Kaliwa’t kanang korapsyon at anomalya sa ilalim ng rehimeng - TopicsExpress



          

Kaliwa’t kanang korapsyon at anomalya sa ilalim ng rehimeng Aquino Sunud-sunod na nalalantad ang mga kaso ng katiwalian na kinasasangkutan ng rehimeng Aquino. Kaliwa’t kanan naman ang pagtatangka ng rehimeng Aquino na pagtakpan at ilayo ang atensyon ng publiko sa mga iskandalo at anomalya. Nitong huling linggo ng Setyembre, nabunyag ang tinaguriang Disbursement Acceleration Program (DAP) kung saan ilambilyong piso ang inilalaan ng Malacañang sa mga pinapaburan nitong senador at kongresista. Ibinunyag ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada na binigyan ng Malacañang ng tig-P50 milyon ang mga senador na pumabor sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012. Si Senate President Franklin Drilon na noo’y namumuno sa “finance committee” ay tumanggap ng P100 milyon at si Sen. Francis Escudero, na masugid na alyado ni Aquino, ay tumanggap ng P96 milyon. Tinatayang mahigit P85 bilyon ang pondong inilaan ng Malacañang sa mga kongresista sa ilalim ng DAP noong 2011 at P1.27 bilyon naman sa mga senador noong 2012 para matiyak na mapatalsik si Corona. Ginamit din ang pondong ito upang itulak ang pagsasabatas ng Sin Tax Law at Reproductive Health Law na puspusang ikinampanya ni Aquino. Dahil sa nabunyag na pondong DAP, lalong idiniin ng mga pwersang kontra sa pork barrel na si Aquino mismo ang Hari ng pork barrel, na labis na ikinapikon ni Aquino. Bukod sa DAP, kabilang sa mga pondong ginagamit ni Aquino bilang pork barrel ang Presidential Social Fund at ibang pondong hindi saklaw ng pagsisiyasat ng Kongreso. Ibinunyag naman ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares kung papaano ginamit ng rehimeng Aquino ang pondo ng Malampaya sa mga programang walang kinalaman sa enerhiya—bagay na taliwas sa itinatakda ng reaksyunaryong batas. Ayon mismo sa ulat ng reaksyunaryong gubyerno, pangunahing nakinabang sa pondong Malampaya ang Armed Forces of the Philippines na nakakuha ng umaabot sa P13 bilyon. Dito kinuha ang perang ipinambayad sa pinaglumaang barkong BRP Gregorio del Pilar. Nakinabang din ang Department of Finance-National Power Corporation (P4.9 bilyon); Department of National Defense at National Electrification Program (P1.9 bilyon); at Department of Public Works and Highways (P3.5 bilyon). Nakakuha rin ng P62 milyon ang Department of Budget and Management (DBM) Office of the Secretary, kung saan P6.9 milyon ay para umano sa proyektong pabahay, at P4 milyon ay para sa Department of Agriculture-Agriculture Guarantee Fund Pool. Ayon pa kay Colmenares, malinaw na ginamit ni Benigno Aquino III ang pera mula sa kita ng Malampaya bilang sariling pondo na hindi dumadaan sa tamang proseso at pagtutuos. Ikinagalit din ng mamamayan ng Palawan ang hindi nila pagkakuha ng P900 milyong pondo kung saan 40% ng kabuuang kita ay dapat napunta sa kanila sa loob ng apat na taon. Ang Malampaya ay mina ng natural gas sa karagatan ng Palawan. Upang pagtakpan ang maanomalyang paggamit ng rehimeng Aquino ng pondong Malampaya, minadali nito ang pagsasampa ng reklamo laban kay Gloria Arroyo at mga kasapakat nito sa paggamit ng pondong ito. Samantala, sinampahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng kasong pandarambong sina Aquino, Budget Sec. Florencio “Butch” Abad at Sec. Proceso Alcala ng Department of Agriculture dahil sa pakikisosyo sa mga bogus na NGO (non-governmental organizations) na pinondohan ng pera mula sa pork barrel sa ilalim ng Priority Development Assistance Fund (PDAF). Kabilang sa mga NGO na kasosyo ni Alcala ay yaon ding mga NGO na ilang taon nang sangkot sa mga anomalya. Sa kaugnay na balita, dalawang kinatawan ng Commission on Higher Education (CHEd) ang nagbitiw sa pwesto bilang protesta sa katiwalian ng naturang upisina. Nabunyag na P500 milyon ang iginagawad ng CHEd sa isang unibersidad sa United States para sa isang proyekto kaugnay sa agham na dapat dito sa Pilipinas inilalaan. Ang CHEd ay dati nang dawit sa pagwawaldas at pangungurakot ng pondo para sa edukasyon.
Posted on: Thu, 10 Oct 2013 09:22:11 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015