BEER Sa dami ng mga nanalo at natalong kandidatong chairman at - TopicsExpress



          

BEER Sa dami ng mga nanalo at natalong kandidatong chairman at kagawad sa nakaraang barangay elections, tiyak na umaagos pa hanggang ngayon sa napakaraming lugar ang masarap na golden liquid na kung tawagin ay beer. Beer ang paborito ng Pinoy kapag nagsasaya kasama ang barkada. Kapag may natamo, nanalo, nakamtan, o simpleng nagsasaya lang, beer, kakambal ang beer. Ito rin ang inumin ng mga nalulungkot at nais mapag-isa. Kapag natalo, nabasted, bumagsak, nasisante, naiwan, o simpleng may nami-miss lamang, beer pa rin ang kasama. Kung may beer sa maliliit na tunggalian gaya ng nakaraang barangay elections, mas lalo sa mga malalaking labanan. Sa maniwala kayo at hindi, maski sa digmaan, wala ring tigil ang pagdaloy ng beer sa lalamunan ng lahat. Noong World War II, regular na kasama ang beer sa rasyon ng sundalo – Amerikano man o Hapon. Hindi lang kasi pampasaya ang beer, nakakapula rin ng hasang at pampatapang ito. Tanggal ang pagod. Isa pa, hindi mo gaanong mararamdaman ang kagat ng lamok kapag kargado ka ng beer. Kaya sa paglusob ng Japanese Imperial Army sa Pilipinas noong World War II, isa ang Balintawak Beer Brewery sa Valenzuela, Bulacan sa mga una nilang pinuntirya at inari. Hindi na alam ng mga bata ang Balintawak Beer Brewery. Pero tiyak na alam nila ang “BBB” dahil nasa signboard pa ito ng mga jeepney na pumapasada roon. Ang “BBB” ay planta na ngayon ng San Miguel Brewery sa may dakong Monumento. Kahit pa pag-aari rin ng Hapon bago pa man magkadigma, ang Balintawak Beer Brewery o BBB ay kinumpiska ng Japanese Imperial Army para tustusan ang mahigpit na pangangailangan ng mga sundalong Hapon sa “biru”. Natapos lang ang masasayang araw ng pag-“kampai” ng mga Hapon nang dumating ang mga Amerikano noong 1945. Siyempre, isa sa mga inuna ng Kano ang BBB. Sa tulong mga gerilyang Bulakenyo, buong tapang na pinasok ng mga sundalong Kano ang planta ng beer. Pare-pareho silang lumabas na masaya, gumegewang, at bitbit ang mga helmet na umaapaw sa beer. Kakaiba ang kuwento ng San Miguel Brewery, ang pinakaunang brewery sa South-East Asia, na nakapuwesto noon sa San Miguel district ng Maynila (katabi ng Malacañang). Ipinasara ito bago pa man pumutok ang World War II. Sumama sa digmaan ang SMC president, si Don Andres Soriano, bilang koronel at aide ni Gen. Douglas “I Shall Return” MacArthur. Naka-padlock ang San Miguel Brewery nang dumating ang mga Hapon sa Maynila. Ginawa na lang nila itong headquarters at bodega. Pero sa gitna ng malawakang bombahan na pumatag sa Kamaynilaan noong Liberation, nanatiling nakatayo ang mga building sa San Miguel district, kasama ang Malacañang Palace at San Miguel Brewery. Hindi ito dahil sa matibay ang mga gusali roon. Sinasabing ipinakiusap ni Col. Andres Soriano kay Gen. MacArthur na huwag sirain ng US Forces ang lugar. Kaya, sa halip na bombahin at kanyunin ang mga Hapon, ipinag-utos ni Eighth US Cavalry Captain Emery Hickman ang isang fixed bayonet attack. Naging matagumpay ang atake at maraming Hapon ang nalipol. Nadiskubreng pasikreto palang pinaandar ng Hapon ang planta ng beer ng San Miguel Brewery. Nang buksan umano ang mga drum, bumulwak ang beer sa sahig at nagbaha nang may isang talampakan ang lalim. Nagsidapa ang mga Kano hindi para mag-“take cover” kundi para higupin at lumangoy sa beer. Para hindi masa­yang, ipinansalok ng iba ang kanilang helmet. Mula sa baha, isang pitsel ng beer umano ang ininom nina Gen. Douglas MacArthur at Gen. William Curtis Chase kasama ang mga tropa. Pero hindi lang pala mga sundalong Kano ang nag-happy-happy noon. Umagos ang baha ng beer palabas ng brewery. Automa­tic, naglabasan ang isang libo at isang laksang balde ng Pilipinong manginginom, ipinipingga ng iba ang beer pauwi. Sa araw na iyon, ika-3 ng Pebrero 1945, nalasing sa libreng beer ang mamamayan ng buong distrito ng San Miguel. Sama-sama at tulung-tulong nilang isinara ang planta ng beer (ng Hapon). more opinion... m.abante.ph/issue/nov2013/19op_tg.htm#.Uov8TY4azCQ
Posted on: Wed, 20 Nov 2013 00:22:49 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015