Unahan ang mga mambabatas mula sa Mataas at Mababang Kapulungan ng - TopicsExpress



          

Unahan ang mga mambabatas mula sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa paghahain ng mga panukalang batas kasabay ng pagbubukas ng 16th Congress. Sa Senado ay nanguna ang mga bagitong senador sa paghahain ng panukala na sinundan ng ilan ding mga beterano. Humigit-kumulang sa 80 panukalang batas ang naihain sa unang araw pa lamang sa Senado habang umabot naman sa mahigit 1,000 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Bagama’t hindi masasabing bagong lahat ang mga isinumiteng mga bills, aminado ang ilang mambabatas na inulit ang ilan sa mga ito kabilang ang kontrobersiyal na Freedom of Information (FOI) bill. Prayoridad naman ng ilang mambabatas na unang lumutang para maghain ng panukala ang kanilang mga pet bills para masigurong maipapasa ito bago ang pagtatapos ng Kongreso. Sa ipinakitang maagap na pagkilos ng mga mambabatas sa pamamagitan ng paghahain ng kani-kanilang mga prayoridad na panukala ay ipinamalas nila ang kanilang dedikasyon sa pinasok na larangan. Kaya naman saludo kami sa lahat ng mga mambabatas na sa pagbubukas pa lamang ng Kongreso ay nakapaghain na ng panukala bilang bahagi ng kanilang papel sa lipunan. Pero sana ay hindi lamang sa simula natin maramdaman ang pagpaparamdam ng mga mambabatas kundi hanggang sa huling araw ng kanilang pasok sa Kongreso. Higit sa lahat ay magkaroon naman sana ng positibong resulta o maisabatas sana ang lahat ng mga kapaki-pakinabang na panukalang inihain ng ating mga mambabatas upang sa gayon ay maging epektibo naman silang mga lawmaker at hindi nagpasikat lamang sa pagbubukas ng Kongreso pero sa kalagitnaan at bandang huli ng mga pasok ay wala nang gagawin kundi ang magliwaliw at gamitin ang kapangyarihan para sa pansariling interes.
Posted on: Sun, 07 Jul 2013 22:12:45 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015