FAMILIARS ------------------- Chapter 2: “Althea” Naka - TopicsExpress



          

FAMILIARS ------------------- Chapter 2: “Althea” Naka ngalumbaba ako habang pinapatalbog ang kabilang dulo ng ballpen sa isang notebook. Sa harap ko ay monitor ng computer na ipinapakita ang mga findings ng autopsy ko sa iba pang mga biktima ng kasalukuyang kaso. May pagkakapareha ang mga biktimang ito, lahat sila ay brutal na pinatay, bukod dito ay wala na silang iba pang pagkakapareha. Magkakaiba sila ng trabaho, magkakalayo ng tirahan at hindi sila magkakakilala. Wala akong ideya kung ano ang pumatay sa kanila, pero alam kong hindi ito tao. Posible kayang aswang? Pero birhen pa ang mga babaeng ito. Sumandal ako sa sandalan ng aking upuan at tumingin sa labas ng bintana. Kinagat ko ang dulo ng ballpen. Madilim at tahimik ang gabi. Sa malayo, natatanaw ko ang bilog na buwan na bahagyang natatakpan ng ulap at mga dahon-dahon ng mga puno. Bigla kong naalala ang mga kwento ng mga tao noong bata pa kaming magkapatid, na may isang barko daw ng aswang ang pumunta dito sa maynila. Pinagtawanan lang namin yun na siya namang naging dahilan upang pagsabihan kami ng aming lola. Tahimik lang kaming naka upo at naka tingin sa sahig. Pag talikod ng lola ay humaharap ako kay Micah, sabay bulong ng “Raaawr”, at sabay kaming mag tatawanan ulit ng mahina, tapos kagat sa mga labi at tingin ulit sa sahig pag harap ni lola samin. Titingin siya samin na pinapaliit ang mga mata na kunyari ay galit, at sasabihing “Ang kukulit niyo talagang dalawa kayo...” sabay mag tatawanan kaming tatlo pagkatapos at yayakapin namin siya. Maaga nawala ang mga magulang namin dahil sa isang car accident, pauwi sila galing trabaho ng mabangga ng bus ang kotseng sinasakyan nila, na agad naman nilang ikinamatay. Lubos na dinamdam ni lola ang pagkamatay ng aming mga magulang, lalo na ang tatay namin. At sa mahabang panahon, lola na namin ang nag aruga at nag palaki samin. Sa probinsya na tumanda ang lola namin, kaya naman lumaki kami sa mga kwento niya tungkol sa mga aswang, multo at sa iba pang kababalaghan sa mundo. Alam niya din ang tungkol sa aming espesyal na abilidad, lagi niyang pinapaalala samin na biyaya ito galing sa taas na dapat naming gamitin para makatulong sa kapwa, at hindi namin to dapat katakutan... May kumatok ng dalawang beses sa pinto sabay bumukas ito. Tumingin ako sa may pinto. “Mam, na-prep na po for autopsy ang biktima.” ang sabi ng isang miyembro ng SoCo na babae. “Sige, sunod nako dun. Salamat” tugon ko sa kanya. “Welcome po.” sabay sarado ng pinto. Tumingin ulit ako sa monitor at naalala ko na may sinisiyasat nga pala ako. Tumingin ako sa notebook at sinarado ko ito. Tumayo ako at ibinulsa ang ballpen. Bitbit ang notebook, naglakad nako palabas ng silid... Habang naglalakad ako sa hallway ay nakatingin ako sa sahig at iniisip pa din yung mga resulta ng autopsy ng ibang mga biktima. Marami akong nakakasalubong na mga tao, ngunit parang mga yabag lang ng sapatos ko ang naririnig ko. May mga ilan sa kanila ang bumabati sakin ng good evening, at binabati ko din naman sila. Dumating ako sa parte ng hallway na kumukurba pakanan papunta sa lab. Malayo pa lang ay matatanaw mo na ang liwanag galing sa loob nito dahilan sa glass walls. Nasa kanan ko ang lab at ilang hakbang na lang ay mararating ko na ang entrance, nang makita ko si Micah nakatayo sa labas nito at nakatingin sakin na naka ngiti. Nagyakap kami ni Micah pagka lapit ko sa kanya. “Tara ate, kain na tayo.” ang sabi ni Micah. “Tatapusin ko lang to Micah, para at least mag karon tayo ng sapat na leads sa kaso.” sagot ko sa kanya. “Gutom ka na ba? Gusto mo mauna na dun?” “Ok lang ako ate. Hintayin na kita, sabay na tayo.” ang tugon niya. At sabay kaming napa harap sa loob ng glass doors. Galing sa kinatatayuan namin ay kita namin si Joe, isang senior forensics expert, sa loob na may tinitignan sa microscope. Tumingin sakin si Micah at ngumiti. Ngumiti din ako, nang biglang may nagsalita sa likod namin. “Naka balik ka na pala babe.” sabay halik sa mga labi ni Micah. “Hi, Thea!” bati ni Darwin, isang senior detective ng SoCo. “Hi Zom, kamusta?” bati ko sa kanya. Di ko na maalala kung bakit “Zom” ang tawag namin sa kanya, marahil ito’y dahil sa hilig niya sa mga zombie films at paniniwala sa zombie apocalypse. Matangkad ito ng konti kay Micah kahit naka suot na to ng sapatos na may takong, matipuno ang pangangatawan ni Zom. Bagay na bagay sila ni Micah. Base sa overall image ni Zom, masasabi mong may pagka “emo” ito. “Ok lang naman, Thea.” ang sagot niya sakin na naka ngiti. At habang tumatakbo sa isipan ko ang lahat ng mga ito’y naguusap sila ng mahina at naka ngiti sa isa’t isa. Bakas sa kanilang mga mukha ang saya sa muli nilang pagkikita. Humarap si Zom sakin at sinabing, “Sabay-sabay na tayo pumunta dun, Thea. Nag break lang kasi ako ngayon, pero out na din ako in a few minutes.” naka ngiti pa din siya. “Sigurado ba kayo?” alalang tanong ko. “Oo ate, sabay-sabay na tayo pumunta dun.” ang sabi ni Micah. Matapos nito’y yumakap ulit sakin si Micah, at lumakad na sila palayo. Pumasok na ako sa lab at lumapit kay Joe, minasahe ko siya saglit at hinalikan ko siya sa likod ng ulo. “Mmmm, hi bhei...” sabi ni Joe. May ineexamine pa din to sa microscope. “Hello bhei, tutok na tutok ka diyan ah.” biro ko. Tumingin lang siya sakin at ngumiti. Ngumiti din ako sa kanya at kinuha ko ang clipboard na naglalaman ng impormasyon tungkol sa biktima. Binasa ko ito habang naglalakad papunta sa silid kung nasaan ang bangkay. Nasa ibabaw ang litrato ng babae. Itim ang buhok at maamo ang muka. Si Victoria, 23 anyos. Sa unang tingin pa lang ay mararamdaman mo na na walang tao na hindi nakakasundo ang babaeng ito. Binuksan ko ang pinto at naglakad papasok, nakita ko agad ang bangkay ni Victoria na nakahiga sa isang bakal na mesa sa gitna ng silid. Nalinis na ito ng prep team. Nabubuhusan ito ng liwanag galing sa isang ilaw na nasa ibabaw nito. Pagka lapit ko sa kanya ay pinatong ko ang notebook at clipboard sa kabilang mesa at agad kumuha ng rubber gloves. Habang sinusuot ko ang mga ito ay biglang namatay ang ilaw. Madaling kinain ng kadiliman ang buong kwarto. Naghintay ako ng ilang segundo, umaasang babalik agad ang liwanag. “Tsk! Ano ba ‘to...” mahinang bulong ko sa sarili. Dinukot ko ang aking cellphone mula sa bulsa ng lab coat ko, at pagka sindi ng ilaw mula sa screen nito, ako ay nabigla at bahagyang napa atras sa aking nakita. Nakatayo sa harapan ko si Victoria at naka tingin siya sakin. “Victoria?” tanong ko sa kanya. Nakatingin pa din siya sakin at para bang pinagaaralan ang mukha ko. “Micah?” tanong niya sakin. Kasabay nito’y bumalik ang liwanag galing sa ilaw, at dahan-dahang ding nanumbalik ang kulay sa buong kwarto. Bakas sa mukha ni Victoria ang magkahalong lungkot at pagaalala. “Hindi, Victoria. Ako si Althea. Kapatid ko si Micah, at nandito ako para tulungan ka.” Sagot ko sa kanya. “Ganyan din sinabi sakin ni Micah.” wika niya habang naglalakad palapit sa mesa kung saan nakahiga ang hubad niyang bangkay. Matagal niyang tinignan ang sarili na may paghihinagpis sa muka. “Hindi ko alam kung bakit nangyari sakin to, wala akong kaaway. Tahimik at simple lang ang buhay ko.” Hindi ko alam kung pano ko siya makakausap ng maayos kung nakikita ko ang kalahati ng muka niya... “May tiwala akong gagawin niyo ang lahat para sa hustisya at ikatatahimik ko at nang iba pang mga biktima.” Marahil dapat akong magpasalamat at nasa kanan ko siya nakatayo... “Salamat.” ang bigla kong nabulalas. Napatingin siya sakin. “Saaa patitiwala mo samin.” hindi ko alam kung naririnig niya ang mga iniisip ko. Sa normal na sitwasyon matatawa na ako sa nangyari, ngunit sa pagkakataong ito, hindi normal ang sitwasyon. May ngiti sa muka niya o kung ano man ang natira dito. “Nakita mo ba kung ano ang pumatay sayo? Tao ba siya?” ang tanong ko. “Tingin ko, mas madali kung ipapakita ko ang buong pangyayari sayo.” sabi niya.Humarap siya sakin at inilagay ang kanyang mga kamay sa magkabilang gilid ng muka ko. Nang idikit niya ang mga hinlalaki ng kanyang mga kamay sa aking noo, para itong nagpadala ng kuryente sa buo kong katawan. Hindi ako maka kilos at dahan-dahang dumidilim ang aking paningin. Nang magbalik ang paningin ko ay nasa ibang lugar na ako. Isang kwarto. Sa kanan ko ay isang pintuan na sa tingin ko ay ang banyo, kasunod nito sa kaliwa ay malawak na aparador na nakadikit sa pader hangang sa sulok, isang bookshelf na puno ng mga english novels nila Anne Rice, Stephen King, Neil Gaiman, JK Rowling, JRR Tolkien at iba pa, ang nakatabi sa kaliwa nito na naka harap sakin. Isang salamin na nakatayo ang pumapagitna sa bookshelf at isang mesa na may computer. Sa kaliwa ng mesa ay ang kama na naka puwesto sa sulok. Sa kaliwa ko ay isang sliding door papuntang terrace, katapat mismo ng pintuan nang banyo, sa kabilang gilid ng silid. Ang sahig ay natatakpan ng wall-to-wall, na pastel blue green na carpet. Marahil ito ang kwarto ni Victoria. Sa di ko malaman na rason ay tinatawag ng bookshelf ang aking pansin. Sa likod ay isang mahabang bintana na umaabot hanggang sa may mesa ng computer. Nilapitan ko ito para tignan kung ano pang libro ang meron siya, nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Victoria. Sa itsura niya ay mukang galing siya sa trabaho, naka corporate attire ito, bitbit ang kanyang bag sa kanang balikat, habang ang kanang braso niya ay may dala-dalang mga folders at magazines na sinusuportahan naman ng kaliwang kamay niya. Isang plastik na bote ng iced tea ang naka ipit sa gitna ng katawan niya at kaliwang braso at may kagat kagat siyang bag ng potato chips. Dumiretso siya sa mesa at nilapag ang lahat ng kanyang dala. “Victoria?” sabi ko. Nalaman kong di niya ako nakikita o nadidinig nang di niya ako pinansin. Nasa loob ako nang memorya niya. Pumunta siya sa may sliding door para isarado ang kurtina at drapes, at nagpalit ng t-shirt at shorts. Nagbasa siya sandali ng magazine habang kumakain at pag katapos ay nagligpit na ito at pumunta ng banyo, pinatay niya ang ilaw sa kwarto at tanging ang ilaw na lang sa banyo ang natitira. Lumakad ako palapit ng pinto ng kwarto na para bang may magagawa ako pag may biglang pumasok, sa kaliwa ko, si Victoria ay naghihilamos. May mahinang tunog nang umaagos na tubig galing sa gripo nung lababo. Humarap ako sa pinto ng nakayuko, nandun ang nagbabadyang pakiramdam na may mangyayari anu mang oras. Nakarinig ako ng bulong na sa una’y nagiisa lang. Dalawa. Tatlo. Unti-unti silang dumarami. Nilapit ko ang kanang tenga ko sa pinto. Nagpupunas na nang muka si Victoria. Hindi sa labas ng pinto galing ang mga bulong. Napaharap ako sa may terrace, at sa gilid ng mata ko may napansin akong mabilis na gumagalaw sa gawing kanan. Pag harap ko sa gitna ng silid ay kita kong may mga itim na umiikot dito. Kasing laki sila ng kamao na parang may smoke trail, at parami sila ng parami, na para bang may ipo-ipo sa gitna ng kwarto. Isang tore nang umiikot na kadiliman, ilang segundo pa ay nagsama-sama ang mga ito at galing dito lumabas ang isang dambuhalang nilalang, isang elemento nang kadiliman. Sa mga mata at bunganga nito’y may lumalabas na mga dila ng apoy, ang pang-taas na pangangatawan nito ay may dibdib, braso, balikat at ulo habang ang pang-baba naman ay ipo-ipo pa din kung saan dapat may pares ng hita, binti at paa. “HWRAAAAAAAH!!!” ang lumabas sa bunganga nito kasama nang konting liwanag galing sa loob. Nakabuka ang mga kamay nito sa gilid na parang nagiipon nang lakas. “VICTORIAAA~!!!” malakas na sigaw ko. Naka yuko si Victoria habang nagsisipilyo, walang kaalam-alam sa mga susunod na mangyayari. Hindi niya nga pala ako naririnig. Tumulo ang luha ko sa realisasyon na wala akong magagawa kundi ang panoorin ang pagdadaanan niyang sakit at paghihirap sa mga kamay nang dambuhalang halimaw ng dilim. Tumingin ang anino sa banyo at lumapit ito doon. Mabilis nitong hinablot ang ulo ni Victoria galing sa likod at inuntog sa salamin. Nang makita niya na nakakapalag pa si Victoria, inuntog niya ulit to. Nararamdaman ko yung sakit na nararamdaman ni Victoria. Sa kaliwang bahagi ng mukha ko ay may nararamdaman din akong sakit. Umiiyak pa din ako na parang nagmamakaawa. Lupaypay na si Victoria dahil sa pinsalang tinamo niya sa ulo. Habang ako naman ay napaluhod na sa carpet nang dahil sa hilo. Hinatak ng anino si Victoria palabas ng banyo na hindi sumasayad ang mga paa niya sa sahig. Hinarap siya ng anino sa kanya na para bang manika lang si Victoria. At gamit ang kaliwang kamay nito ay parang hinaplos niya ang kaliwang bahagi ng mukha ni Victoria. Nagkukumawag si Victoria, pero makikita mo na wala itong sapat na lakas para lumaban sa dambuhala. Nakaramdam ako nang purong sakit na gumapang galing sa tuktok ng kaliwang parte ng mukha ko pababa hangang dibdib. May tinig na nanggagaling kay Victoria na parang bang nalulunod siya, habang ang katawan niya naman ay parang nangingisay. Nang nilayo nang anino ang kanyang kamay ay meron natong kasama na parang tela, ngaunit may tumutulo galing dito. Dugo. Maraming dugo. Hinigop ito ng anino, at unti unting naglaho ito. Nagkumawag ulit si Victoria at sa pagkakataong ito nabitawan siya ng dambuhalang anino. Bumagsak siya sa carpet at pinilit niyang gumapang palabas nang kwarto, puno na siya ng dugo at para nang tinalupan. Ramdam na ramdam ko ang takot at sakit na nararamdaman niya habang humihingal ito sa pag gapang. “Victoria~” hindi ko na mapigil ang pag hagulgol ko. Sinubukan kong abutin ang kamay niya, ngunit hintak siya sa paa nang anino at hinagis sa sulok ng kwarto na para lamang isang basahan. Pag hampas niya sa sulok ay tumalbog siya sa kama at bumagsak ulit sa carpet. Napadapa ako sa lapag nang tumama si Victoria sa dingding. Sinusubukan niya pa din makalabas pero sobrang hina na niya ngayon. Konti pa. Bumangon ako sa aking tuhod at kamay at iniabot ko ulit ang kanang kamay ko kay Victoria. Malapit na. Sa mga sandaling iyon ay para bang nakita niya ako at sinubukan niyang abutin ang kamay ko, ngunit agad nagbago ang mukha ni Victoria na may bakas nang ibayong sakit, ipit na ang mga tunong na lumalabas sa bibig niya. Ibinaon nang anino ang mga daliri niya sa likod ni Victoria. At habang nakatingin si Victoria sakin ay sumabog ang dugo sa bibig niya at kumalat sa carpet. Bumagsak na ang kamay niya, kasunod ng kaniyang ulo. Wala akong nagawa kung di ang itakip sa bibig ko ang dalawa kong kamay. Walang tigil ang aking iyak. Napansin kong may kulay green na ilaw na nanggagaling sa katawan ni Victoria na inaabsorb ng braso nang anino, pag katapos nito’y pumutok siya na parang smoke bomb at nawala. Lumabo na ang paningin ko dahil sa pag daloy ng luha sa aking mata. Nang luminaw ito’y nasa lab na ulit ako, naka luhod sa sahig. Sa harapan ko ay nakaluhod si Victoria, malungkot pa din ang muka. “May tiwala ako sa kakayahan niyo...” ang sabi niya, ngumiti siya ng bahagya bago dahan dahang naglalaho. Nang mahimasmasan ako ay agad akong tumayo at sumandal sa mesa kaharap ng bangkay ni Victoria. Pinunasan ko ang luha sa aking mga mata at pisngi habang iniisip ko pa din ang mga naganap. Tinanggal ko na ang rubber gloves ko at tinapon sa basurahan. Kinuha ko ang notebook ko at clipboard, at nag lakad na palabas ng silid. Pag dating ko sa may pinto ay hinawakan ko ang doorknob, huminga ng malalim, at ibinuga ko ‘to ng malakas at pabigla. Pag kalabas ko ng kwarto ay dumiretso agad ako kay Joe, nakatayo siya sa may sulok na may tinitignan na mga results, niyakap ko ulit siya sa likod na nakapatong ang baba sa kanyang balikat. “Tara na, bhei..?” tanong ko sa kanya na nakangiti, habang ineenjoy ko ang pagkakayakap ko sa kanya. “Mauna na kayo, bhei. Tatlo pa to na kailangan kong tapusin e. Susunod na lang ako dun.” “Sigurado ka ba? Sumabay ka na kaya. Pwede mo namang balikan yan mamaya.” “Oo bhei, gusto ko na kasi matapos to ngayon para magamit niyo na yung data.” Dahan dahan akong kumalas sa pagkakayakap ko sa kanya. Kinuha ko ulit yung clipboard at notebook at naglakad na palabas. “Sige, ‘kaw bahala...” sagot ko. “...may mumu diyan.” patuloy ko na may malaking ngiti sa mukha. Tumawa lang siya at tumingin sakin na puno nang pagmamahal. Sabay sabi ng, “I love you.” “I love you.” Nakangiting sagot ko sa kanya. ::Itutuloy:: † Çörvïnüs Störmbörn †. Copyright © 2013. All rights reserved. ______________ ~ Keizo (敬三)™
Posted on: Thu, 25 Jul 2013 09:21:18 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015