JINGGOY PUMUTAK! “P6 million worth ng chickenjoy, hamburger at - TopicsExpress



          

JINGGOY PUMUTAK! “P6 million worth ng chickenjoy, hamburger at jolly hotdog? Langhap na langhap ang sarap hindi po ba?,” Parang nagpakawala ng isang bomba kahapon si Senador Jinggoy Estrada sa Senado kung saan kinastigo nito ang kapwa mambabatas at ang Commission on Audit (COA) na diumano’y naging bulag-bulagan sa isyu ng maling paggamit ng pork barrel funds. Sa halos isang oras na privilege speech ni Estrada, binira nito ang tila aniya’y “selective investigation” ng Blue Ribbon sa pork barrel scam na nilimitahan lamang sa mga foundation na inuugnay kay Janet Lim Napoles. “Sadya bang nagbulag-bulagan lang sila kaya hindi nakikita ang ibang nilalaman ng COA report katulad ng hindi pagbusisi patungkol sa pondong nilaan ng ilang le­gislators sa sarili nilang kor­porasyon o NGO?,” tanong ni Estrada. “Biruin mo inilagay sa isang NGO/foundation na siya mismo ang incorporator o board of director o stockholder. Eh ‘di parang kumuha ka ng pera mula sa isang bulsa at inilagay lang sa kabilang bulsa, ‘di po ba?,” sabi pa nito. Hindi rin umano nabanggit sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ang mga kwestiyonableng tran­saksyon na mga local government units (LGUs) na siyang nag-implement ng proyektong pinondohan mula sa PDAF ng mga mababatas. Batay sa COA report, sinabi ni Estrada na may P1.2 bilyon na LGU transac­tions na pinondohan ng PDAF ang hindi nag-comply sa procurement law. Ilan umano sa mga pinanggalingan ng P1.2 bil­yon na ito ay galing sa PDAF nina Sens. Miriam Defensor-Santiago, Alan Peter Caye­tano, Francis Pangilinan at Manny Villar. “Bakit hindi nababanggit ang mga ito? Dahil ba sila ay iyong kaal­yado?,” tanong ni Estrada. GHOST PROJECTS NI CONG. GONZALES Partikular na tinukoy ni Estrada sa kanyang privilege speech ang isang kaalyado ng administrasyon na si Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II, na diumano’y ginamit ang kanyang pork barrel funds sa ghost projects na hindi na-expose sa COA audit. Sabi ng senador, may minimum na P420 mil­yon na PDAF allocation si Gonzales dahi majority leader ito ng Kamara. “Pero maayos namang nagamit ang kanyang PDAF? Mukhang hindi,” ani Estrada. Batay aniya sa COA special audit report, 28 suppliers ng Mandaluyong City ang itinangging pumasok sila sa 167 na transaksyon na nagkakahalaga ng P28.744 milyon. Sabi pa sa COA report, may transaksyon din si Gonzales na nagkakahalaga ng P262.676 na kinukunsi­derang questionable dahil hindi naman “existing” ang mga ito. P6M TRANSAKSYON SA JOLLIBEE Ibinunyag pa ni Estrada, base sa COA report, ang halos P6 milyon na halaga ng transaksyon ni Gonzales sa Jollibee. “P6 million worth ng chickenjoy, hamburger at jolly hotdog? Langhap na langhap ang sarap hindi po ba?,” wika nito. Bukod kay Gonzales, idinamay din ni Estrada si An Waray partylist Rep. Florencio ‘Bem’ Noel na diumano’y ka-tandem ng una. Ilan pa sa mga hindi na isinama sa kasaluku­yang imbestigasyon at mga maanomalyang transaksyon ang tulad ng P388.3 milyon na PDAF-related transactions sa Mandaluyong City, Taguig, Tarlac at Las Piñas. HUWAG KAYONG MAGMALINIS! Hindi nakaligtas kay Estrada ang mga kasamang senador na diumano’y tila nambastos sa kanila dahil sa paulit-ulit na pagbanggit ng kanilang pangalan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. “At mahilig din lamang sa quote sa Bibliya ang isa sa mga taong ito na parang isang maamong tupa, pag­linayan kaya niya ang mga katagang ito?,” sabi pa nito. “Kung sino man ang walang bahid na anumang kasalanan, kayo ang unang bumato sa taong ito. Huwag kayong magmalinis at lalung-lalo na huwag naman kayong masyadong ipokrito,” wika pa ni Estrada. COA CHAIR PULIDO- TAN NAKIKISAWSAW SA TELENOVELA Hindi rin nakaligtas sa pasabog ni Estrada si COA chair Grace Pulido-Tan kung saan sinabi nitong sila lang ang target sa isinagawang special audit report ng mga ito. “Pati si COA chair Maria Gracia Pulido-Tan ay sumali sa PDAF teleserye nang kanyang inilabas sa media ng resulta ng kanilang special audit. Ito siguro ang pinaka­unang pagkakataon na sa media inilabas ng COA ang kanilang audit. Ganito na ba ang kalakaran ngayon?,” tanong ni Estrada. Sabi ng senador, hindi dapat maglabas si Pulido-Tan ng nasabing report sa media dahil sakop ito ng COA Resolution No. 97-006 na nagsasabing maglalabas lamang ang COA ng kopya ng report kapag na-transmit na ito sa head ng government agency na in-audit nito. JINGGOY MINALIIT NG COA CHAIRMAN Minaliit naman ni Pulido-Tan ang batikos na inabot nito kay Sen. Estrada hinggil sa madalas na pagbiyahe nito at pagiging selective sa iniimbestigahan ng ahensya. Sa ambush interview kay Pulido-Tan sa Kamara, bago ang budget deliberation, sinabi nitong si Estrada mismo ang nagpatunay na walang nangyaring pamimili sa inilabas nitong special audit report at wala rin itong itinanggi sa nilalaman ng report ng COA. “Siya mismo nagpatunay na ‘di kami pumili, ‘di ba nag-sight sa report namin nu’ng nagpangalan ng mga legislator not from admi­nistration sa COA report. So pagpapatunay ‘yun, siya mismo nagpatunay na ‘di selective ‘yun,” ayon pa rito. PALASYO NAG-REACT DIN Minaliit din ng palasyo ng Malacañang ang pasabog ni Estrada. Ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacier­da, nirerespeto nila ang mga opinyon ni Estrada hinggil sa mga isyung binanggit niya sa kanyang talumpati. Ang importante umano ay iniimbestigahan na ito ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang mapanagot ang mga taong ginamit ang pondo ng bayan sa hindi tamang paraan. “We respect the desire of Senator Estrada to voice his opinions concerning the ­issues he raised in his privilege speech. What is important at this point are the ongoing investigations,” ani Lacierda. CONGRESSMEN ‘DI NAGPATINAG Hindi rin nagpatinag ang ilang mambabatas kahapon sa Senado ukol sa pork barrel scam kung saan naging selective lamang umano ang gobyerno sa mga pulitikong idinadawit sa nasabing anomalya. Sa magkahiwalay na press conference, kapwa sinabi nina Gonzales at Noel na hindi nila papa­tulan si Estrada at tanging sa COA lamang sila sasagot kung kinakailangan. (Dindo Matining/Boyet Jadulco/Marlo Dalisay/Noel Abuel/Bernard Taguinod)
Posted on: Thu, 26 Sep 2013 07:42:56 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015