katunayan, ang mga gawi ng kapulisan ay lubha ng nagpapabigat sa panahon ng miserableng buhay ng maliliit nating mamamayan-mula inosenteng mga indibidwal,maliliit na criminal at mga testigo. ‘Peace Talks’ Nababanaag na ang isang kasunduang tatapos sa matagal ng digmaan sa Minadanao matapos lagdaan ng magkabilaang panig ng Gubyerno at ng Moro Islamic Liberation Front ang kasunduan sa hatian sa yaman nakalakip sa Framework Agreement on the Bangsamoro. Kapwa nagkasundo ang dalawang panig sa 50-50 pagkahati sa Fossils Fuels(petrolyo,natural gas, at coal) at Uranium. Dahil kapwa nag-oopereyt ang dalawang gubyerno sa ilalim ng isang kaayusang mala-kolonyal at malapyudal, inaasahang lalo pang bubuksan ng bagong kasunduan ang likas na yaman ng Mindanao sa pandarambong sa pamamagitan ng paglikhang muli ng isang paborableng klima para sa pamumuhunan. Malaon nang nakatanaw ang mga dayuhang puhunan sa mga lupaing ansestral ng mga moro. Alam ng US, sa particular, ang yamang natural gas ng Liguasan Marsh sing aga pa ng 1950. Batay sa kanya-kanyang pusisyon ng mga panig, malinaw na kung kani-kaninong interes magsisilbi ang pag-uusap pangkapayapaan. Mahirap hulaan kung simula na ito ng isang tunay at pangmatagalang kapayapaan, o ng isa na namang napipintong digmaan. Tuluyan na nga bang tatapusin ng kasunduan ang siklo ng kasaysayan ng Mindanao na di pa man natutuyo ang mga lagda sa kasunduan ay mayroon ng isang bagong armadong grupong lilitaw? Pagsuko ng Soberanya Muling kinumpirma ni Pnoy na walang soberanya ang Pilipinas. Nananatili pa rin itong isang Neo-Kolonya ng US at ang gubyerno nito’y mistulang tau-tauhan ng isang pabagsak na,ngunit napaka-agresibo pa ring superpower. Pag humiling ang US na magamit nito an gating katubigan, kalupaan at himpapawid para imonitor ang mga barko’t, eroplanong nagyayaot sa South China Sea, makapagtayo ng mga Virtual military bases, at malayang makadaong ang mga barko’t tropa nila, di na sila kailangang magdalawang salita. Cha-Cha Ang panawagang baguhin ang ating konstitusyon ay muli na namang binuhay sa gitna ng samo’t saring pagpuposisyon. Ang isang nagsasabing ilimit ang pagbabago sa mga probisyong pang-ekonomiko lamang. Isa namang kontra posisyon ang panukalang sapat na ang pag-alinsunod sa mga patakaran para humikayat ng mga dayuhang puhunan,di ang pagkutingting sa ating konstitusyon. Mayruon ding nagmumungkahi ng repormang pampulitika. Anupat nasaksihan naman nating inilantad nitong 3 taon ni Pnoy ang kapasidad at determinasyon ng kanyang gubyerno na suspendihin ang operasyon n gating batas(tulad ng pagbabawal sa ating konstitusyon sa pagtatayo ng mga base military ng US) para lang mapagbigyan ang kagustuhan ng kanyang imperial boss. Namaster na niya kung paano ikutan ang ating mga batas. Madali niyang balewalain ang kagustuhan at interes ng sarili niyang mamamayan at maging anti-demokratiko kung hinihingi ng tunay niyang boss, ang US. Mayroon man o walang Charter Change, ang malinaw na tunguhin ni Pnoy ay ibenta ang ating patrimonya at soberanya. Konklusyon Malaon nang naghihirap at nagtitiis ang sambayanang Pilipino. Matagal na nilang pinapangarap ang makalaya sa kahirapan. Inihalalal nila ang isang pamahalaang nangakong magiging kabaligtaran ng rehimeng hinalinhan ngunit nagpabaya at nag-urong sulong na iangat ang pamumuhay ng maraming naghihirap. Ang bantog na pahayag ni Pnoy na ang sambayanan ang tunay niyang Boss ay isa na ngayong malinaw na kasinungalingan. ### KILUSAN PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA (KILUSAN) Hulyo 22, 2013
Posted on: Mon, 22 Jul 2013 11:41:24 +0000

Trending Topics




© 2015