JULY 11, 2013 THURSDAY PUBLIC SERVICE Veneer of - TopicsExpress



          

JULY 11, 2013 THURSDAY PUBLIC SERVICE Veneer of legitimacy (Usapang OFW) Isang suspected illegal recruiter ang inaresto sa mismong compound ng POEA sa kanto ng EDSA at Ortigas sa Mandaluyong kamakailan. Mismong ang aplikante at kanyang mga kamag-anak ang umaresto sa suspek na babae sa tulong ng ilang security officers ng POEA. Ang suspek ay sinampahan ng reklamo sa POEA Anti-Illegal Recruitment office, dinala sa CIDG Anti-Transnational Crime Division para imbestigahan at isinalang sa inquest proceeding ng isang DOJ prosecutor sa kasong illegal recruitment at swindling. Ang nagreklamo ay natangayan ng P60,000 down payment sa napagkasunduang placement fee na P300,000 para sa trabaho bilang maid sa Spain na ipinangako ng akusado. Palaisipan? Ang tanong: Bakit napakalakas ng loob ng suspek at sa mismong opisina pa ng POEA sa Mandaluyong niya isinagawa ang pakikipagtransaksyon sa kanyang biktima? Hmmmm. Parang palaisipan ‘yan, ‘di ba? For sure, maraming OFWs ang mag-iisip na baka may kapit ang suspek sa loob mismo ng POEA na hindi na lang lumutang (nagkalaglagan?) dahil masyado nang mala­king iskandalo ang nangyari sa paghuli sa suspek. Kayo, ano sa tingin ninyo? Pero para sa Usapan, talagang kasama sa modus operandi ng ilang kawatan ang pagsasagawa ng kanilang mga operasyon sa mga lehitimong tanggapan tulad ng POEA para palabasin na lehitimo rin ang halimbawa’y kanilang trabahong inio-offer. Babala “Veneer of legitimacy” ang tawag diyan na karaniwan ring siste o modus sa mga internet-based investment scams na gumagamit ng pangalan ng mga lehitimong business companies para makumbinsi ang bibiktimahin na mag-invest. Iyan ang dahilan kung bakit sa mga opisina ng mga POEA-licensed recruitment agencies ay madalas na may nakapaskil na huwag makipag-deal sa mga maaaring nagpapanggap lang na tauhan nila. Lalo na pagdating sa bayaran, dapat ay sa accounting division lang (at may resibo!) ang abutan ng pera at hindi sa labas ng tanggapan. May mga ganyan ring babala sa mga bangko kung saan ay may mga naitala na ring insidente na ang idedepositong pera ay naharang ng pekeng bank “employee” na nag-offer na huwag nang idaan sa mahabang pila sa tellers ang pagdedeposito. Double check Sa mga aplikante, bukod sa pagberepika kung lisensyado ng POEA ang inyong recruiter at kung may job order ito para sa trabahong inaaplayan ninyo, maging mas maingat sa mga nag-o-offer ng “direct hiring” na trabaho na karaniwang ginagawa person-to-person. Tandaan po ninyo na kahit sa “direct hiring” ay kailangang dumaan at berepikahin pa rin ng POEA (Name Hire Processing Unit) ang inyong mga dokumento tulad ng kontrata, work permit, visa, atbp. para makasiguro na lehitimo ang trabahong inio-offer sa inyo. ~vittel~
Posted on: Thu, 11 Jul 2013 18:53:55 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015