Career Coaching para sa mga Estudyante, Pinangunahan ng PESO - TopicsExpress



          

Career Coaching para sa mga Estudyante, Pinangunahan ng PESO Navotas Sinimulan na ng Public Employment and Services Office (PESO)– Navotas ang kanilang taunang Career Coaching Activity para sa mga 3rd year students ng anim na pampublikong mataas na paaralan sa lungsod noong Hulyo 2 sa Navotas National High School. Target ng proyekto na mabigyan ng ideya ang mga kalahok sa mga in-demand na trabaho sa taong 2011 hanggang 2020 at gabayan sila sa pagpili ng kursong nalilinya sa kanilang talento o hilig. Inimbitahan para magbigay ng kanilang mensahe para sa mga estudyante ang mga guidance counselor ng bawat paaralan, sina Mayor John Rey Tiangco at Gng. Katrina P. Laurente, Labor Employment Officer III ng Department of Labor and Employment (DOLE). Payo ng alkalde sa mga estudyante, “ang importante ay gusto natin ang kursong ating kukunin at ito ang hilig natin. Dahil sa huli, kayo pa rin ang magdedesisyon sa tatahakin ninyong trabaho o kabuhayan.” “Sabi nga ni Confucius, choose a job you like and you will never have to work a day in your life,” dagdag pa niya. Ilan naman sa mga nabanggit na in-demand na trabaho o industriya na nangangailangan ng maraming labor force sa kasalukuyan ayon kay Gng. Laurente ay ang hotel and restaurant management, food technology, social services, transport and logistics at iba pa. Payo din nya na “maiging pumili ng kurso na gusto natin at hindi lamang dahil ito ay in-demand sa kasalukuyang panahon.” Nakaschedule ang iba pang career coaching ng Hulyo 4, 9, 11, 16 at 18 sa Tanza National High School, Kaunlaran National High School, San Roque National High School, Tangos National High School at san Rafael National High School. Binanggit naman ni Mr. Genesis Sanoy, Hepe ng PESO Navotas na maaaring magtungo ang mga kabataan sa kanilang opisina sa 1st floor, Navotaas Hanapbuhay Center, Navotas City Hall kung may karagdagang tanong o kailangang tulong para sa job referral, free trainings at summer employment program.
Posted on: Thu, 04 Jul 2013 06:45:05 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015