Siguruhing walang makukurakot sa mga donasyon Bumubuhos na - TopicsExpress



          

Siguruhing walang makukurakot sa mga donasyon Bumubuhos na nga ang tulong na milyun-milyong piso (daang libong dolyares) mula sa iba’t ibang dayuhang pamahalaan. Labas pa rito ay ang walang patid na pagdating ng iba’t ibang anyo ng tulong mula sa mga pribadong kumpanya at indibidwal. Pero ang hindi matatawarang ayuda na siya ngayong tulay para maihatid ang dumadagsa nang relief goods at personnel ay ang mga helicopters at fixed-wing aircrafts ng Amerika. Idagdag pa ang mga search and rescue equipment nito at mga ipinadala ring humanitarian at medical teams ng iba’t ibang bansa. Isa sa pinakamalaking problema ng pamahalaang Aquino ay kung paano makakarating agad sa napakalawak na sinalantang mga rehiyon ang tulong dahil limitadung-limitado ang mga aircrafts ng bansa. Sana lang, dalangin ng lahat ay walang makurakot sa bumubuhos na mga tulong na ito, lalo na ang tulong pinansyal. Sana nga ay huwag sayangin ng gobyernong Aquino ang pagtitiwalang ito. Importante na ang bawat ahensya at local government units (LGUs) ay maging tapat sa pagsisilbi sa taumbayan sa pagkakataong ito. Kahit ngayon man lang na nasa gitna ng trahedya ang Pilipinas. Sa nagdaang mga administrasyon, mayroong masamang karanasan ang ilang dayuhang donors dahil sa ginawang berepikasyon sa ilang pagkakataong nagpadala sila ng tulong sa mga sinalanta ay hindi umano nakarating sa mga biktima ang kanilang padala. Ayon pa sa isang dayuhang grupo, minsan silang nagpadala sa typhoon victims noon sa lalawigan ng Quezon. Kahun-kahong imported na mga kumot, damit at iba pang kagamitan ang kanilang ipinadala ngunit nang bisitahin nila ang lugar at makapanayam ang mga mamamayan nito ay nalaman nilang mga local na canned goods at halos bulok na bigas ang nakara­ting sa kanila. Kaya simula umano noon ay direkta nang pinangangasiwaan ng dayuhang grupo ang pamumudmod ng tulong sa mga biktima. Hindi na umano sila muling nagtiwala sa alinmang sangay ng pamahalaan. Nakakalungkot ang pangyaya­ring ito. Na kahit ang mga biktima sa gitna ng kalamidad ay ninanakawan pa at niloko naman ang mga nagmalasakit na donors na ang ilan ay mga dayuhan. Hindi tayo ganito! Buo ang pagtitiwala ng sambayanan na sa ilalim ng ‘tuwid na daan’ ay wala nang maibubulsa at masasamantalang donasyon. Ang pera at tulong sa mga biktima ng ‘Yolanda’ ay dapat makarating sa kanila nang buo at walang antala. Kasunod ng pagbangon ng Pilipinas sa pagkakalugmok, importanteng mai-account kung tunay ngang nakarating sa mga biktima ang tulong. Kung mayroong mapapatunayang nagnakaw o nagsamantala rito, dapat silang papanagutin sa batas! abante.ph/issue/nov1213/op_edit.htm
Posted on: Tue, 12 Nov 2013 01:00:01 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015