Press Statement August 26, 2013 SISTEMANG PORK BARREL BALON NG - TopicsExpress



          

Press Statement August 26, 2013 SISTEMANG PORK BARREL BALON NG KORAPSYON, TAGUYOD SA PATRONAGE POLITICS. Umaalingasaw ang baho at kabulukan ng sistemang pork barrel matapos sumambulat ang exposẻ tungkol sa P10B pork barrel scam na kinasasangkutan ng ilang Senador at Kongresista. Malawakan at garapalang korapsyon gamit ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga Mambabatas na idinaan sa sindikato ng mga pekeng NGOs ang nalantad sa publiko. Dahil dito, bumulwak ang espontanyong galit ng mamamayan. Gamit ang social media, ipinanawagan ang pagbuwag sa sistemang pork barrel, pagsasagawa ng seryosong imbestigasyon at pagpapanagot sa mga sagkot sa katiwaliang ito, at ang paglunsad ng espontanyong kilos protesta sa buong bansa ngayong Agosto 26 laban sa korapsyon kaugnay ng pork barrel. Ang galit ng taumbayan ang nagtulak sa rehimeng US-Aquino na maglabas ng mapanlinlang na pahayag na di-umano ay dapat nang buwagin ang pork barrel. Mapanlinlang ito sapagkat ang pork barrel ay kasama sa taunang budget na Malacanang mismo ang naghahanda at bahagi ito ng 2013 at 2014 national budget. Maliban pa diyan, tanging ang PDAF lamang ng mga Mambabatas ang nais alisin ni pangulong PNOY at papalitan di-umano ito ng bagong pangalan. Dahil kasama sa taunang budget, gagawan daw ng “guidelines” kung paano ito gagamitin at ang mga Mambabatas ay kailangang magsumite ng kanilang panukalang proyekto sa Malacanang ayon sa itatakdang alituntunin ukol dito. Dagdag pa, hindi kasali sa bubuwagin ang pork barrel ng pangulo ng bansa. Sumatotal, mananatili pa rin ang pork barrel. Sa kasalukuyan, di bababa sa P200 M ang pork barrel ng bawat Senador, P70M naman sa bawat Kongresista, samantalang aabot naman sa P1Trillion ang lump sum funds o pork barrel ni PNOY sa anyo ng discretionary fund, social funds, atbpa. Ginagamit ng Presidente ang pork barrel upang kontrolin ang Kongreso at ang mga ahensya ng Gobyerno. Matatandaan na naunang nagpanukala ang mga Party List Congressmen ng Makabayan Coalition na buwagin na ang pork barrel. Ang pork barrel ay sadyang dinesinyo upang mapagkunan ng pondo at rekursos na ipinamumudmod ng mga tradisyunal na pulitiko upang makapagpanatili sila sa poder at maitaguyod ang patronage politics. Matagal ng umiiral ang pork barrel na binigyan ng iba’t ibang pangalan at balon ng walang habas na korapsyon. Ang pork barrel ay tuwirang nagsisilbi sa interes ng mga burukrata-kapitalista at hindi para sa kagalingan at kapakanan ng taumbayan. Masikhay at sama-sama tayong kumilos upang buwagin ng tuluyan ang sistemang pork barrel ng mga Mambabatas at ng presidente ng bansa at ilaan ang pondo nito para sa kinakailangang batayang serbisyong panlipunan gaya ng pangkalusugan, edukasyon, pabahay, at suportang serbisyo, sa pagpapaunlad sa agrikultura, at gayundin, sa mga programa para sa climate-proofing at ituon para sa mga disaster-risk communities na maging disaster resilient communities. Magpursige tayong papanagutin ang mga sangkot sa pork barrel scam hindi lamang ang kaugnay sa PDAF ng mga Mambabatas, gayundin ang pork barrel ng Presidente ng nakaraang rehimeng US-Arroyo at ang kasalukuyang rehimeng US-Aquino. BUWAGIN ANG PRIORITY DEVELOPEMENT ASSISTANCE FUND(PDAF) AT PRESIDENTIAL PORK BARREL ! PORK BARREL ILAAN SA MGA BATAYANG SERBISYONG PANLIPUNAN! MAGSAGAWA NG INDEPENDYENTE AT SERYOSONG IMBESTIGASYON SA PORK BARREL SCAM! USIGIN AT PAPANAGUTIN LAHAT NA SANGKOT SA PORK BARREL KATIWALIAN!
Posted on: Mon, 26 Aug 2013 00:20:30 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015