REPOST! Patak ng luha ng isang ama Tumatakbo yung dyip na - TopicsExpress



          

REPOST! Patak ng luha ng isang ama Tumatakbo yung dyip na sinasakyan ko nang mabilis pero para sa akin napakabagal pa nito. Sumisigaw na yung ale na katabi ko sa driver para sabihin magdahan-dahan, pero kabaliktaran ito ng gusto kong mangyari. Sana mas mabilis, kasing bilis ng kabog ng dibdib.Lumipas na naman kasi ang isang taon at suwerte naman nakapagbakasyon ulit bilang isang OFW worker sa Kuwait. Excited na kasi akong makita ang aking anak na ngayon ay nasa paaralan. Last exam na nila sa araw na ito. At hindi nya alam na ako ang susundo sa kanya.Hay! sa wakas hindi ako late sa takdang labasan ng eskwelahang kanyang pinapasukan. Habang naghihintay sa labas nakita ko na paparating na rin ang kanyang ina para sumundo rin.Teka parang ang gulo. Magkahiwalay kaming susundo sa iisang anak!. Oo. Sa madaling salita, magkahiwalay.Di nagtagal, tumunog ang bell at naglabasan na ng mga estudyante. Nakita ko agad ang aking anak na patakbo palabas ng gate – ngunit sa paningin ko ay tila slow motion – at humintong bigla nang makita akong nasa likuran ng kanyang ina. Ewan ko ba, pilit kong tinatago ang kalahati ng aking luha sa mata pero di ko pa rin pansing umaagos ito sa tuwa nang bigla niya akong yakapin na para bang ayaw na akong bitiwan. Siguro kung maipipinta lang ito o kaya makuhanan ng larawan, mararamdaman niya, nila, o ng kahit na sino ang pagmamahal ng isang anak sa kanyang ama.Nag flashback lahat ng mga pangyayari na parang mga kuwadro sa komiks o episode ng isang pelikula na naipapakita ang nakaraan pabalik sa magandang ala-ala. O kay sarap marinig ang unang salitang “daddy,” ang makita ang unang hakbang at haliikan ang unang sugat sa tuhod sa paghahabol tuwing aalis ako at papasok na ng opisina. Ang unang sampa sa balikat ko habang namamasyal sa plaza, ang unang bili sa tindahan ni Aling Nena, at ang pangungulit ko para lang mapa-inom siya ng gamot tuwing may sakit. Walang sinabi ang energy drink na kahit anong brand kung walang tulugan lang ang pag uusapan sa pagbabantay sa kanya tuwing brownoutpara paypayan tuwing naiinitan at suportahan para walang dumapong lamok sa kahit saan parte ng kanyang katawan.Biglang may tumapik sa aking likuran at sumenyas na aalis na daw sila ng aking anak. Saka lang ako nakabalik sa realidad ng buhay. Ay oo nga pala, sabay punas sa mata na kahit anong kubli ng sunglass na suot, ay kita pa rin ang mga luha na umapaw. Niyaya ko silang kumain muna bago umalis, pero ayaw ng kanyang ina, kaya nagpaalam na lang ako sa kanyang ipasyal ko muna ang aking anak. Salamat naman at pumayag.Pumunta kami sa malapit na mall na lagi naming pinupuntahan tuwing ako’y balik-Pinas. “Daddy, sabi niya, “ ito yung unang playground na naglaro ako, ayaw mo akong ilapag (ibaba sa pag kakakarga) kasi sabi mo baka mawala ako. Tapos di mo rin ako iniiwan tuwing naglalaro sa playworld gayung meron naman tagapagbantay duon. Minsan kasama pa kita sa loob naglalaro -- ikaw lang ang lalaki doon, puro yaya ang nagbabantay.Ewan ko ba kung bakit ako nagiging emosyonal, na sa tuwing mapapadaan kami sa madalas namin puntahang lugar, naiiyak ako na natutuwa, dahil sa mura nyang edad naaalala pa niya ang masasaya naming pagsasama.Tinanong ako ng aking anak kung okay lang ako. “Oo naman, masayang masaya ako kasi kasama kita sa oras na ito, walang kasing saya,” sagot ko. Palagay ko rin ganoon din ang nararamdaman ng aking prinsesa. Niyaya ko syang kumain, at syempre doon sa paborito naming restoran na may sisig at barbecue. Ang bilis ng panahon. Dalagita na ang aking prinsesa. Marami akong gustong sabihin at ipaliwanag pero di ko masabi. Napapatitig lang ako sa kanya. Di ko alam kung paano ako magsisimula. Marami syang naikwento, na para bang gusto nyang malaman ko ang buong detalye ng kanyang karanasan habang ako’y wala -- saschool, sa activities, sa mga bagong kaibigan, sa mga ayaw niya at gusto. Yung iba ay narinig ko na, dahil madalas naman kaming magusap sa telephono at internet. Kilala ako ng aking anak, Kalog ako, laging makulit, parang laging walang problema tuwing kasama ko siya. Pero sa pagkakataong ito, hindi ako makapagsalita nang ang kasunod nyang tanong ay BAKIT?Bakit? Wala namang tanong na hindi nasasagot pero di ko malaman kung saan ako magsisimula. Pabiro ang sagot ko: “Kasi mahirap balatan ang kamatis” na para bang si boy pick-up na malayo sa tanong ang sagot.Matipid na ngiti ang napansin ko sa kanya. Pilit din itinatago ang luha. Bakit nga ba? Kapalit ba ng pagsakripisyo para magtrabaho sa abroad ay ang wasak na pamilya? Lungkot na nga yung pagalis, lungkot pa rin ang pagbabalik. Ayaw ko ng ganito. Di ko kayang saktan ang anak ko sa tanong niya na hindi ko masasagot. Parang di ko mapapatawad ang sarili ko sa mga nangyari. Pilit ko man itago, malaki ang pagkukulang ko.Di ko pa nasasagot ang tanong nya, may kasunod na tanong pa. NASAAN KA?Kahit sabihin kong nandito ako palagi at di ko sila pababayaan, nasaan na ba ako talaga? Di pa rin ako nakasagot sa pangalawang pagkakataon at duon sabay na pumatak ang luha naming mag-ama.Gusto kong sumigaw magwala at pagsusuntukin ang sarili ko; ayaw kong nasasaktan ang aking anak. Ang sakit sobra ng naramdaman ko, parang wala akong magawa sa mga nangyayari.Pakiramdam ko ay madilim na madilim yung paligid at parang anino lang namin ang nakikita. Tahimik. Parang ang mga mata lang naming luhaan ang naguusap. Bingi kami sa paligid at bulag sa mga nagdaraan. Di ko rin alam kung may nakakapansin sa amin.Lumapit ako at niyakap ang aking anak, walang lumalabas sa aking bibig. Mahigpit din niya akong niyakap. Ako na sa isang anak, napaiyak sa kanyang balikat, hinihingi ang kanyang lakas ng loob at pang-unawa. At siya sa kanyang ama, binibigay ang pang-unawa at pagmamahal at umaamo para maibsan ang patak ng luha ng isang ama. >mariposa
Posted on: Fri, 09 Aug 2013 06:06:21 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015