KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 03 JULY 2013 Bibliya, - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 03 JULY 2013 Bibliya, Koran, magpapabago sa PNP, di P9B INSPIRASYON SA BUHAY: “… Huwag na kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Magbago na kayo ng inyong isip. Sa ganun, inyong mapapatunayan ang kalooban ng Diyos, ang Kanyang mabuti, kasiya-siya at ganap na kalooban…” (Roma 12:2, Bibliya). -ooo- PAGLILINAW, HILING SA MGA PROTESTERS: Tanong: ano ang mas delikado sa kaligtasan ng sambayanan, at sa kalayaan ng ating bayan---ang pagkakaroon ng mga pagsasanay o war exercises ng Estados Unidos at ng Pilipinas upang lalong mapaigting ang husay ng mga sundalong Pilipino, o ang pagkakaroon ng aktuwal na pananakop ng mga bahagi ng ating teritoryo ng isang makapangyarihang bansa gaya ng China? Sa sinumang Pilipinong nag-iisip, hindi mahirap sagutin ito. Pero, bakit maraming mga grupo ang kumukuwestiyon at nagpo-protesta sa pagsasanay ng ating mga sundalo ng puwersang Amerikano, samantalang napaka-tahimik nila at walang pagkondena sa paglusob at pananakop ng mga tropang Chino sa ating Scarborough Shoal, Ayungin Shoal, at halos sa lahat na ng isla sa Spratlys sa West Philippine Sea, na tunay namang bahagi ng Pilipinas? Maaari bang ipaliwanag ito ng mga nagpo-protesta laban sa US? -ooo- SALAMAT, STAR’S JARIUS BONDOC: Pinasasalamatan ko ang isang kasama nating kolumnista, si G. Jarius Bondoc ng Philippine Star, sa kanyang isinulat sa kanyang kolum na “Gotcha” noong Julio 03, 2013, kung saan itinampok niya ang petisyong isinampa ko para sa isang grupo ng mga residente ng Pasay City sa Commission on Elections. Sa petisyong ito, hiniling ng mga residente ang deklarasiyon ng failure of elections doon, dahil sa dayaan sa computer. Ang kolum ni Bondoc ay pinamagatan niyang “Mas maraming boto kaysa botante sa Pasay; pagtanggi sa alibi ng Comelec”, at ganito ang salin ng kolum: “Hindi lamang mas maraming boto kaysa sa botante ang pinag-uusapan, kundi aktuwal na nabilang, sa Pasay City. Kaya naman ang ilang mamamayan doon, na kinakatawan ng columnist-lawyer na si Melanio `Batas’Mauricio, ay tumututol sa pagkaka-proklama ng kanilang alkalde. “Sa petisyong naisampa sa Comelec noong Junio 25, hiniling ng mga residente ang manual recount sa higit sa 300 presinto sa unang distrito ng Pasay. Ito ay dahil sa mas maraming boto ang lumilitaw na naibigay sa apat na kandidatong mayor, kaysa sa dami ng mga balotang na-tally ng PCOS (precinct count optical scan) voting machines. Dahil sa nasabing statistical-mathematical impossibility o di katanggap-tanggap na resulta, sinabi ng mga nagrereklamo na mayroong maliwanag na failure of election sa lungsod. “Tinutukan ng mga mamamayan ang Clustered Precincts 1 hanggang 10, 20 hanggang 25, 27 at 28 at 46 hanggang 49. Ang nabilang ng PCOS machines sa mga presintong ito ay 7,547 mga balota lamang, gaya ng ipinakikita ng mga opisyal na statement of votes na ang mga kopya ay isinama sa petisyon. Pero ang kabuuang bilang ng mga botong nakuha ng apat na kandidatong mayor ay umabot sa 9,045. Saan nanggaling ang sobrang 1,858 na boto---na itinala din ng PCOS? -ooo- BIBLIYA, KORAN, MAGPAPABAGO SA PNP, DI ANG P9B: Minsan pa, ayaw kong maging “killjoy”, pero malaki ang paniniwala kong kahit inaprubahan na ng Pangulong Aquino ang P9 bilyong “transformation fund” para magamit ng Philippine National Police sa pagitan ng 2013 hanggang 2016, wala din namang maayos na pagbabagong idudulot ito sa paglilingkod ng kapulisan sa sambayanan. Ang dapat na pinag-aambisyunan ng Pangulo ay “pagbabago ng espiritu” ng bawat PNP officer at employee, sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang mga isip, upang magkaroon sila ng takot at pagmamahal sa Diyos, anuman ang kanilang relihiyon. Sapagkat kahit binabaha ng pondo ang PNP, at magiging bago na ang kanyang mga baril at mga gamit, walang magiging pagbabago kung nananatili naman ang mga masasama at tiwali sa serbisyo. Upang maisakatuparan ang pagbabagong ito, dapat magsagawa ang PNP ng mga Bible at Koran studies, depende na sa sinasamahang grupo ng mga opisyales at mga empleyado nitong sibilyan, at gawin itong isang regular---o pang-araw-araw---na gawin, at bahagi ng opisyal na oras. May tunay na pangangailangan na mabago ang kaisipan ng mga naglilingkod sa PNP, gaya ng sinasabi ng Roma 12:2 ng Bibliya. Doon pa lamang magkakaroon ng tunay na pagbabago, PNP Director General Allan Purisima. -ooo- REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: batasmauricio@yahoo, mmauriciojr111@gmail.
Posted on: Wed, 03 Jul 2013 00:09:11 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015