KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 21 AUGUST - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 21 AUGUST 2013 “Pork: ginagawang baboy ang mga mambabatas” INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ano ba ang mapapala ng tao kahit na maging pag-aari man niya ang buong mundo, kung mapapariwara naman ang kanyang kaluluwa? O ano ba ang maibibigay ninuman kapalit ng kanyang kaluluwa?” (ang Panginoong Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 16:26, Bibliya). -ooo- “ITIGIL ANG PORK BARREL”: Naririto po ang isang pananaw sa pork barrel, galing kay dating Sen. Panfilo M. Lacson, sa isang talumpati o privilege speech noong Marso 11, 2003 sa Senado: “Ginoong Pangulo, ako ay tumatayo ngayon batay sa isang karapatang pampersonal at pangkalahatan. Noong isang linggo, isinulong natin ang bersiyon ng Senado ng General Appropriations Bill of 2003. “Isinalarawan bilang `sagad sa buto’ ang gastusing pambansa para sa taong 2003 ng tagapamahala mismo ng Senate Finance Committee na siya ding pangunahing may-akda ng panukala, kasabay ng kahilingan sa ibang mga senador na tumulong upang mapigilan ang budget deficit (o kakulangan sa pera ng pamahalaan) na inaasahan ng mga ekonomista na aabot sa Ph300 bilyon sa huling araw ng taon. Nais kong tugunan ang panawagang ito ngayon. “Aking ipinapanukala ang pagpapa-alis ng isang napakatiwali, at ugat ng katiwaliang sistema, sa ating buhay-pulitika. Ang tanging hiling ko sa ngayon ay ilang minuto lamang ng inyong mahalagang oras---at ng inyong mga kaisipan. Kailangan na nating alisin ang sistemang pork barrel. Tanggalin na natin ito, sa ating panahon, ng hindi natin ipinagluluksa ang kanyang pagkawala. Ito ay sakit ng katiwalian na dapat ng mamatay. -ooo- “PORK BARREL, DALA AY KAHIHIYAN”: “At wala ng mas mabuting lugar sa mundo kung saan dapat maganap ito kaysa sa Senado---na inaasahang isang lugar ng mga lalaki at babaeng may sapat na gulang at karangalan, may dignidad at integridad. Ganundin, wala ng mas magandang panahon upang patayin ang pork barrel kaysa sa ngayon, dahil na rin sa nakaka-alarmang paglobo ng kakulangan ng pera ng pamahalaan. Noong nakaraang taon, kulang tayo ng Php213 bilyon, bagamat di tayo naniniwala sa mga numero. “At hindi pupuwedeng pasinungalingan ang aking sinasabi. Walang anumang bahagi ng sistemang pork barrel ang magbibigay ng dangal sa atin. Ito ay balot ng mga bagay na kahihiyan lamang ang dulot sa atin. At di na mahalaga kung ano ang pangalan ng sistemang ito: Countrywide Development Fund, o ang Congressional Initiative Allocation, o Priority Development Assistance Fund. Ito ay mananatiling pondo ng matinding korapsiyon. “Maging ang pangalang `pork barrel’ ay hango sa Estados Unidos, bago giyera-sibil, kung saan ang mga among puti ay namimigay sa kanilang mga aliping itim ng mga inasinang karne sa mga bariles, bilang pagpapakita ng kagandahang-loob. Noong mga panahong iyon, sa pagnanais ng mga alipin na makakuha ng karne, natuto silang magbangayan at mag-unahan. Ang mas maraming nakukuha ay tila bayani pa kung ihahambing sa ibang ayaw makipagtulakan o makipag-agawan. -ooo- “PORK BARREL, GINAGAWANG BABOY ANG MGA MAMBABATAS”: “Maaaring hindi natin nakikita, pero para sa sambayanang Pilipino, itinuturing tayong tulad ng mga aliping ito na nag-uunahan at nagbabangayan sa pagkuha ng pork barrel. Mas masama pa, may ibang pagsasalarawan ang ibang kritiko---tayo ay mga baboy na ganid sa pagkuha ng pagkain kahit di na nila ito mauubos pa. “Ginoong Pangulo, inaasahan ng ating mga kababayan na ang bawat pisong ibinabayad nila bilang buwis ay nagagastos ng buong husay sa bawat proyekto. Kaya naman nagkakaroon sila ng galit kung nakikita nilang ninanakaw ang mga perang ito. Dahil diyan, bayaan po ninyong ipahayag ko ngayon ang ayaw nilang marinig, sapagkat nararapat lamang nilang marinig ang kinatatakutan nating sabihin. “Sa ilalim ng sistemang pork barrel, mababa pa sa kalahati ng mga buwis na ibinabayad ng sambayanan ang tunay na nagagamit para sa mga proyekto. Higit sa kalahati ay kadalasang napupunta sa mga bulsa ng katiwalian. Pag minsan, depende sa kasakiman ng mga tiwali, dalawampung porsiyento lamang ang natitira upang pondohan ang proyekto. Banal na sardinas!” May dagdag pa po ito sa susunod. -ooo- REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: batasmauricio@yahoo, mmauriciojr111@gmail. -30-
Posted on: Wed, 21 Aug 2013 00:24:18 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015