KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 13 AUGUST 2013 Plunder - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 13 AUGUST 2013 Plunder sa P900 M Malampaya fund INSPIRASYON SA BUHAY: “… Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo habang ikaw ay bata pa, bago dumating ang panahon ng mga kapighatian…” (Mangangaral 12:1, Bibliya). -ooo- PLUNDER SA TIWALING PAGGAMIT NG P900 M MALAMPAYA FUND: Tumpak si Justice Secretary Leila De Lima sa pagpapatawag niya ng mga dati at kasalukuyang mga alkalde na ang mga pangalan ay lumilitaw na humiling, o di kaya ay nakatanggap na nga, ng pondo mula sa P900 million Malampaya gas fund. Layong magamit sa pagsasa-ayos ng mga bayan at lungsod na nasalanta ng mga bagyong Ondoy at Pepeng noon 2009 ang pondo, pero ito ay ibinulsa at ninakaw naman diumano ng isang babaeng negosyante at ng kanyang pamilya. Kung haharap ang mga alkalde sa Department of Justice at National Bureau of Investigation, maaari ng kuhanin ang kanilang mga salaysay upang magamit na katibayan sa anumang kasong kriminal na maaaring maisampa laban sa negosyante at sa kanyang pamilya, at sa lahat ng mga opisyales ng pamahalaan na mapapatunayang nakipagsabwatan sa pagnanakaw ng nasabing P900 milyong pondo. Ang kaso ay maaaring plunder o pandarambong, sa ilalim ng Republic Act 7080. Dahil ang parusa dito ay habambuhay na pagkakabilanggo, walang piyansa ang mga akusado, at kakailanganin nilang ikulong habang ang kaso ay nililitis. Partikular, ang pagnanakaw ng milyong pisong pondo ng Malampaya ay “pang-uumit, paggamit ng wala sa lugar, o di kaya ay pagnanakaw ng pondong pampubliko” sa ilalim ng Section 1 (d) (1) ng batas. -ooo- DE LIMA, MAS MARAMI PA ANG IPATATAWAG: Pero, kung nais ni De Lima ng mas malawak na imbestigasyon, dapat din niyang ipatawag ang mga dating alkalde at mga kongresista na ang mga pangalan ay nakasama din bilang mga tumanggap ng pondo mula sa P750 million agricultural fertilizer fund ng gobyernong Arroyo noong 2004. Dahil inumpisahan na din lang naman ng DOJ at NBI ang pagbusisi sa mga pagnanakaw ng bilyong pondo, isama na din nila ang fertilizer scam na ito. Sigurado akong ang mga dating mayors at mga dating congressmen ay makakapagbigay ng tamang katibayan na magpapakita ng mas marami pang katiwalian sa paggamit ng pondo sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Sa totoo lang, may listahan ng mga dating mayors at mga congressmen na ito mula sa Commission on Audit (kung di ako nagkakamali), kasama na ang mga halagang diumano ay natanggap nila. Alam ko may ganitong listahan kasi nabigyan ako ng kopya, na ginamit ko naman upang isiwalat sa kolum na ito ang mga pangalan ng nasabing mga mayors at mga congressmen, kasama na ang pondong nakuha nila. Naeskandalo noon ang marami sa kanila, kasama ang noon ay Quezon City 3rd District Rep. Maria Theresa Defensor, na nakatanggap diumano ng P5 milyon para sa mga bukid sa lungsod. Kapatid si Maria Theresa ni Mike, kaalyado ng Pangulong Arroyo. -ooo- HUWAG MAGING SAKIM SA PONDO NG GOBYERNO: Noong sinabihan ako ng namayapa ng Sen. Raul Roco na tumakbo bilang Senador sa ilalim ng kanyang Aksiyon Demokratiko Party noong 2004 sa kanyang ikalawang kandidatura sa pagiging pangulo, ibinigay niya sa akin ang nasabing listahan, kasama ang ilan pang mga dokumento. Dahil di ako makakuha ng iba pang mga katibayan noon, nagsampa ako ng kaso sa Korte Suprema laban sa mga opisyales ng gobyernong Arroyo. Dinismis ng Korte and aking petisyon, pero, inabutan na ito ng iba pang mga pangyayari, kasama ang pagpatay sa isang babaeng mamamahayag mula sa Mindanao. Ngayong pinupursigi ni De Lima at ng NBI ang pagsisiyasat sa mga eskandalong ito, hindi pala naman nababalewala ang kamatayan ng babaeng iyon. Kung aayusin ni De Lima ang imbestigasyon, baka maging pangulo pa siya ng bansa. Sa ngayon, nararapat alalahanin ng lahat---sa mga nasa gobyerno at nasa pribado---na hindi maganda ang kasakiman, lalo na sa pondo ng gobyerno, sapagkat di magtatagal, kailangang tuusin natin ang ating mga sarili sa mga ginawa natin. Ayon sa Mangangaral 12:14, “Ang lahat ng ating gawa, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit natin sa Diyos.” -ooo- REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: batasmauricio@yahoo, mmauriciojr111@gmail. -30-
Posted on: Tue, 13 Aug 2013 00:18:11 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015