May Mali Kay Jeane Napoles Posted by jayr bibal on Monday, August - TopicsExpress



          

May Mali Kay Jeane Napoles Posted by jayr bibal on Monday, August 5, 2013 · Leave a Comment download Sa pagputok ng usapin ng pork barrel scam, may isang pamilyang hanggang ngayon ay pinag-uusapan—ang mga Napoles, partikular, si Janet Lim-Napoles, isang negosyanteng diumano’y sangkot sa maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund o PDAF. Kung mapatunayang totoo ang mga bintang na ito, hindi lamang si Janet Lim-Napoles ang maparurusahan, kasama sampu ng mga mambabatas ng bansa na ginagamit ang PDAF o pork barrel upang kurakutin at gamitin sa makasariling pamamaraan. Iba’t ibang usapin din ang lumabas mula usaping ito—dapat nga bang tanggalin na ang pork barrel at mabisa ba ang kampanya ng administrasyon tungo sa “daang matuwid”? Ngunit sa mga usaping ito, mas tumatak ngayon ang isang balitang tila mas may malakas na epekto sa ordinaryong mamamayan—ang buhay ng anak ni Janet Lim-Napoles na si Jeane, baguhang fashion designer na ngayon ay pinag-uusapan (laluna sa social media websites) dahil sa maluhong pamumuhay nito sa Estados Unidos. Si Jeane ay nag-aral sa Estados Unidos, partikular sa New York; nakatira sa isang condominium unit na nagkakahalaga ng 80 milyong piso; mahilig sa mga designer brands na Louis Vitton, YSL, Chanel, at Christian Louboutin; nakapaglibot sa maraming lugar sa mundo tulad ng Paris at Tokyo; nakapagpakuha ng larawan kasama ang mga sikat na Hollywood stars tulad nina Justin Timberlake, Josh Duhamel, Blake Lively, at Justin Bieber. Tuwing nasa Maynila, ang sasakyan niya ay isang Porsche, at madalas manlibre ng mga kaibigan sa iba’t ibang sikat na bar at party places. Hindi naman imposibleng matamo ang lahat ng yamang ito, kung magtatrabaho nang maigi o magnenegosyo, posibleng makapag-ipon upang makamit ang ganitong uri ng pamumuhay. Ngunit may isang malaking problema kay Jeane Napoles. 23 taong gulang pa lamang siya. Kaya marahil galit ang maraming tao nang matuklasang ang anak ng isang diumano’y kasama sa maling paggamit ng pork barrel ay namumuhay nang ganito karangya, ay dahil na rin sa katotohanang napakaraming Pilipino ang naghihirap sa kasalukuyan—hindi kayang tustusan ang sariling pamilya, walang trabaho, at humihingi ng tulong sa pamahalaan. Paanong nakakaya ng isang Jeane Napoles ang mamuhay nang ganito karangya at ipangalandakan ang kanyang karangyaan sa buong mundo samantalang napakaraming naghihirap sa Pilipinas? At kung mapatunayang talaga ngang PDAF ang pinanggalingan ng yaman ng mga Napoles, mas lalong malaki ang mali kay Jeane at sa kanyang pamilya—sapagkat ang mga mamahaling damit, sapatos, pagkain, party, kotse, pamamahay—ay nanggaling sa kaban ng bayan, parehong kaban na panggagalingan sana ng pagpapaunlad sa bayan. May mali kay Jeane Napoles, may mali sa pork barrel, may mali hindi lamang sa pamahalaang ito kung hindi sa ating buong bansa sa pangkalahatan. Samakatuwid, may mahalagang usapin ang kailanman ay hindi seryosong tinalakay sa loob ng bulwagan ng mababa at mataas na kapulungan ng ating kongreso, at maging sa loob ng Malacanang– ito ang usapin ng moralidad ng bawat mamamayang Pilipino. Ayon kay Pope Benedict XVI, ang tunay na kailangan ng mundo ngayon ay manumbalik ang mga tao sa kanilang ispirituwal at moral na obligasyon sa kanilang sarili at sa kanilang mundong ginagalawan. Ngunit bakit nga ba kay hirap tanggapin ng ating mga mambabatas na ang tunay na isyu sa likod ng mga usapin katulad ng RH Law at Pork Barrel ay ang unti-unting pagtalikod ng mga mamamayan sa kanilang ispiritwal at moral na obligasyon hindi lamang bilang isang miyembro ng isang relihiyon kung hindi bilang isang Pilipino mismo? Ang tunay na solusyon samakatuwid ay ang inner conversion ng mga mamamayan upang manumbalik sila sa kanilang pananampalataya at pagmamahal sa ating Diyos. Kailangang yakapin muli ng mga mamamayan ang matuwid at moral na pagbabago ng kanilang mga maling gawain. Ito ang tunay na pagbabago na dapat ay mamayani sa ating bansa.
Posted on: Tue, 13 Aug 2013 08:53:18 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015