BABALA: PAKI-SUYONG BASAHIN NG ILANG ULIT AT INTINDIHING MAIGI ANG - TopicsExpress



          

BABALA: PAKI-SUYONG BASAHIN NG ILANG ULIT AT INTINDIHING MAIGI ANG MGA MENSAHENG NAKASULAT AT AGAD NA KUMILOS KAAYON SA NABASANG ULAT BAGO PA MAHULI ANG LAHAT. IPASKIL ITO UPANG MABASA NG LAHAT… SALAMAT PO… Nabubuhay Na Tayo sa “mgaHuling Araw”! MGA pagbabago sa dalawang larangan ang tutulong sa atin na matukoy ang tinatawag ng Bibliya na mga huling araw. Inihuhula ng Kasulatan ang mga pangyayaring magaganap sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Binabanggit din ng Bibliya ang mga pagbabago sa mga saloobin at pagkilos ng mga taong nabubuhay sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1. Ang mga pangyayari sa daigdig pati na ang paggawi at pag-uugali ng mga tao ay nagpapatunay na nabubuhay na nga tayo sa mga huling araw at na di-magtatagal, ang Kaharian ng Diyos ay magdudulot ng walang-hanggang mga pagpapala para sa mga umiibig sa Diyos. Simulan natin ang pagtalakay sa pamamagitan ng pagsusuri sa sinabi ni Jesus na tatlong pagkakakilanlan ng mga huling araw. “Pasimula ng mga Hapdi ng Kabagabagan” “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian,” ang sabi ni Jesus, “at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Idinagdag pa niya: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” (Mateo 24:7, Isa-isa nating suriin ang “mga bagay na ito.” Laksa-laksang tao ang pinaslang sa mga digmaan at alitan dahil sa lahi nitong nakalipas na siglo. “Ang mga biktima ng digmaan sa [ika-20] siglong ito ay tatlong beses ang dami kung ihahambing sa mga biktima ng lahat ng digmaan mula noong unang siglo AD hanggang 1899,” ang sabi ng isang ulat ng mga eksperto mula sa Worldwatch Institute. Sa kaniyang aklat na Humanity—A Moral History of the Twentieth Century, sumulat si Jonathan Glover: “Tinataya na mula noong 1900 hanggang 1989, 86 na milyon katao ang namatay sa digmaan. . . . Hindi mailarawan ang dami ng mga nasawi sa mga digmaan ng ikadalawampung siglo. Hindi magiging tumpak kung aalamin ang katamtamang bilang ng mga namatay, yamang mga dalawang-katlo (58 milyon) ng kabuuang bilang ay namatay noong dalawang digmaang pandaigdig. Pero kung hahati-hatiin ang bilang ng mga namatay na ito sa buong siglo, mga 2,500 katao ang namamatay araw-araw sa digmaan, iyan ay mahigit sa 100 katao bawat oras, walang hinto, sa loob ng siyamnapung taon.” Isip-isipin ang pighati at kirot na tiyak na naidulot nito sa milyun-milyong kamag-anak at kaibigan ng mga namatay! Sa kabila ng katotohanan na sagana ang produksiyon ng pagkain sa daigdig, ang mga kakapusan sa pagkain ay kasama sa mga pagkakakilanlan ng mga huling araw. Sinasabi ng mga mananaliksik na sa nakalipas na 30 taon, mas mabilis ang produksiyon ng pagkain kaysa sa pagdami ng populasyon. Gayunpaman, laganap ang kakapusan sa pagkain sa kalakhang bahagi ng daigdig dahil maraming tao ang walang sapat na lupa upang pagtamnan ng pagkain o sapat na perang pambili ng pagkain. Sa papaunlad na mga bansa, mga 1.2 bilyong tao ang nakararaos sa isang dolyar o wala pang isang dolyar (U.S.) bawat araw. Sa bilang na ito, mga 780 milyon ang dumaranas ng matinding gutom. Ayon sa World Health Organization, taun-taon, ang malnutrisyon ay isang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mahigit limang milyong bata. Ano naman ang masasabi tungkol sa inihulang mga lindol? Ayon sa U.S. Geological Survey, ang katamtamang bilang ng mga lindol na makasisira ng mga gusali ay 17 taun-taon mula noong 1990 pa lamang. Sa katamtaman, ang mga lindol na halos kayang magpabagsak ng buong mga gusali ay nagaganap nang minsan taun-taon. “Sa nakalipas na 100 taon, daan-daang libo ang namatay dahil sa mga lindol,” ang sabi ng isa pang reperensiya. Ang isang dahilan nito ay na mula noong 1914, mabilis dumami ang populasyon sa maraming lugar na nasa mga sona ng lindol. Iba Pang Kapansin-pansing mga Pangyayari ‘Magkakaroon ng mga salot sa iba’t ibang dako,’ ang sabi ni Jesus. (Lucas 21:11) Higit kailanman, malaki ang isinulong ng siyensiya ng medisina sa ngayon. Subalit patuloy pa ring sinasalot ng bago at dating mga sakit ang sangkatauhan. Ganito ang sinabi ng isang dokumento ng U.S. National Intelligence Council: “Dalawampung kilalang sakit—kasama na ang tuberkulosis (TB), malarya, at kolera—ang muling lumitaw o kumalat sa mas maraming lugar mula noong 1973, na kadalasa’y mas nakamamatay at hindi na tinatablan ng gamot. Di-kukulangin sa 30 sanhi ng sakit ang nakilala mula noong 1973, kasama na ang HIV, Ebola, hepatitis C, at Nipah virus, at wala pang natutuklasang panlunas sa mga ito.” Ayon sa isang ulat ng Red Cross noong Hunyo 28, 2000, noong 1999, ang bilang ng mga namatay sa nakahahawang mga sakit ay mga 160 beses ang dami kung ihahambing sa bilang ng mga namatay sa mga likas na kasakunaan. Ang “paglago ng katampalasanan” ay isa pang kapansin-pansing pagkakakilanlan ng mga huling araw. (Mateo 24:12) Sa maraming lugar sa lupa sa ngayon, hindi iniiwan ng mga tao ang kanilang mga bahay nang hindi nakakandado o hindi sila nakadarama na ligtas sila sa lansangan kapag gabi. At kumusta naman ang polusyon sa hangin, tubig, at lupa, na kadalasan nang resulta ng ilegal na mga gawain? Katuparan din ito ng inihula ng Bibliya. Binabanggit ng aklat ng Apocalipsis ang tungkol sa itinakdang panahon ng Diyos kung kailan ‘ipapahamak niya yaong mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18. Kung Ano ang Magiging Ugali ng mga Tao sa mga Huling Araw Pakisuyong buksan ang iyong Bibliya sa 2 Timoteo 3:1-5 at basahin ito. Sumulat si apostol Pablo: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Pagkatapos ay itinala niya ang 20 pag-uugali na makikita sa di-makadiyos na mga tao. Napapansin mo ba ang ilan sa mga pag-uugaling iyan sa mga naninirahan sa inyong komunidad? Isaalang-alang ang sinabi kamakailan hinggil sa mga tao sa ngayon. “Mga maibigin sa kanilang sarili.” (2 Timoteo 3:2) “Higit kailanman, mapilit [ang mga tao] na gawin ang gusto nilang gawin. [Sila] ay nag-aastang mga diyos, at inaasahan nila na tratuhin sila nang gayon.”—Financial Times, diyaryo sa Inglatera. “Mga maibigin sa salapi.” (2 Timoteo 3:2) “Kamakailan ay nadaig ng makasariling espiritu ng materyalismo ang espiritu ng pagiging simple. Malibang makita kang mayaman sa lipunan, hindi sulit ang mabuhay.”—Jakarta Post, diyaryo sa Indonesia. “Mga masuwayin sa mga magulang.” (2 Timoteo 3:2) “Palaisipan sa mga magulang na makita ang kanilang 4-na-taóng-gulang na anak na nag-uutos sa kanila na para bang siya si Louis XIV [hari ng Pransiya] o ang kanilang 8-taóng-gulang na anak na sumisigaw, ‘Ayoko sa iyo!’”—American Educator, magasin sa Estados Unidos. “Mga di-matapat.” (2 Timoteo 3:2) “Ang pagdami ng mga lalaking handang iwan ang kanilang mga kabiyak at anak ay marahil ang pinakamalaking pagbabago sa pamantayang moral sa [nakalipas na 40 taon].”—Wilson Quarterly, magasin sa Estados Unidos. “Mga walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:3) “Nangingibabaw ang karahasan sa pamilya sa pang-araw-araw na buhay sa mga pamayanan sa buong daigdig.”—Journal of the American Medical Association, magasin sa Estados Unidos. “Mga walang pagpipigil sa sarili.” (2 Timoteo 3:3) “Tuwing umaga, makikita sa maraming balita sa unang pahina ng diyaryo ang mga kaisipang nagpapaaninag ng kawalan ng pagpipigil sa sarili, kawalan ng paninindigan sa mga prinsipyo at kawalan ng awa sa kanilang kapuwa at maging sa kanilang sarili. . . . Kung patuloy na sasang-ayunan ng ating lipunan ang pagiging agresibo gaya ng nangyayari sa ngayon, di-magtatagal at lubusan nang malilipol ang pamantayang moral ng ating lipunan.”—Bangkok Post, diyaryo sa Thailand. “Mga mabangis.” (2 Timoteo 3:3) “Ang di-makatuwirang galit at di-makontrol na pagngangalit [ay] nakikita sa mga nagmamaneho, sa mga pag-abuso sa loob ng pamilya, . . . at [sa] lumilitaw na di-makatarungan at walang-kabuluhang karahasan na madalas na may kaakibat na krimen. Nagaganap ang karahasan nang biglaan at di-inaasahan at dahil dito, nagiging manhid ang mga tao at walang kalaban-laban.”—Business Day, diyaryo sa Timog Aprika. “Mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:4) “Ang pagiging liberal sa sekso ay naging isang kalakaran sa moral, kung saan kaaway nito ang Kristiyanong moralidad.”—Boundless, isang reperensiya sa Internet. “May anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”(2 Timoteo 3:5) “Sinabi ng [isang dating patutot sa Netherlands] na ang pagsalansang sa pagiging legal [ng prostitusyon] ay pangunahin nang nagmumula sa mga relihiyosong grupo. Huminto siya sandali at saka pangiting sinabi na noong siya’y isang patutot, regular na mga kliyente niya ang ilang [relihiyosong] ministro. ‘Palaging sinasabi ng mga patutot na ang pinakamahusay nilang mga kliyente ay nagmumula sa relihiyosong komunidad,’ ang sabi niya sabay tawa.”—National Catholic Reporter, diyaryo sa Estados Unidos. Ano ang Mangyayari sa Hinaharap? Napakagulo ng daigdig sa ngayon, gaya ng inihula ng Bibliya. Subalit may positibo namang pangyayari na makikita sa hula hinggil sa “tanda ng . . . pagkanaririto [ni Kristo] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 24:3, 14) Ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipinangangaral sa mahigit 230 lupain. Mahigit anim na milyon katao na nagmula sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang aktibong nakikibahagi sa gawain ng paghahayag ng Kaharian. (Apocalipsis 7:9) Ano na ang naisakatuparan ng kanilang masigasig na gawain? Ito iyon: Ang mensahe kung ano ang Kaharian, kung ano ang gagawin nito, at kung paano tatanggap ng mga pagpapala nito ay maaaring malaman ng halos lahat ng nasa lupa. Sa katunayan, ‘ang tunay na kaalaman ay naging sagana sa panahon ng kawakasan.’—Daniel 12:4. Dapat mong makuha ang kaalamang ito. Isaalang-alang kung ano ang mangyayari kapag naipangaral na ang mabuting balita sa antas na nais ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa panahong iyon, aalisin na ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa lupa. Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 2:22: “Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” Ano naman ang gagawin kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo? Sila ay ihahagis sa kalaliman, kung saan hindi na nila maililigaw pa ang mga bansa. (Apocalipsis 20:1-3) Pagkatapos, “ang mga matuwid . . . at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan” sa lupa. At matatamasa nila ang kamangha-manghang mga pagpapala ng Kaharian.—Kawikaan 2:21; Apocalipsis 21:3-5. Ano ang Maaari Mong Gawin? Walang-alinlangang matutupad ito. Napakalapit na ng kawakasan ng sistema ni Satanas. Ang mga nagwawalang-bahala sa ebidensiya na nabubuhay na tayo sa mgahuling araw ay hindi magiging handa kapag dumating ang wakas. (Mateo 24:37-39; 1 Tesalonica 5:2) Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.”—Lucas 21:34-36. Yaon lamang may sinang-ayunang katayuan sa harap ng Anak ng tao, si Jesus, ang magkakaroon ng pag-asang makaligtas sa kawakasan ng sistemang ito ng mga bagay. Napakahalaga nga na gamitin natin ang natitirang panahon upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo! Sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung gayon, isang katalinuhan para sa iyo na pag-aralan pa nang higit ang tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga kahilingan. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad na tulungan kang maunawaan ang itinuturo ng Bibliya. Magiliw ka naming inaanyayahan na makipag-ugnayan sa kanila o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. MGA PAGKAKAKILANLAN NG MGA HULING ARAW MALALAKING PANGYAYARI: ▪ Mga digmaan.—Mateo 24:6, 7. ▪ Mga kakapusan sa pagkain.—Mateo 24:7. ▪ Mga lindol.—Mateo 24:7. ▪ Mga salot.—Lucas 21:11. ▪ Paglago ng katampalasanan.—Mateo 24:12. ▪ Pagpapahamak sa lupa.—Apocalipsis 11:18. MGA TAO: ▪ Mga maibigin sa kanilang sarili.—2 Timoteo 3:2. ▪ Mga maibigin sa salapi.—2 Timoteo 3:2. ▪ Mga palalo.—2 Timoteo 3:2. ▪ Mga masuwayin sa mga magulang.—2 Timoteo 3:2. ▪ Mga walang utang-na-loob.—2 Timoteo 3:2. ▪ Mga di-matapat.—2 Timoteo 3:2. ▪ Mga walang likas na pagmamahal.—2 Timoteo 3:3. ▪ Mga walang pagpipigil sa sarili.—2 Timoteo 3:3. ▪ Mga mabangis.—2 Timoteo 3:3. ▪ Mga maibigin sa mga kaluguran.—2 Timoteo 3:4. ▪ Mga nagkukunwaring relihiyoso.—2 Timoteo 3:5. MGA TUNAY NA MANANAMBA: ▪ May saganang kaalaman.—Daniel 12:4. ▪ Nangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig.—Mateo 24:14. DAPAT NATING PALAGIANG GAMITIN O SALITAIN ANG PANGALAN NG PINAKA-MAKAPANGYARIHANG DIYOS SA LAHAT. Ang pangalan ng kataas-taasang Diyos ay si JEHOVA – Awit 83:18 Tanging ang Ama lamang ni Jesus na si JEHOVA ang dapat nating sambahin, dalanginan, at bigyan ng bukod-tanging debosyon. – Mateo 4:10 Mahalagang alam natin ang pangalan ng Diyos, pero dapat din nating gamitin ito. Bakit? Dahil sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni JEHOVA ay maliligtas.”—Roma 10:13; Joel 2:32. May Pangalan ba ang Diyos? Karaniwang sagot: ▪ “Panginoon ang pangalan niya.” ▪ “Wala siyang personal na pangalan.” Ano ang sinabi ni Jesus? ▪ “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’” (Mateo 6:9) Naniniwala si Jesus na ang Diyos ay may pangalan. ▪ “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.” (Juan 17:26) Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos. ▪ “Hindi na ninyo ako makikita sa anumang paraan hanggang sa inyong sabihin, ‘Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova.’” (Lucas 13:35; Awit 118:26) Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos. SINASABI mismo sa atin ng Diyos ang kaniyang pangalan. Mababasa nating sinabi niya: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”* (Isaias 42:8) Sa wikang Tagalog, ang pangalang Jehova ang pinakakilalang anyo ng pangalang Hebreo na ibinigay mismo ng Diyos sa kaniyang sarili. Baka magulat ka kapag nalaman mo na ang natatanging pangalang ito sa wikang Hebreo ay lumilitaw nang libu-libong ulit sa sinaunang mga manuskrito ng Bibliya. Sa katunayan, mas madalas itong lumitaw kaysa sa anumang pangalang binabanggit sa Bibliya. Kapag tinanong ang ilan, “Ano ba ang pangalan ng Diyos?” baka ang isagot nila ay “Panginoon.” Ang totoo, walang ipinagkaiba iyan kung ang sagot sa tanong na “Sino ang nanalo sa eleksiyon?” ay “ang kandidato.” Parehong hindi malinaw ang sagot yamang ang “Panginoon” at “kandidato” ay hindi mga pangalan. Bakit isiniwalat sa atin ng Diyos ang kaniyang pangalan? Ginawa niya iyon para lalo natin siyang makilala. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring tawaging Sir, Boss, Itay, o Lolo, depende sa situwasyon. May isinisiwalat ang mga titulong ito hinggil sa kaniya. Pero ang personal na pangalan niya ang nagpapaalaala sa atin ng lahat ng bagay na alam natin tungkol sa kaniya. Gayundin naman, sa pamamagitan ng mga titulong gaya ng Panginoon, Makapangyarihan-sa-lahat, Ama, at Maylalang, naiisip natin ang iba’t ibang paraan kung paano kumikilos ang Diyos. Pero tanging ang personal niyang pangalang Jehova ang nagpapaalaala sa atin ng lahat ng bagay na nalalaman natin tungkol sa kaniya. Paano mo talaga makikilala ang Diyos kung hindi mo alam ang pangalan niya? Para sa paliwanag sa kahulugan ng pangalan ng Diyos, pati na kung bakit wala ito sa ilang bersiyon ng Bibliya, maaari mong tingnan ang jw.org Ang isang tao ay maaaring tawaging Sir, Boss, Itay, o Lolo, depende sa situwasyon. Pero ang personal na pangalan niya ang nagpapaalaala sa atin ng lahat ng bagay na nalalaman natin tungkol sa kaniya Handa Ka Na ba sa Araw ni Jehova? “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.”—ZEFANIAS 1:14. ANG dakilang araw ni Jehova ay hindi 24 oras lamang. Mas mahabang yugto ito ng panahon kung kailan ilalapat ng Diyos ang kaniyang kahatulan sa masasama. May dahilang matakot ang mga taong hindi makadiyos sa araw na ito ng kadiliman, poot, maapoy na galit, kabagabagan, at pagkatiwangwang. (Isaias 13:9; Amos 5:18-20; Zefanias 1:15) “Sa aba ng araw na iyon,” ang sabi ng hula ni Joel, “sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at iyon ay darating na gaya ng pananamsam mula sa Makapangyarihan-sa-lahat!” (Joel 1:15) Gayunman, sa dakilang araw na iyon, ang Diyos ay magiging Tagapagligtas ng mga “matapat ang puso.”—Awit 7:10. Ang pananalitang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa paglalapat ng hatol ng Diyos sa iba’t ibang pagkakataon. Halimbawa, dumating ang “araw ni Jehova” sa mga naninirahan sa Jerusalem nang gamitin ni Jehova ang Babilonya upang ilapat ang kaniyang hatol noong 607 B.C.E. (Zefanias 1:4-7) Isang nakakatulad na paglalapat ng hatol ng Diyos ang nangyari noong 70 C.E. nang gamitin ng Diyos ang mga Romano upang isagawa ang hatol sa bansang Judio na nagtakwil sa kaniyang Anak. (Daniel 9:24-27; Juan 19:15) Inihula rin ng Bibliya ang hinggil sa “araw ni Jehova” kung kailan ‘makikipagdigma siya laban sa lahat ng mga bansa.’ (Zacarias 14:1-3) Sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos, iniugnay ni apostol Pablo ang araw na iyon sa pagkanaririto ni Kristo, na nagsimula nang iluklok si Jesus bilang Hari sa langit noong 1914. (2 Tesalonica 2:1, 2) Ipinakikita ng mga katibayan sa paligid natin na napakalapit na ng araw ni Jehova, kaya naman angkop na angkop ang taunang teksto ng mga Saksi ni Jehova noong 2007. Halaw ito sa Zefanias 1:14, na nagsasabi: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na.” Yamang malapit na ang dakilang araw ng Diyos, ngayon na ang panahon para maginghanda. Paano ka magiging handa para sa araw na iyon? May dapat ka bang baguhin sa iyong sarili upang maging handa sa araw ni Jehova? Maging Handa Sa kaniyang hula tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay, sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Maging handa . . . kayo.” (Mateo 24:44) Nang sabihin iyan ni Jesus, siya mismo ay handa na para sa matinding pagsubok—ang mamatay bilang haing pantubos. (Mateo 20:28) Ano ang ginawa ni Jesus para maging handa siya at ano naman ang matututuhan natin dito? Buong-pusong iniibig ni Jesus si Jehova at ang Kaniyang matuwid na mga pamantayan. Tungkol kay Jesus, sinasabi ng Hebreo 1:9: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan. Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng pagbubunyi na higit kaysa sa iyong mga kasamahan.” Sapagkat iniibig ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama, nanatili siyang tapat sa Kaniya. Kung iniibig din natin nang gayon ang Diyos at namumuhay tayo ayon sa kaniyang mga kahilingan, iingatan niya tayo. (Awit 31:23) Ang gayong pag-ibig at pagkamasunurin ay tutulong sa atin na maging handa sa dakilang araw ni Jehova. Litaw na litaw na katangian din ni Jesus ang pag-ibig sa mga tao. Sa katunayan, “nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Kaya naman ipinangaral ni Jesus ang mabuting balita sa mga tao, at pag-ibig din ang nag-uudyok sa atin na ipahayag ang mensahe ng Kaharian sa ating kapuwa. Ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa ay tumutulong sa atin na manatiling aktibo bilang mga ministrong Kristiyano at maging handasa dakilang araw ni Jehova.—Mateo 22:37-39. Nalulugod si Jesus na gawin ang kalooban ni Jehova. (Awit 40:8) Kung gayundin ang ating saloobin, magagalak tayong mag-ukol sa Diyos ng sagradong paglilingkod. Tulad ni Jesus, magiging bukas-palad tayo, at talagang makapagpapaligaya ito sa atin. (Gawa 20:35) Oo, “ang kagalakan kay Jehova ang [ating] moog.” Dahil sa kagalakang iyan, magiging mas handa tayo sa dakilang araw ng Diyos.—Nehemias 8:10. 8 Nakatulong kay Jesus ang marubdob na pananalangin sa Diyos upang maging handasa mga pagsubok sa pananampalataya. Nananalangin siya habang binabautismuhan siya ni Juan. Magdamag na nanalangin si Jesus bago siya pumili ng kaniyang mga apostol. (Lucas 6:12-16) At sino namang mambabasa ng Bibliya ang hindi maaantig sa marubdob na mga panalangin ni Jesus noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa? (Marcos 14:32-42; Juan 17:1-26) Madalas ka bang manalanging gaya ni Jesus? Laging lumapit kayJehova, huwag magmadali sa pananalangin, hingin ang patnubay ng banal na espiritu, at tanggapin agad ang patnubay na inilalaan nito. Napakahalagang magkaroon tayo ng matibay na kaugnayan sa ating makalangit na Ama sa mapanganib na panahong ito kung kailan mabilis na dumarating ang dakilang araw ng Diyos. Kaya huwag mag-atubiling patuloy na lumapit kay Jehova sa panalangin.—Santiago 4:8. Nakatulong kay Jesus na maging handa sa mga pagsubok ang pagnanais niyang mapabanal ang banal na pangalan ni Jehova. Sa katunayan, tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na isama sa kanilang mga panalangin sa Diyos ang kahilingang ito: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Kung talagang gusto nating pakabanalin ang pangalan ni Jehova, sisikapin nating iwasan ang paggawa ng anumang bagay na makasisira dito. Bunga nito, magiging mas handa tayo sa dakilang araw niJehova. May Dapat Ka Bang Baguhin sa Iyong Sarili? Kung darating na bukas ang araw ni Jehova, talaga bang handa ka na? Makabubuting suriin ng bawat isa sa atin ang kaniyang sarili upang alamin kung may anumang paggawi o saloobin na kailangan niyang baguhin. Dahil maikli at walang-katiyakan ang kasalukuyang buhay ng tao, kailangang maging alisto ang bawat isa sa atin kung paano natin mapatitibay at mapananatili ang ating kaugnayan kay Jehova araw-araw. (Eclesiastes 9:11, 12; Santiago 4:13-15) Kaya isaalang-alang natin ang ilang bagay na kailangang bigyang-pansin sa ating buhay. Isang mahalagang bagay na kailangan nating bigyang-pansin ay ang payo ng ‘tapat na alipin’ na basahin ang Bibliya araw-araw. (Mateo 24:45) Maaari mong gawing tunguhin na basahin at bulay-bulayin ang Kasulatan mula Genesis hanggang Apocalipsis sa loob ng isang taon. Kung magbabasa ka ng mga apat na kabanata sa isang araw, mababasa mo ang 1,189 na kabanata ng Bibliya sa isang taon. Dapat basahin ng bawat hari ng Israel ang Kautusan ni Jehova “sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” Maliwanag, gayundin ang ginawa ni Josue. (Deuteronomio 17:14-20; Josue 1:7, Napakahalaga nga na basahin ng mga pastol, o elder sa kongregasyon, ang Salita ng Diyos araw-araw, sapagkat tutulong ito sa kanila na ibahagi ang “nakapagpapalusog na turo”!—Tito 2:1. Yamang malapit na ang araw ni Jehova, dapat itong magpakilos sa iyo na regular na dumalo sa mga pulong Kristiyano at lubusang makibahagi sa mga ito hangga’t maaari. (Hebreo 10:24, 25) Makatutulong ito para mapasulong mo ang iyong mga kasanayan bilang tagapaghayag ng Kaharian na nagsisikap hanapin at tulungan ang mga wastong nakaayon sa buhay na walang hanggan. (Gawa 13:48) Marahil puwede kang maging mas aktibo sa kongregasyon sa iba pang paraan, gaya ng pagtulong sa mga may-edad na at pagpapasigla sa mga kabataan. Talaga ngang makapagpapaligaya sa iyo ang mga gawaing ito! Ang Iyong Kaugnayan sa Iba Yamang napipinto na ang araw ni Jehova, kailangan mo bang dagdagan ang iyong pagsisikap upang “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat”? (Efeso 4:20-24) Habang sinisikap mong linangin ang makadiyos na mga katangian, malamang na mapapansin ng iba na ikaw ay ‘lumalakad ayon sa espiritu ng Diyos’ at nagpapakita ng mga bunga nito. (Galacia 5:16, 22-25) May masasabi ka bang espesipikong mga bagay na ginagawa mo at ng iyong pamilya upang ipakitang nagbihis na kayo ng bagong personalidad? (Colosas 3:9, 10) Halimbawa, kilala ka ba sa pagpapakita ng kabaitan sa mga kapananampalataya at sa iba? (Galacia 6:10) Tutulong sa iyo ang regular na pag-aaral ng Bibliya upang malinang mo ang makadiyos na mga katangiang maghahanda sa iyo sa araw ni Jehova. Paano kung mainitin ang iyong ulo at natanto mong kailangan mo ng higit pang pagpipigil sa sarili? Matutulungan ka ng banal na espiritu ng Diyos na malinang ang katangiang ito na isa sa mga bunga ng espiritu. Kaya manalangin para sa banal na espiritu, kaayon ng pananalita ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo. . . . Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”—Lucas 11:9-13. Paano kung may nakagalit kang isang kapananampalataya? Kung gayon, gawin ang lahat ng magagawa mo para magkasundo kayo, sa gayo’y itinataguyod ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon. (Awit 133:1-3) Ikapit ang payo ni Jesus sa Mateo 5:23, 24 oMateo 18:15-17. Kung hinahayaan mong abutan ng paglubog ng araw ang iyong galit, ituwid agad ito. Kadalasan nang kailangan lamang ang pagiging handang magpatawad. Sumulat si Pablo: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.”—Efeso 4:25, 26, 32. Kailangan ng mga mag-asawa ang magiliw na pagkamahabagin at, kung minsan, ng pagpapatawad pa nga. Kung kinakailangan mong maging higit na maibigin at mahabagin sa iyong asawa, magsikap na gawin ito sa tulong ng Diyos at ng kaniyang Salita. May kailangan ka bang gawin upang masunod mo ang 1 Corinto 7:1-5 para bumuti ang ugnayan ninyo bilang mag-asawa at maiwasan ang pagtataksil? Tiyak na isa itong aspekto ng buhay na humihiling sa asawang lalaki o babae na maging “mahabagin na may paggiliw.” Paano kung nagkasala ka nang malubha? Gumawa ng mga hakbang upang ituwid ang kalagayan sa lalong madaling panahon. Huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa Kristiyanong mga elder. Makatutulong ang kanilang mga panalangin at payo para mapanauli ang iyong espirituwal na kalusugan. (Santiago 5:13-16) Manalangin kay Jehova at ipakita ang iyong pagsisisi. Kung hindi mo ito gagawin, maaari kang makonsensiya at hindi patahimikin ng iyong budhi. Iyan ang naranasan ni David, ngunit para siyang nabunutan ng tinik matapos niyang ipagtapat kay Jehova ang kaniyang kasalanan! Sumulat si David: “Maligaya siya na ang kaniyang pagsalansang ay pinagpapaumanhinan, na ang kaniyang kasalanan ay tinatakpan. Maligaya ang tao na sa kaniya ay hindi nagpapataw ng kamalian si Jehova, at sa kaniyang espiritu ay walang panlilinlang.” (Awit 32:1-5) Pinatatawad ni Jehova ang mga nagkakasala na taimtim na nagsisisi.—Awit 103:8-14; Kawikaan 28:13. Manatiling Hindi Bahagi ng Sanlibutan Tiyak na inaasam-asam mo ang napakagandang bagong sanlibutan na ipinangako ng ating makalangit na Ama. Kung gayon, ano ang dapat na maging pananaw mo sa sanlibutan—ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos? Si Satanas, “ang tagapamahala ng sanlibutan,” ay walang kapangyarihan kay Jesu-Kristo. (Juan 12:31; 14:30) Tiyak na hindi mo gugustuhing magpadaig sa kapangyarihan ng Diyablo at ng kaniyang sanlibutan, kaya dapat mong sundin ang pananalita ni apostol Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan.” Iyan ang matalinong landasin, sapagkat “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:15-17. Tinutulungan mo ba ang iyong mga anak na ‘ingatan ang kanilang sarili na walang batik mula sa sanlibutan’? (Santiago 1:27) Gusto ni Satanas na bingwitin na parang isda ang iyong mga anak. Iba’t ibang samahan at organisasyon ang dinisenyo upang hikayatin ang mga kabataan na maging bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Pero ang mga lingkod niJehova ay kabilang na sa tanging organisasyong maliligtas sa katapusan ng masamang sistemang ito ng mga bagay. Kaya dapat pasiglahin ang mga kabataang Kristiyano na maging abala “sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Kailangang tulungan ng makadiyos na mga magulang ang kanilang mga anak na magtakda ng mga tunguhing magbibigay sa kanila ng maligaya at kasiya-siyang buhay na nagpaparangal sa Diyos at tumutulong sa kanila na maging handa sa araw ni Jehova. Asamin ang Magaganap Pagkatapos ng Dakilang Araw ni Jehova Mahihintay mo ang araw ni Jehova nang may kapanatagan kung lagi mong isasaisip ang pag-asang buhay na walang hanggan. (Judas 20, 21) Inaasam-asam mong mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso, anupat may pag-asa kang muling lumakas at sumigla na gaya ng isang kabataan. May panahon ka na rin para abutin ang iyong kapaki-pakinabang na mga tunguhin at matuto nang higit pa tungkol kay Jehova. Talagang maaari kang matuto tungkol sa Diyos magpakailanman sapagkat ang alam lamang ng mga tao sa ngayon ay ang “mga gilid ng kaniyang mga daan.” (Job 26:14) Tunay ngang kapana-panabik na pag-asa iyan! Sa Paraiso, maikukuwento na sa atin ng mga bubuhaying-muli ang ilang bagay na hindi natin alam tungkol sa nakaraan. Naroroon si Enoc para ipaliwanag kung paano siya nagkaroon ng lakas ng loob upang ihayag ang mensahe ni Jehova sa mga taong di-makadiyos. (Judas 14, 15) Tiyak na ikukuwento ni Noe kung paano niya ginawa ang arka. Masasabi rin nina Abraham at Sara kung ano ang nadama nila nang iwan nila ang mga kaalwanan ng Ur at kung paano sila nanirahan sa mga tolda. Gunigunihin ang mga detalyeng sasabihin ni Esther kung paano niya pinrotektahan ang kaniyang mga kababayan at binigo ang pakana ni Haman laban sa kanila. (Esther 7:1-6) Isip-isipin din ang ikukuwento ni Jonas tungkol sa mga nangyari sa kaniya sa tiyan ng malaking isda sa loob ng tatlong araw o ang sasabihin ni Juan na Tagapagbautismo hinggil sa nadama niya nang bautismuhan niya si Jesus. (Lucas 3:21, 22; 7:28) Napakarami nga nating matututuhang kawili-wiling mga bagay! Sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, maaari kang magkapribilehiyo na turuan ang mga bubuhaying-muli ng “mismong kaalaman ng Diyos.” (Kawikaan 2:1-6) Sa ngayon, nalulugod tayong makita ang mga tao na kumukuha ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at ikinakapit ito sa kanilang buhay! Pero tiyak na mas magagalak ka sa hinaharap kapag pinagpala ni Jehova ang iyong mga pagsisikap na turuan ang mga tao na nabuhay noong matagal nang panahon at may-pagpapahalaga silang tumugon! Hindi natin kayang bilangin o sukatin ang mga pagpapalang tinatanggap natin ngayon bilang bayan ni Jehova. (Awit 40:5) Nagpapasalamat tayo lalo na sa espirituwal na mga paglalaan ng Diyos. (Isaias 48:17, 18) Anuman ang ating kalagayan, buong-puso tayong mag-ukol ng sagradong paglilingkod habang hinihintay natin ang dakilang araw ni Jehova.
Posted on: Mon, 07 Oct 2013 16:04:23 +0000

Trending Topics




© 2015