CALAMITY FUND ALYAS PORK BARREL NASAAN? by Ultimatum/Benny - TopicsExpress



          

CALAMITY FUND ALYAS PORK BARREL NASAAN? by Ultimatum/Benny Antiporda Aug 20, 2013 12:40pm HKT _benny antipordaMARAMING bayan at lalawigan ang dinaluhong ng mga baha dahil sa pinagsamang mga sumpa mula sa bagyong Maring, habagat at high tide. Kaugnay nito, kamustahin natin ang mga aksyon ng pambansang pamahalaan at ng mga lokal na pamahalaan dito. LUBOG DITO, LUBOG DOON Kahit saan, kinakitaan ang mga mamamayan ng labis na paghihirap. Hindi lamang ang kanlurang Luzon ang may mga lumubog na kabahayan. Kabilang sa mga nasa kanlurang Luzon ang mga lalawigan ng Zambales at Bataan at ang buong Ilocos Region. Pati ang maraming kabahayan sa Laguna, Rizal at ilang bahagi ng Metro Manila ay nakaranas din ng mga paglubog. Grabe rin ang naranasang pagbaha sa lalawigan ng Cavite. Iisa ang sinasabi ng maraming matatanda: “ngayon lang bumaha nang ganito.” KAHIT SAAN KASIRAAN Isama natin sa mga nasiraan ang mga nagbanggaang barko sa Cebu. Dahil sa pagdating ng bagyong Maring at habagat, nahirapan ang mga rescuer sa pagsasagawa ng search and rescue. Ang mga pinaghirapang pinundar na tahanan ng daang libong mamamayan ay nasira sa lupit ng bagyo, habagat at high tide. Marami ring nasirang mga hanapbuhay ng mamamayan, malalaki man o maliliit. Maging ang mga imprastraktura na gawa ng pamahalaan gaya ng tulay, kalsada, eskwela at iba pa ay nasira rin. Ang mga dinaanan ng mga tubig-baha mula sa mga dam na nagpakawala ng tubig ay nakaragdag din sa kasiraan. Kung idagdag dito ang sinira ng bagyong Labuyo, hindi madaling isipin, mga Bro, ang pinsalang tinamo ng mga mamamayan at bansa. GUTOM KAHIT SAAN Dahil sa grabeng kasiraan sa hanapbuhay ng mga mamamayan, maging sa mga tahanan na kanilang iniwan para lang tumakbo sa mga evacuation center, gutom at iba pang paghihirap ang nararanasan ng ‘di mabilang na mamamayan. Pero ang gutom ay hindi lang sa istayl rasyon na pamimigay ng pagkain. Karanasan nang nagkakaubusan ng rasyon sa evacuation centers. Ang matindi ay kung umuwi na sila sa kani-kanilang mga tahanan. Sira na ang lahat, kabilang na ang tinangay ng mga pirata at kawatan, wala pang pagsisimulan ng marami. AKSYON NG PAMAHALAAN Ano-ano na ang aksyon ng pamahalaan sa napakasaklap na kalagayan ng mamamayan? Siyempre pa, naririyan ang front lines ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development na lumalaban sa gutom, ang Department of Health na laban sa sakit, ang pulisya at militar na aktibo sa search and rescue, ang Department of Public Works and Highways na nagbubukas sa mga lansangan para daluyan ng mga tao, produkto at serbisyo at maraming iba pa. Naririyan din ang mga local government unit na madaliang kumikilos para sa kaligtasan at laban sa gutom at paghihirap ng mamamayan. Ang malaking tanong lagi ay: Sapat ba ang mga aksyon na ito? PARANG BAND AID LANG LAHAT Nagpapasalamat ang lahat ng mga biktima na naaabot ng aksyon ng pamahalaan. Pero ang sabi ng mga ito, maging ng mga hindi naabot ng ayuda ay parang band aid lang ang lahat. Dahil hindi naman talaga umano pangmatagalan ang mga aksyon ng pamahalaan. Tama na may noodles, sardinas, inuming tubig, kaunting tableta at iba pang mga ipinamimigay sa mamamayan pero sa kalaunan, hindi umano ramdam ng nakararami ang hinahanap nilang ayuda. Hinahayaan lang silang nakalugmok at walang pagsisimulang ibinibigay ng pamahalaan, sabihin pang ipinagmamalaki ng pamahalaan ang pagyaman nito sa dami ng buwis na kinokolekta nito mula sa mamamayan, kabilang na ang mga biktima ng kalamidad. CALAMITY FUND NINA KONG, SEN Inginunguso ng mamamayan ang bilyon-bilyong pisong calamity fund na ipinamumudmod ng pamahalaan sa mga mambabatas sa Kamara at Senado para lamang makontrol o mapasunod sa mga kagustuhan nito ang mga ito. Para sa isang kongresman, binibigyan ito ng calamity fund na P70 milyon taon-taon habang ang senador naman ay binibigyan ng P200 milyon taon-taon. May kabuuang mahigit sa P24 bilyon ang calamity fund na natatanggap nina Kong at Sen. Ang nakapagtataka umano at dahilan ng hindi pagkaramdam ng tulong ng pamahalaan ay milyon-milyon lang ang ibinabahagi nito sa mga mamamayan, kahit sa oras ng kalamidad samantalang bilyon-bilyong piso ang ibinibigay sa wala pang 200 miyembro ng Kamara at Senado. Anak ng tokwa, pork barrel ang calamity fund na taos-pusong ibinibigay ng pamahalaan kina Kong at Sen. At tila walang pakinabang nang husto ang mamamayan sa mga calamity fund na ito. KUNG PARA SA BAYAN SANA Sabi ng mamamayan, kung sa kanila na lang sana dadaloy ang bilyon-bilyong calamity fund, alyas pork barrel, madali sana silang bumangon sa pagkakalugmok sa anomang kalamidad. Parang hindi naiisip ng pamahalaan hanggang sa ngayong may Tuwid na itong Daan na bigyan ng prayoridad higit ang mamamayan kaysa ang mga korap sa pamahalaan sa ninanakaw na kakaibang ‘calamity fund.’ Tsk! Tsk! Tsk! remate.ph/2013/08/calamity-fund-alyas-pork-barrel-nasaan/#.UhMQDj9cXIU
Posted on: Tue, 20 Aug 2013 06:44:29 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015