WALASTIK NA ITIK – PART 26 Sang-ayon ako kay Senador Joker - TopicsExpress



          

WALASTIK NA ITIK – PART 26 Sang-ayon ako kay Senador Joker Arroyo na labag sa Saligang Batas ang PDAF, ang pondong pork barrel, pati na ang DAP, pondo ng “Disbursement Acceleration Program” ng Pangulo ng Pilipinas. Nagtatag ang mamamayang Pilipino ng Kongreso sa pamamagitan ng Saligang Batas. Ang Kongreso ang tanging may kapangyarihan kumilala ng mga proyektong pambayan at magtakda ng kaukulan gastos para dito. Pumapaloob ang gawain ito sa tungkulin ng Kongreso na magbalangkas at gumawa ng batas. Dapat may una, pangalawa at pangatlong pagbasa ang bawat panukalang paggastos ng pondo publiko, bago pagtibayin ng bawa’t kapulungan ng Kongreso. Samakatuwid, dapat magkaroon ng malayang talakayan sa kawastuan ng panukala. Kailangan din ang kolektibong desisyon dito ng Kongreso, matapos ang malayang talakayan. Kaya nga naghalal tayo ng mga Kongresista at Senador, para sila ang maging kinatawan natin sa malayang talakayan kung paano ang buwis na kinokolekta sa atin ay matutumbasan ng mga proyektong pangkagalingan mula sa gobyerno. Kapag sinabing kolektibong aksyon, hindi iisang Kongresman o Senador ang nagdedesisyon kung paano gagastusin ang pondo publiko. Hindi rin si Speaker Belmonte o si Senate President Drilon lamang. Dapat ang magsagawa nito ay ang mayorya ng mga miyembro ng Kongreso. At nagiging batas ito matapos aprobahan ng Pangulo ng Pilipinas. Iyan ang prosesong itinakda ng Saligang Batas, at dapat sundin sa paggasta ng pondo ng bayan. Pero, hindi sumasailalim sa ganyang proseso ang PDAF. Naglaan ng napakalaking pondo ang Kongreso, at nag-ukol ng bilyon piso halaga para sa tinawag na PDAF ng bawa’t mambabatas. Aprobado ito ng Pangulo ng Pilipinas. Alinsunod sa nakaugalian, ang mambabatas ang siyang gagawa at kikilala ng kanilang proyekto at mag-uukol ng pondo mula sa kanilang PDAF. Ang DBM ang nagpapakawala ng pondo. Kaya nakita natin na may mga scholarship project kuno ang mga Kongresista, na ang gastos ay nagmula sa kanilang PDAF. Ang siste mo, may sariling patakaran si Kongresman, na pinaiiral sa pagpili ng scholar. Syempre, ang lutang na patakaran ay dapat bumoto ang buong angkan ng scholar kay Kongresman. At sa 100 daan scholar ni Kongresman, halimbawa, ilan dito ang di naman totoong mag-aaral o “fictitious”. Kuwestyon din maliwanag kung magkano ang dapat gastusin para sa bawa’t scholar. Si Kongresman din ang nagtatakda nito. Paano kung palitawin ni Kongresman na P20,000.00 sa bawa’t scholar ang gastos niya bawa’t taon, gayon P10,000.00 lamang pala ang aktuwal na gastos? Isyu din kung anong mga kurso ang dapat maging sakop ng scholarship project. Hindi ba dapat mga scholar na kumukuha ng kursong akma sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa ang dapat suportahan ng pondo ng bayan? Kaya dapat lamang na ang anuman paggugol ng pondo publiko ay sumailalim sa malayang talakayan sa Kongreso. Hindi dapat si mambabatas lamang ang pumili ng kanyang scholar at magtakda ng gastos para dito. Kinatawan siya ng lahat ng mamamayan, hindi ng mga sa kanya ay bumoto lang. At ang perang ginagastos niya ay nagmula hindi lang sa kanyang mga tagahanga, kundi pati doon sa mga ayaw sa kanya. Marahil, kung tinalakay sa Kongreso ang kawastuan ng pondo sa pagbili ng pataba ay hindi naiukol ito sa matataas na urbanisadong lugar sa bansa. Sino bang matino ang magtatanim at magpapalago ng halaman sa mga konkreto at aspalto? Marahil kung natalakay din ng mainam ang paggamit ng PDAF sa Kongreso ay hindi sana napasakamay ang bilyon pisong pondo ng mga pekeng NGO ni Napoles. Walang gaanong pinagkaiba ang DAP sa PDAF, kundi sa pangalan lamang. Ang DBM din ang nagpapakawala ng pondo nito. Naniniwala ako sa sinasabi ng karamihan na ang PDAF at DAP ay parehong ginagamit ng Pangulo ng Pilipinas na “pain” upang mabingwit ang pakikiisa ng sinuman mambabatas sa kanyang adyenda, marumi man o malinis. Hindi totoo ang tugon ni Senator Franklin Drilon kay Robin Padilla na siya (si Drilon), lamang ang tumuturol ng mga proyektong pambayan na dapat pagkagastusan ng pondo ng DAP. Ayon sa DBM, si P-Noy lamang ang may “discretion” sa paggastos ng pondong DAP. Ibinigay samakatuwid ng Kongreso ang pondo ng DAP sa Pangulo ng Pilipinas ng hindi kinilala ang mga proyektong pag-uukulan ng pondong ito. Samakatuwid, ang DAP ay handa ng gastusin sa kapritso ni P-Noy. Nauna pa ang kareta sa kalabaw, kung gayon. Ang nagdudumilat na katotohanan, ay binigyan ni P-Noy si Drilon at iba pang mga Senador ng pondo ng DAP at ginastos nila para sa mga proyekto ng mga Senador. Maliwanag, nilaktawan nila P-Noy, Drilon at mga Senador, ang kapangyarihan ng buong Kongreso na kilalanin ng mga proyektong pambayan at maglaan ng pondo para rito. Nilabag nga ng walang pakundangan ang Saligang Batas. Walang kabutihan maaaring idahilan si P-Noy at mga kasama sa malinaw na patuloy na paglustay ng pondo ng bayan.
Posted on: Wed, 02 Oct 2013 06:25:58 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015