Paglilihi, Final Part Click here for Paglilihi, Part I. Click - TopicsExpress



          

Paglilihi, Final Part Click here for Paglilihi, Part I. Click here for Paglilihi, Part II. Wala ako sa sarili habang ginagamot ng mga doktor at mga nurse ang aking anak sa emergency room. Wala akong magawa kundi ang umiyak. Pilit akong kinakalma ni Lando ngunit hindi ko siya napapansin. Hindi ko maalis sa aking isipan ang duguang katawan ni Emmy. Ilang minuto ang lumipas at lumapit sa amin ang isa sa mga doktor. Seryoso ang kanyang mukha na lalong bumuhay sa takot sa aking dibdib. “Malayo po sa panganib ang inyong anak, pero…” Biglang parang hindi ako makahinga. “Kailangan po siyang sumailalim sa operasyon para maalis ang mga bubog na nasa kanyang mga mata.” “Diyos ko po!” naibulalas ko. “Anong mangyayari sa anak ko?” “Gagawin po namin ang lahat para matanggal ang mga bubog sa mga mata ng inyong anak. Medyo maselan po ang operasyon. Ang ipagdasal na lang po natin, sana’y walang malubhang pinsala ang kanyang mga mata na maaaring magdulot ng pagkabulag.” Para na rin akong pinatay ng doktor sa kanyang sinabi. “Mabubulag ang aking anak!” “Iyan po ang gusto nating maiwasan. Kaya nga po natin gustong maipasok na kaagad ang inyong anak sa operating room.” Biglang nanghina ang aking tuhod. Buti na lang at nasa tabi ko lang si Lando at nasalo niya ako. “Gawin niyo po ang lahat, dok,” pagmamakaawa ng aking asawa. ### Halos tatlong oras ang lumipas bago lumabas sa operating room ang doktor. Kahit parehong pagod at walang tulog, mabilis naming sinalubong ni Lando ang doktor. “Dok, kamusta na po ang anak namin?” tanong ko. “Natanggal na po namin ang lahat ng bubog na pumasok sa mga mata ng inyong anak. Pinalipat ko na rin po siya sa ICU. Ginawa na po namin ang lahat ng aming makakaya. Ang magagawa na lamang po natin sa ngayon ay ang maghintay hanggang sa magising ang inyong anak para malaman kung mayroong tinamong pinsala ang kanyang mga mata, permanente man o hindi.” Ilang katanungan namin ang sinubukang sagutin ng doktor bago niya kamin iwanan. Ang pinakaimportanteng tanong lamang ang hindi niya nasagot. Makakakita pa kaya ang aming anak? ### “Hon, mukhang magtatagal pa tayo rito,” sabi ni Lando. “Bakit hindi ka muna umuwi para kumuha ng mga gamit? Pagbalik mo ako naman ang uuwi para makapunta sa opisina at makapag-file ng leave.” Bagamat ayokong umalis ng hospital ay napilitan na rin ako. Nagsisimula ng magliwanag ng makarating ako sa aming bahay. Mabilis akong nag-empake ng ilang mga gamit – mga damit, kumot, unan, tubig, at pagkain. Mabilis ko ring nilinis ang nagkalat na basag na salamin at pagkatapos ay tinakpan ko ang aming bintana ng isang kapirasong plywood. Paglabas ko ng aming bahay, napansin ko ang apartment na tinutuluyan ni Linda. Basag ang isa sa mga bintana at nakabukas ang pintuan. Bagamat nagmamadali ay hindi ko mapigilan ang mag-alala para sa babae. Lumapit ako sa kanyang apartment at sumilip sa bintana. “Linda?” tawag ko. Nagkalat ang basag na salamin sa loob ng kanyang bahay. “Linda?” muli kong tawag ngunit wala pa ring sumagot. Tahimik na tahimik ang loob ng bahay. Baka lumabas. Tatalikod na sana ako ng may marinig akong isang malakas na kalabog mula sa ikalawang palapag ng apartment. Biglang parang nakita ko sa aking isipan si Linda, nadulas at duguang nakahandusay sa lapag. Mabilis akong pumasok sa bukas na pinto at nagmamadaling umakyat ng hagdanan. “Linda! Linda! Ayos ka lang ba?” Pagdating sa itaas ay may dalawang pintuan. Sinubukan kong buksan ang nasa kanan ngunit naka-lock ito. Nang subukan ko naman ang nasa kaliwa, ito’y bumukas at dali-dali akong pumasok. Ngunit bigla akong natigilan. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang aking nakikita. Madilim ang paligid dahil natatakpan ng itim na kumot ang mga bintana ngunit kitang-kita ko na walang kalaman-laman ang silid maliban sa isang parisukat na lamesa na nasa gitna ng kuwarto. Sa ibabaw ay nakapatong ang kung anu-anong mga bagay. May ilang itim na kandila na nakatirik. May mga nabubulok na bagay na nakalagay sa ibabaw ng isang itim na plato. May ilang mga dibuho at mga estatwa na parang inukit sa bato. May mukhang mga tao, may mukhang mga hayop, ngunit karamihan ay mukhang mga nakakatakot na halimaw. Ngunit ang pinakanagpatindig ng aking balahibo ay ang mga larawang nakalatag sa gitna ng lamesa. Mga larawan ng mga bata. Isa-isa kong tiningnan ang mga larawan at ng makita ko ang huling tatlo, para akong nakuryente sa sobrang takot. Kilala ko ang tatlong bata na nasa mga larawan. Si Maylin. Si Peter. At ang huling-huli, ang aking anak, si Emmy. Hindi ko naiintindihan ang aking nakikita ngunit hindi maganda ang aking nararamdaman. Masama. “Anong ginagawa mo rito!” isang galit na boses ang narinig ko mula sa aking likuran. Gulat akong tumalikod at nakita si Linda. Nanlalaki ang kanyang mga mata sa galit. “L-Linda? Ano ito?” mahinang tanong ko sabay turo sa lamesa. Biglang ngumiti si Linda, nawala ang galit sa mukha at hinimas ang kanyang malaking tiyan. “Ang mga bata, salamat sa mga bata, magiging perpekto ang anak ko. Ang anak namin!” “Ano bang pinagsasabi mo Linda?” Muling kumunot ang noo ni Linda at nabura ang ngiti sa mukha. “Hindi mo maiintindihan. Tulad ka rin ng iba. Sarili mo lang ang iniisip mo. Mapang-abuso!” Bigla akong sinunggaban ni Linda. Buti na lamang ay may kabagalan siya sa kanyang mabigat na dinadala. Madali ko siyang nailagan. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari kay Linda ngunit alam kong mapanganib siya. Mabilis akong tumakbo papalabas ng kuwarto. Pababa na sana ako ng hagdan ng biglang may humila sa aking buhok. Napasigaw ako sa sakit. “Sa’n ka pupunta, Ate Julie?” masayang tanong ni Linda. Abot-tainga ang kanyang ngiti na para bang nababaliw. “Mamaya ka na umalis. Hindi ba gusto mong makilala ang ama ng anak ko? Puwes. makikita mo na siya ngayon!” Itinaas ni Linda ang kanyang kaliwang kamay at nakita kong may hawak siyang isang malaking kutsilyo. Kitang-kita ko ang matalas na talim nito, na para bang kumikinang pa. Hindi ko na tiyak kung ano ang sumunod na mga nangyari. Basta’t ang alam ko ay sinubukang kong agawin ang kutsilyo kay Linda, ngunit sa sumunod na iglap ay nakita ko na lamang siyang gumugulong pababa ng hagdanan. Dinig na dinig ko ang malakas na lagabog ng kanyang katawan sa kahoy na hagdan. Pagdating sa ibaba, akala ko ay isa na siyang bangkay. Hindi siya gumagalaw. Lumipas ang ilang minuto nang bigla akong magulat dahil napabalikwas siya. Umuungol siya sa sakit ngunit parang hindi niya alintana ito. Mabilis niyang hinimas ang kanyang tiyan, sinisiyasat ang kanyang sinapupunan. Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Dinudugo siya. Mabilis na umaagaos ang mapulang dugo sa sahig. Napasigaw siya. Isang malakas na sigaw na parang hindi mula sa tao. Para itong galing sa ilalim ng lupa. Dito ay bumigay ang aking tuhod at napasalampak ako sa lapag. Hindi ko alam kung gaano siya katagal nagsisisigaw. Bigla akong nahilo at bago ako nawalan ng ulirat, nakita ko ang ilan naming kapitbahay na nagmamadaling pumasok at lumapit kay Linda. Marahil ay narinig nila ang babae. Sinubukan nila siyang kalmahin at pagtulung-tulungang buhatin. Bago siya mabuhat papalabas, tinitigan niya ako ng masama. ### Nang magising ako ay nasa hospital na rin ako. Nasa tabi ko si Lando. Kitang-kita ko na masaya siya. Hindi na niya ako hinayaang magtanong. Ibinalita niya kaagad sa akin na walang permanenteng pinsalang tinamo ang mga mata ni Emmy. Hindi mabubulag ang aming anak. Paglipas lamang ng ilang araw ay babalik na sa normal ang kanyang paningin. Napaiyak ako sa aking narinig. Hinayaan lang ako ni Lando at niyakap ako ng mahigpit. ### Paglipas ng dalawang linggo ay nakalabas na kami sa hospital. Masaya kaming umuwi. Buo na ulit ang aming pamilya. Nagbigay ako ng pahayag sa mga pulis tungkol sa mga nangyari sa bahay ni Linda. Sinabi ko na pinagtangkaan niya akong patayin at ipinagtanggol ko lamang ang aking sarili. Aksidente lamang ang pagkakahulog niya sa hagdan. Agad namang tinanggap ng mga pulis ang aking pahayag. Nang tanungin ko sila tungkol sa kalagayan ni Linda, napailing sila. Hindi raw nakaligtas ang anak ni Linda. At dahil dito ay nabaliw ang babae. Ang huling balita daw nila ay ipinasok ang babae sa mental hospital ng kanyang mga magulang. Sinubukan ko rin silang tanungin tungkol sa mga bagay na nakita ko sa kuwarto ni Linda, lalung-lalo na ang tungkol sa mga larawan. Dito ay wala silang sagot. Nakalabas na rin sina Maylin at Peter sa hospital. Himalang gumaling ang kanilang mga karamdaman, na laking ipinagtaka ng mga doktor. Hindi nagtagal at bumalik ang ganda ng kutis ni Maylin, at ang lakas at lusog ng katawan ni Peter. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano talaga ang nangyari. May kinalaman ba si Linda sa mga nangyari sa mga bata? Dahil ba sa pinaglihiian niya ang mga ito kaya sila dinapuan ng kung anu-anong sakit? At gumaling ba ang mga bata dahil sa namatay ang anak ni Linda? Sa palagay ko ay walang makakasagot sa mga tanong na ito.
Posted on: Sun, 07 Jul 2013 09:00:25 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015