Pangarap, Buhay at Pag-ibig sa Isang Paglalakbay Ala-sais ng - TopicsExpress



          

Pangarap, Buhay at Pag-ibig sa Isang Paglalakbay Ala-sais ng umaga. Nakangiti akong bumaba sa sinasakyang jeep at naglakad papunta sa bus. “LRT Buendia Lawton!” pasigaw na tawag ng konduktor sa mga taong nagmamadali sa paglalakad na parang laging naghahabol sa oras. “Lawton ma’am. Lawton.” Agad na sabi ng konduktor nang makita ako. “Good morning.”, bati ko na may kasamang ngiti. “Good morning ma’am. Long time no see a.” “Busy kasi.”, tipid na sagot ko. Umakyat ako sa bus at dumeretso sa paborito kong pwesto. Sa may likuran ng drayber. “Good morning ma’am Loraine.” “Good morning kuya Benjie. Kamusta na po?” “Heto. Habang tumatagal ay lalong gumagandang lalaki.” Sagot ng drayber na sa tagal ko ng pagsakay sa bus na ito ay nakabiruan ko na rin. Namiss ko ang pwesto na ito. Namiss ko ang bus na ito. Ang mga drayber, konduktor, at mga pasaherong regular ko ng nakakasabay. Namiss ko ang paglalakbay tuwing umaga. Ilang buwan na ba ang lumipas buhat ng huling luwas ko? Isa? Dalawa? Marami na kayang nagbago mula noon? “Saan ang punta mo?” “Sa PRC po.” “Congratulations nga pala ma’am. Sabi na nga ba makakapasa ka dun sa exam n’yo.” “Salamat po.” Tipid lang ang mga pagsagot ko sa pag-uusap namin ni kuya Benjie. Hindi ko alam kung bakit. Ngunit nais ko na maging tahimik ngayon sa byahe na ito. Hindi katulad noon na kasinghaba din ng kwento nila ang mga kwento ko. Siguro dahil may hinahanap ako. O hindi lang siguro kundi siguradong may hinahanap nga ako. Hindi sinasadyang napahugot ako ng hininga. “Ang lalim nun a.”, komento ng konduktor na si Paul. Pilit na ngumiti ako. Ala-sais kinse. Naramdaman ko na ang pag-usad ng bus. Sumandal ako at tahimik na nagmasid sa labas. Wala pa rin namang nagbago sa paligid. Marami pa ring sasakyan. May mga puno pa rin naman sa gilid ng expressway. Ngunit hindi na katulad ng dati na napagkakatuwaan ko pa na bilangin sila. Nandito pa rin ang mga naglalakihang billboard ng mga gwapo at magagandang nagmomodelo ng mga damit, sapatos, bahay, pagkain at kung anu-ano pa. Hindi ko alam kung iyon nga ang mga produktong ineendorso nila dahil puro kagwapuhan at kagandahan lang naman ang kanilang ipinapakita. Minsan nga hindi ko pinapansin ‘yung produkto, ‘yung hitsura lang ng artista. Traffic pa rin kapag malapit na ang office hour. Pero gusto ko ang traffic. Dahil sa mga ganitong panahon mas nakakapagmasid ako. Mas nakakapag-isip ako. At sa mga ganitong panahon ko nakausap at nakilala ang mga taong hindi ko aakalaing magiging mahalagang parte ng buhay ko. Teka, meron palang nagbago. Tumingin ako sa paligid. Luminga-linga mula kay kuya Benjie na drayber, sa konduktor na si Paul, at sa mga kapwa pasahero, sa gilid at sa likuran. Napabuntung-hininga nang hindi makita ang gusto kong makita. May nagbago nga. Nawala ang isa sa mga dahilan kung bakit ako naaaliw sa traffic. Nasaan na kaya sya? Nasaan na kaya si Dave. *************************** “LRT Buendia Lawton! Buendia ma’am.” “Pasensya na mala-late ako ngayon. Nagreview pa kasi ako kagabi eh. Text mo na lang ako kapag start na kayo ah. Oh sige sige babye na.” Nagmamadaling inakyat ko ang bus. Kaaalis lang ng bus na malimit kong sakyan at panibago na naman ito kaya kakaunti pa lang ang pasahero. Bahagyang inis na umupo ako sa may likuran ng drayber at sinipat ang aking relo. 6:45. Traffic na sigurado kapag ganitong oras. Unang beses ma-late kaya hindi ako mapakali sa upuan ko. Inip na inip na makaalis ang sinasakyan. Nakahinga lang ako ng maluwag ng umusad na ang bus. “Thank you Lord.” Mahinang usal ko. “Pampabwenas lang po sa umaga. Ngiti ngiti naman tayo d’yan. At pakihanda na rin ang mga barya dahil ayon sa kasabihan barya lang po sa umaga para hindi maabala. Tigpipiso ay ok na basta ‘wag lang mabubutas ang bulsa.” Naalimpungatan ako sa malalim na pag-iisip ng marinig ang boses na iyon. Hinanap ko ito at nalingunan ang konduktor na parang inuusap pa ang mga pasahero habang binibigyan ng ticket. Inignora ko lang ito at itinuon ang paningin sa labas. “Miss saan ka po?” Lumingon ako at nasilayan ang lalaking kanina ko pa naririnig na nagsasalita. “Lawton po.” “Lawton”, ulit nito at makaraan ay iniabot sa akin ang tiket. “Konting ngiti naman d’yan miss. Sayang ang ganda mo.” Dagdag komento pa nito. Napatingin ulit ako sa kanya. ‘Di sinasadyang sumilay ang natural kong ngiti at nakita ko rin na ngumiti ang lalaki na animo ay nasiyahan sa kanyang nakita. Ayos na sana ang byahe. Nang makarating na kami sa matrapik na lugar. Hindi na naman maipinta ang mukha ko habang palipat-lipat ang aking tingin sa relo, sa trapik, sa trapik, sa relo at sa trapik ulit. “Mga tao talaga. Nagpapahuli ng alis tapos kapag trapik maiinis.” Narinig ko na may nagkomento. Tumingin ako sa gilid ko. Nahagip ng aking tingin ang konduktor na biglang nag-iba ng tingin. Hindi ko inalis ang paningin sa kanya. Maya-maya ay lumingon ito. Nagkasalubong ang aming paningin. Ngumiti s’ya. “Male-late ka na ba ma’am?” tanong niya sa akin. Nag-aatubili ako na sumagot. “Ngayon lang ako nahuli ng pasok.” Sa halip ay pagdepensa ko sa sarili ko. Tumawa s’ya ng mahina. “Ang paglalakbay ay katulad sa buhay natin. Kapag nagkamali ng desisyon maaaring mameligro ang buhay. Pero ok lang dahil minsan, kailangan natin ang mga pagkakamali para malaman natin kung ano ba ang mga dapat nating iwasang mangyari sa ating buhay. Katulad n’yan. Nahuli ka ng alis sa inyo. Kaya naabutan ka ng trapik at male-late ka sa klase n’yo. ‘Ika nga ng iba, ‘charged it to your experience.’.” Maang na napatingin ako sa lalaki. Tinitigan ko s’ya. Lihim na pinag-aralan ang kanyang pisikal na hitsura. Sa tingin ko naman ay matanda lang s’ya sa akin ng ilang taon. Kaiba sa ibang konduktor, nakakapagtakang makinis ang isang ‘to. Mukhang may pinag-aralan. At tama ba ang tingin ko? Mukha pa ngang may kaya. Sa porma at pananalita. At parang matanda na kung makapagbitiw ng mga komento. “Tama ka.” Wala sa loob na sang-ayon ko sa kanya. Nakita ko ulit ang kanyang mga ngiti. Napalingon ako sa paligid. Tama ba ‘tong nakikita ko? Bakit kahit trapik ay himalang wala man lamang nakasimangot sa loob ng bus na ito? Napapataas ang kilay na ibinalik ko ang paningin sa harapan. Nakangiti pa rin ang konduktor. Ngiti na bigla ay nagpagaan ng pakiramdam ko. Siya si Dave. Sinadya kaya ng pagkakataon na kinabukasan sa regular kong byahe na ala-sais ay siya ang konduktor ng bus na sinasakyan ko? “Hi ma’am. Hindi na kayo late ah.” Bungad niya pagpasok ko ng bus. “Kahapon lang ako late.” Patuloy kong pagdepensa sa sarili ko na ikinatawa niya. “Lawton kayo ma’am ‘di ba?” “Opo.” Sa Lawton pa ako. Napakahaba pa ng oras kaya nakapagkwentuhan kami. Tama ang hinala ko na matanda s’ya sa akin. Dalawang taon. Malamang kung nakapag-aral s’ya ay tapos na rin s’ya ngayon at dahil matalino makakakuha s’ya tiyak ng magandang trabaho. Mahaba na ang oras na iyon pero parang kulang pa rin. Naaliw ako makipagkwentuhan sa kanya. Alam ko kasi na marami pa akong matututunan sa kanya. Ngunit hindi naman pala ako dapat na manghinayang. Dahil kinabukasan ay s’ya ulit ang nakita ko. At s’ya ulit sa marami pang mga bukas. Dela Rosa. Bumaba kami sa istasyon na ito ni Dave. May klase kasi siya ng alas-otso at male-late na dahil hinintay n’ya ako na isa ring late. Oo. Estudyante si Dave. Hindi rin ako makapaniwala ng malaman ‘yun. Sabi n’ya katuwaan lang n’ya ang pagkokonduktor na ikinataas ang kilay ko. Ngunit hindi na ako gaanong nagtanong ukol sa bagay na iyon. “Sanay ka ba sumakay sa tren?” tanong ko sa kanya habang nag-aabang kami sa may riles. “Ikaw dapat tanungin ko n’yan.” Nakangiti ito at hinawakan ako ng papalapit na ang tren. Ramdam ko ang maingat n’yang pagprotekta sa akin laban sa mga taong nakikipagsiksikan din papasok sa tren hanggang sa makapasok kami sa loob. “Ayos ka lang ba?” tanong nito. Tumango lang ako. Alam ko ayos lang ako dahil kasama ko s’ya rito. LRT Buendia. Pagkatapos ng PNR, LRT naman ang sinubukan namin. Parang bata na mangha akong nakatingin sa labas habang tumatakbo ang tren. Ang saya pala ng pakiramdam kapag tinitingnan mula sa taas ang paligid. Sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang makita na halos kapantay ko na ang ilan sa mga nagtataasang gusali sa kamaynilaan. Para akong ibon na gustong itaas ang mga kamay. Sa bilis ng takbo ay hindi magkamayaw ang mga mata ko sa pagtingin sa labas at subukang kilalanin ang lugar na dinadaanan. Ayun! May nakita akong pamilyar! Ang.. Luneta. “Ang tagal na mula ng huli naming pasyal nila mama dito.” Masayang inilibot ko ang paningin sa Luneta. Weekday kaya mangilan-ngilan lang ang tao na namamasyal ng araw na iyon. “Gusto mo ba ng ice cream?” tanong sa akin ni Dave. Tumango ako na parang bata. Nakapinta ang inosenteng ngiti sa aking mga labi na ikinaaliw ni David. Inaya n’ya ako at naglakad papalapit sa mamang sorbetero. Cotton Candy. Ice scramble. Fishball, kikiam. Mga laruang pambata. Palobo. Naaalaala ko ang aking kabataan sa mga panindang nakikita ko sa palibot ng parke. “Minsan naiisip ko na masaya maging bata”, sabi ko sa mahinang tinig. “Iyon bang wala kang problema. Iniintindi mo lang ang kumain, maglaro at matulog.” “Paano mo naman nasabi na walang problema ang mga bata?” tanong ni Dave. Nagtatakang tumingin ako sa kanya. “Wala naman talaga ‘di ba? Kasi ang mga magulang ang nagbibigay ng mga pangangailangan nila.” Hindi na sumagot si Dave. Nakatingin lang ito sa malayo. Sinundan ko ang kanyang tingin. Wala akong makita kundi ang malawak na tubig. Nakaupo kami paharap sa Manila Bay. Malapit ng magdapit-hapon kaya minabuti na naming hintayin ang paglubog ng araw. Maya-maya ay nakita kong kinawayan n’ya ang isang mama na nagtitinda ng mga lobo at bumili ng isa. “Sa tingin mo. Ano ang reaksyon ng isang bata kapag nabitiwan niya at lumipad ang lobo?” “Iiyak s’ya.” Kibit-balikat na sagot ko. “Anong ginagawa para tumigil s’ya sa pag-iyak?” “Inaalo s’ya? Binibilhan ng isa pang lobo. O kaya bibigyan ng kendi o kahit na ano na makakapagpatigil ng iyak n’ya.” Tumango-tango si Dave sa mga sagot ko. “Bakit kaya s’ya umiyak?” “Kasi mahalaga ‘yun sa kanya?” “Ang pagkasira ng isang laruan, ang pakikipag-away sa mga kalaro. Ang pagpapakabait sa mga magulang. Ang lahat ng mga iyon gaano man kaliit o kasimple para sa atin ay isa ng problema para sa mga bata. Gaya ng lobo na ito. Mahalaga ito para sa kanila kaya iiyakan nila ito kapag lumipad o kaya ay pumutok. Bata man o matanda, may kanya-kanyang problema na angkop sa kanilang edad. Mula ng tayo ay magkaisip pinoproblema na natin kung papaano mapangangalagaan ang mga bagay na mahalaga sa atin.” Iniabot niya sa akin ang lobo. “Ikaw? Ano ba ang mahahalagang bagay para sa ‘yo ngayon?” tanong n’ya sa akin. “Pag-aaral. Ang makapasa sa board exam. At oo. Iiyak ako kung sakali man na hindi ako pumasa.” “Kaya nga nagrereview ka’di ba?” nakangiting komento ni Dave. “Gaya ng mahigpit na pagkakawak ng isang bata sa tali ng lobo para hindi ito makalipad. Ngunit sadyang may mga bagay na hindi para sa atin kaya ito nawawala. Ngunit may dahilan naman ang lahat ng bagay. Baka may mas malaking lobo na ibibigay sa ‘yo. Mas maganda ang kulay. O kaya ay bigyan ka ng tsokolate at kendi o kaya ay isang laruan na maganda. O kaya ay sinadyang tanggalin lang sa ‘yo dahil ito ang mas makabubuti.” Tahimik na nakatingin lang ako kay Dave. Nanibago ako sa kaseryosohan niya. “Bakit ikaw? May isa ka bang lobo na nawala sa ‘yo?” isang tanong na kusang kumawala sa bibig ko. “Isang pangarap.” Nakita ko ang mapakla niyang ngiti. “Hindi s’ya nawala. Kusa kong ibinuka ang aking mga kamay upang mapalipad ito. Sandali akong nawala nang subukan ko itong sundan at kuhanin muli. Ganun pala kapag sinubukan mong habulin ang hindi para sa ‘yo. Madawag sa daan. Matalahib. Nakakasugat. Ngunit titiisin mo pa rin dahil gusto mo. Hanggang sa madapa ka at hindi na makabangon.” “Pero nakabangon ka naman ‘di ba?” Katahimikan ang sumunod na namayani sa pagitan naming dalawa. Tanging ang alon at ang mga tao sa paligid lamang ang maririnig. Ibinaling ko ang aking paningin sa kalangitan. Papalubog na ang araw. Naging kulay dugo na ang kalangitan. Animo nasaktan ang langit sa pag-alis ng araw sa mga oras na iyon. “Ang ganda ng araw kapag papalubog na ‘di ba?” sabi ko kay Dave. “Pero ang totoong nagustuhan ko sa paglubog ng araw ay ang isipin na kinabukasan ay sisikat ulit ito. Isang bagong araw na naman upang mabigyan muli tayo ng pagkakataon na gawin ang mga dapat nating gawin.” Wala akong narinig na salita mula sa kanya. Ngunit naramdaman ko na may dumampi sa aking mga kamay na may hawak ng lobo. Nagulat ako at di sinasadyang nabitawan ko iyon. Sa pagsunod ko ng tingin sa lobong lumipad ay naging paghawak ang kanina ay dampi lamang sa aking kamay. “Bumangon ako,” narinig ko ang kanyang pagbuntung-hininga. “Pagbangon na tinanggap ang aking pagkatalo. Mahalaga sa akin ang pangarap. Ngunit mas mahalaga sa akin ang mga taong nakakasama ko sa paglalakbay sa aking buhay. At sila ang nagbigay sa akin ng bagong pangarap.” Muli akong tumingin kay Dave. “At hindi ako nagsisisi na itinigil ko ang paghabol sa dati kong pangarap. Dahil ngayon nakakapagbigay ako ng kasiyahan sa mga mahal ko sa buhay. At higit sa lahat, mas naging makulay ang buhay ko dahil sa mga taong nakikilala ko.” Ramdam ko ang paghigpit ng hawak niya. “Dave..”, tanging nasambit ko. Ngumiti lang s’ya at itinuon ang paningin sa kalangitan. Ilang sandali ko s’yang tinitigan. Bumaba ang tingin ko sa kamay n’yang nakahawak sa akin at pagkatapos ay tumingala upang pagmasdan muli ang araw. “Ako, wala naman akong pinagsisisihan sa mga ginawa ko. Umaayon lang ako sa nagiging takbo ng buhay ko.” Usal ko kasabay ng pagganti ng hawak sa kanyang kamay. Nagkatinginan kami. Kapwa nangungusap ang aming mga mata. At ang mga ngiting sumilay sa aming mga labi ang tanging nakabatid kung ano ba ang dulot na hiwaga ng aming mga naging paglalakbay. ***************************** Lahat ng paglalakbay ay may katapusan. Lahat ay may destinasyon. Minsan kahit tiyak ang ating patutunguhan, marami pa ring sorpresa ang maaaring sa atin ay nakaabang. “Kailan ulit ang sakay mo ma’am?” “Sa susunod na buwan na po.” Dahan-dahang bumilis muli ang byahe nang papalapit na kami sa Lawton. Naghanda na ako para bumaba. Pagtapak ng aking mga paa sa labas, iisipin ko na naman kung kailan ulit ako makakasakay sa bus na ito. At kailan ko kaya siya muling makikita. “Ma’am, kamusta nga pala kayo. Pinapasabi po ni Sir Dave.”, pahabol ni kuya Benjie bago ako tuluyang makababa mula sa bus. Isang ngiti ang isinagot ko sa kanya. Nanatili lang akong nakatayo habang hinahabol ng tingin ang bus na papalayo. Nagsimula sa byaheng mabilis. Buhay na paulit-ulit kaya mabilis na lumilipas ang mga oras. Hanggang sa may dumating na bagay na nakaagaw ng aking pansin. Kaya ang buhay na minamadali ay dagliang bumagal. Ito ay naging matrapik dahil gusto kong namnamin ang bawat sandali. Dumating sa punto na inakalang hindi na muling uusad ang trapiko. Na ang kasiyahan ay hindi na matatapos. Ngunit katulad sa paglalakbay, mayroon kaming takda na destinasyon. Hindi ko man gusto, matatapos ang paglalakbay na iyon at dahan-dahang bibilis ulit ang takbo. Maghihiwalay din ang aming landas gaya ng dalawang pasaherong nagkatabi sa sasakyan na magkaiba ang bababaan. Magkagayunman, umaasa ako na muli s’yang makakasabay. ******************************** Isang estrangherong nagbabasa ng dyaryo na tumatakip sa mukha ang katabi ko ngayon sa bus. Isang buwan na ang matuling lumipas. Isang buwan na hiniling ko na sa muling pagsakay ko sa byaheng ala-sais ay makita ko siyang lulan sa bus na ito. Sa pagkadismaya ko. Si Kuya Benjie at si Paul ang naabutan ko. Hindi ako makapagmasid sa labas dahil ang lalaking nagbabasa ng dyaryo ang nakaupo sa tabing bintana. “Malas sa byahe ang nakasimangot.” Hindi ko pinansin nang magsalita ang lalaking katabi ko. Ngunit natuon ang atensyon ko sa kanya nang rumehistro sa isip ko ang kanyang boses. “Suplada ka na ngayon Rain?”, sabi pa nito ng hindi n’ya ito nilingon. Nananaginip ba ako? Ganun na ba ang kasabikan ko na makita si Dave kaya pati boses n’ya ay pumapasok sa guni-guni ko? “Loraine.” Naramdaman ko ang paghawak sa aking kamay. Dahilan upang tingnan ko ang lalaki. “Dave..”, kulang na lang ay magpasampal ako sa mga oras na iyon para masiguro ko na totoo ang nasa harapan ko. “Oo. Ako nga ‘to.” Nakita ko ang mga ngiti na hinahanap-hanap ko ng mga nagdaang buwan. “Loraine. Hindi naman siguro ako mukhang multo. O mas naging gwapo ba ako sa paningin mo?” pagbibiro nito. Hindi ko napigilan na kurutin s’ya sa pisngi. “Aray!” sapo nito ang pisngi at natatawang tumingin sa akin. “Bakit?” “Nakakainis ka. Bakit ngayon ka lang nagpakita?” “Bakit ikaw? Ngayon ka rin lang sumakay?” “What do you mean?”, taas kilay na tanong ko. Bumuntung-hininga si Dave. Hinawakan n’ya muli ang kamay ko habang nagsimula sa pagpapaliwanag. Ngunit alam ko naman sa puso ko na hindi na n’ya kailangan ng paliwanag. Kahit anong nangyari, naiintindihan ko s’ya. Patuloy lang kami na nagpatuloy sa aming kani-kaniyang paglalakbay. Ako tungo sa pagiging propesyonal at siya ay sa kanyang pagtatapos. Sa wakas narating na rin niya ang isang bus stop sa kanyang buhay. “At sana sa susunod kong destinasyon kasama na kita.”, narinig ko na pagtatapos ng pagpapaliwanag ni Dave. Ngumiti ako at may sasabihin sana nang matanawan sa labas na malapit na akong bumaba. “Saan ka ba papunta ngayon?”, sa halip ay tanong ko sa kanya. “Sa puso mo.” Walang pag-aatubiling sagot nito. Lumawak ang pagkakangiti ko sa sagot niya. “Matagal ka nang nandito sa puso ko.” At alam ko na mula ngayon, may pagkakaiba man ang ilan sa tatahakin naming daan, magtatagpo ulit ito sa isang sangandaan na iisa ang patutunguhan.
Posted on: Fri, 18 Oct 2013 02:43:44 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015